| 'Hindi ako ampon' - Gladys
TINATAWANAN lang
ni Gladys Reyes ang
balitang may isang
angkan ng Ayala na umaangkin sa kanya.
Ayon sa mga Ayalang ito, na hindi naman konektado sa mayayamang Ayala ng Makati City o mga Ayala nina Manny Ayala (ang dating kasintahan ni Angelique Lazo) at Joey Ayala, maliit pa nang ipaampon nila si Gladys sa kinikilala nitong mga magulang na sina Zeny at Jun Reyes.
Nagulantang na lang si Gladys sa mga pag-aangking ‘yon.
Ngayon pa naman na siya ay isa nang ina at maligaya sa piling ng kanyang asawang si Christopher Roxas.
“Ano ba naman ‘yan? Pati ba naman ako ay idinadamay pa sa ganyan? Akala ko ay para sa mga young star lang ‘yan. Ako ay once-young star na,” natatawang pahayag ni Gladys.
Kahit kami ay makapagpapatunay na si Gladys ay tunay na anak nina Zeny at Jun bukod pa sa mga dokumento na hawak ng mag-asawa kaugnay sa kanilang opisyal na katungkulan bilang ama’t ina ng aktres.
Naging Little StarBrighter ng CinemaScoop ni Boy C. de Guia sa Channel 2 noong 1988 si Gladys at talagang nakalagay pa sa birth certificate nito na ang kanyang mga paryentes ay sina Zeny at Jun at ang relihiyong kinaaaniban ng mga ito ay Iglesia ni Kristo.
“Bakit ngayon pa ito nangyari? Ngayon na kasal na ako at lahat? Bakit hindi noong ikakasal pa lang ako? Siguro naman ay alam ng mga nagki-claim na ikakasal na ako dahil it was all over the TV, radio and the newspapers,” katwiran pa ng mahusay na character actress. ***
Pati si Boy de Guia ay nanunumpa na si Gladys ay hindi ampon. “Paano mangyayari ‘yon samantalang halos araw-araw ay kasama namin siya sa show at nagre-rehearse?” tanong ni Boy na alagang-alaga noon ang kapaslitan ni Gladys.
Nagkaroon ng break si Reyes sa mga TV show ni Jun King Austria dahil magkakaibigan ang kani-kanilang ina. Ang namayapang nanay ni Jun King na si Lily Austria ang nagbigay ng pagkakataon kay Gladys na makaarte sa soap opera na Verdadero ni Jun King. Ang mga Austria ang prodyuser ng teleserye noon sa Channel 13, noong mga panahong sikat na sikat ang himpilang ito.
“Hindi po ampon si Gladys. Nakakatawa naman ‘yon,” pahayag ni Jun King. “Ang tagal-tagal na, e, ngayon lang lumabas ang isyu. Mali pa,” natatawang dagdag ng ngayon ay direktor at artista sa komersiyal na si Jun King. ***
Hindi rin makapaniwala si Carmi Martin, ang matalik na kaibigan ni Gladys. “Naku, I couldn’t imagine na siya ay ampon. Kasi, it shows in her features na magkamukha sila ni Zeny at talagang Reyes na Reyes ang kanyang mga physical feature. Ngayon, kung magpapa-DNA pa, baka lalo pang mapatunayan kung ano talaga ang totoo,” sabi ni Carmi.
Lalo namang napahagalpak sa tawa ang manager ni Gladys na si Lolit Solis. “Naku, huh, sino kayang kati-katira na nagpasimula ng ganyang mga tsismis? Bilib din ako sa mga umaangkin sa alaga ko, huh! Walang takot,” napapailing na pahayag ni Lolit.
Hindi nga natatapos ang mga usaping pag-aangkin sa showbiz na naganap na rin kina Nora Aunor, Aiza Seguerra, Regine Velasquez at marami pang iba.
Pero hanggang ngayon ay hindi pa rin sumusuko si Beltran o Ethan Zacarias ng Infanta, Quezon na si Regine ang kanyang nawawalang anak na mahusay kumanta na si Norma Zacarias kahit na ilang libong beses nang itinanggi ni Velasquez ang kanyang katauhan.
Naniniwala ang mga Zacarias ng Infanta kung bakit hindi na lumitaw si Norma kahit ang bangkay nito kung patay na nga ang mahusay na mang-aawit.
