Taon 6 • Blg 16 • Mayo 1, 2007

Editoryal at Opinyon, Abril 24, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO ALAM NYO BA MGA MARELIHAM SA PATNUGOT

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Kalusugang reproduktibo at ang mga kemikal sa produksiyon

Alam ba ninyo, mga mare, na marami sa ating mga manggagawa ang walang nalalaman ukol sa mga kemikal na ipinagagamit sa kanila sa araw-araw. Iyan ang isa mga natutunan ko sa pagbabasa sa resulta ng isang pag-aaral sa kalagayan ng mga manggagawa sa sektor ng elektroniks sa Cavite. Sa sektor na ito nagmumula ang halos kalahating porsyento ng eksport ng bansa. Ang kanilang ginagawa ay mga kompyuter, piyesa ng kompyuter at mga semiconductor. At mahigit 70% ng manggagawa sa industriyang ito ay kabaro natin, mga mare.

Aba’y sa dami ng mga kemikal na ginagamit sa industriyang ito, siyam lang ang kilala ng mga manggagawang nakausap para sa pananaliksik. Para kasi hindi madumihan ang kahit na anong bahagi ng produktong ginagawa, bawat proseso ng paggawa ay may mga kemikal na gamit. Pero ang pangalan ng mga kemikal na ito ay pinananatiling misteryo sa mga manggagawa.

At ang alam ng mga manggagawa na epekto sa kalusugan ng siyam na kemikal na ito ay kaugnay lamang ng mga sakit sa baga, balat, mata, palatunawan, at sa ilang pagkakataon, sa puso’t nervous system. Pero wala silang nailistang epekto ng mga ito sa sistemang reproduktibo.

Kapag kemikal kasi ang pag-uusapan, mga mare, tiyak na pati kakayahan ng babaing magbuntis at manganak ay apektado. Ibig sabihin, may malaking epekto ito sa paggawa ng salinlahi ng bansa.

Apatnapu’t isang kemikal na gamit sa industriya ng elektroniks ang nailista na may epekto sa reproduktibong kalusugan ng lalaki’t babae. Dalawa lang dito ang nabanggit ng mga nakapanayam sa Cavite. Ito ay ang tingga (lead) at nitrous oxide na may kaugnayan lamang sa binanggit nilang nitric acid.

Ang tingga ay maaaring magpababa ng kakayahan ng babae’t lalaking magkaanak. Sa ilang pagkakataon, nagiging sanhi ito ng pagkabaog. Maaari rin itong maging dahilan ng pagkamatay ng bata sa sinapupunan (fetal death) o pagkalaglag ng bata (miscarriage) o ng depekto sa batang ipapanganak pa lamang. Maaari ring mahirapan ang babae sa pagreregla.

Ang nitrous oxide ay maaaring makamatay rin sa bata sa sinapupunan, magdulot ng pagkalaglag nito o ng pagkakaroon ng depekto nito.

Ang epoxy na kilala ng mga manggagawang kinapanayam bilang araldite ay maaari ring magpahina sa kakayanan ng mag-asawang magkaanak. Maaari rin nitong paikliin ang panahong kakayanin ng babaing magpasuso.

Tatlo pa lang ito, mga mare, sa mga kemikal na araw-araw na ginagamit ng mga manggagawa. Paano na ang iba pang kemikal na hindi nila kilala at ayaw ng manedsment ng kanilang kompanyang ipaalam ang pangalan sa kanila?

Karapatan ng mga manggagawang mabigyan sila ng tamang impormasyon ukol sa mga kemikal na araw-araw nilang gamit. At responsibidad ng manedsment hindi lamang ang bigyan sila ng tamang impormasyon kundi ang ipagamot ang mga manggagawang nagkakasakit dahil sa mga kemikal na ito.

Karapatan sa impormasyon ukol sa kemikal na gamit sa produksiyon, karapatan sa kalusugan. Kabilang ang mga ito, mga mare, sa mga dapat ipaglaban ng mga manggagawa laluna ng kababaihan hindi lamang sa Mayo Uno, ang araw ng paggawa, kundi sa buong taon.

nauna | balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006