Nakamatayan na ni Aling Remy Zacarias ang paghahanap kay Norma at ang lukso ng kanyang dugo ay tuluy-tuloy na bumulwak noon para kay Regine nang makita niya ito na kumakanta sa Ang Bagong Kampeon sa Channel 9. ***
“Bakit ginagawa nina Janno Gibbs at Bing Loyzaga na sinungaling ako?” tanong ni Gladys Guevarra dahil sa aniya’y pagbaligtad ng mag-asawa sa kanyang mga pahayag.
Inakusahang nagkaroon ng relasyong romantiko sina Janno at Gladys at mukhang inaamin naman ito ng komedyanteng mang-aawit.
Kahit hindi direktang sinasabi ni Guevarra na si Janno ang kanyang kulukadidang ay nagkakaladkad ito ng pangalan tulad ng “Doc” na kung pag-aaralan at susumahin ay alyas ni Janno.
Inamin ni Gladys na crush talaga niya si Janno kahit noon pa. Na nagkabati na sila ni Bing at humingi na siya ng patawad pero bakit ngayon ay siya pa ang masama.
“Nagsabi na ako ng totoo. Pero bakit ako pa ang lumalabas na sinungaling? Kasi, binabaligtad nina Janno at Bing ang mga nangyari. It’s unfair,” pahayag ni Gladys na natataranta sa mga kaganapan ng buhay sa kanyang kasaysayang personal.
Ang mabuti kaya ay magharap muli silang tatlo at doon ay ilantad nila ang kanilang mga tunay na saloobin nang magwakas na ang lahat ng ito.
***
Maraming salamat nga pala sa lahat ng dumalo sa book launching ng aming obra maestra na Exposé Peryodismong Pampelikula sa Pilipinas (Movie Reporting in the Philippines) na inilimbag ng UST Publishing House kamakailan sa Robinsons Galleria Cinema Lobby.
Naging malaking daan ang Independent Filmmakers Cooperative na pinangunguluhan ni Emman de la Cruz at ang programmer nito na si Paolo Villaluna sa pagdaraos ng paglulunsad.
Napakamakatuturan na ang indieSine Film Festival ang naging susi at daan sa unang pasada ng aking aklat tungkol sa peryodismong pampelikula.
Nagpapasalamat din kami sa mga dumating tulad nina Billy Balbastro, Ronald Constantino, Maria Isabel Lopez, Ricardo Cepeda, Nathan Lopez ng Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros, Brillante Mendoza, kilala rin sa tawag na Dante Mendoza, Jan Manual ng StarStruck 4, Arman Reyes, Ed Palmos, Gil Villasana, Dennis Adobas, ang Shining Sisters, ang mga singer na sina Jan Martin Fazon at Mark Ruis, George Vail Kabristante, Rino Fernan Silverio, Ricky Calderon, Ogie Cruz, Jason Francisco, Cita Sarabia, Lucy Sevilla, Anthony Solis, JayJay Espiritu, Archie de Calma, Noel Sales Barcelona, Dennis Aguilar at napakarami pang iba.
Salamat nang marami kina Bong Osorio at Onel Velarde ng Corporate Communications ng ABS-CBN, kay Charo Santos-Concio, kina Donna Villa at Carlo J. Caparas, kay Boy Abunda, kay ER Ejercito, kay Joey Abacan ng Channel 7, kay Boots Agbayani-Pastor, kay Dante Mendoza, kina Mr. & Mrs. Rudy Velasquez, kay Donna Plugio ng Robinsons Galleria Cinemas at marami pang iba.
Mabuhay kayong lahat!
***
Sa ika-4 naman ng Mayo ay ilulunsad ang Exposé Peryodismong Pampelikula sa Pilipinas (Movie Reporting in the Philippines) sa Lopez Town Plaza ng Lopez, Quezon sa ganap na alas siyete ng gabi kasabay ang kaarawan ni Dr. Nestor de la Rosa.
Pagkakataon din ito upang maisatinig ng lahat ng kandidato sa Lopez (sa konseho at sa pamahalaang panlalawigan) ang kanilang mga plataporma sa kultura at sining dahil kung inyong mapapansin, madalang pa sa patak ng ulan sa tag-araw ang pagbanggit ng mga kandidato sa May 4 elections sa mga plano nila sa kultura at sining, ang dalawang larangan na mahalaga sa buhay ng mga tao dahil ang mga ito ang nagpapaliwanag ng katuturan ng buhay natin sa lipunan at kung paano babatahin ang mga pakikibaka sa pang-araw-araw na eksistensiya sa kristalisasyon ng kultura bilang prosesong panlipunan.
balik sa itaas |