Taon 6 • Blg 16 • Mayo 1, 2007

Editoryal at Opinyon, Abril 24, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO ALAM NYO BA MGA MARELIHAM SA PATNUGOT

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Pagpapahalaga sa kalayaan sa pamamahayag

Ang selebrasyon ng World Press Freedom Day tuwing Mayo 3 ay hindi masyadong alam ng
mga tao. Kung tutuusin nga, hindi lahat ng mamamahayag ay alam ito. Pagpapatunay kaya ito na hindi masyadong pinapahalagahan ang kalayaan sa pamamahayag sa Pilipinas?

Maaaring ito ang maging sagot ng isang taong naiinis na sa parating laman ng balita ng mga tinaguriang higanteng midya sa diyaryo, radyo, telebisyon at Internet: “Wala akong paki!” At ang kanyang kawalan ng pakialam ay hindi lang sa World Press Freedom Day kundi sa sitwasyon ng pamamahayag sa bansa. Para sa kanya, ang iba’t ibang porma ng midya ay nagsisilbi lang para bigyan siya ng panandaliang aliw, isang porma ng pagtakas sa mga problemang kinakaharap niya.

Sa katunayan, kahit ang balita ay inaasahan niyang magbigay-aliw sa kanya. Ito ang dahilan kung bakit sa telebisyon – ang sinasabing pinakamakapangyarihang porma ng midya sa kasalukuyan – ang mga seryosong balita sa pulitika at ekonomiya ay kadalasang sinusundan ng “magagaang” balita sa showbiz.

Mapapansin ang kontradiksiyon ng pagiging siksik sa napakaraming balita sa telebisyon at ang kakulangan ng malalimang pagsusuri sa maiinit na isyu. May pamantayan kasi ang karamihan sa mga programang balita sa telebisyon: Hindi dapat lumampas sa mahigit dalawang minuto ang mga balita. Mas mainam kung mas maikli.

Ang pagiging maikli ng mga balita ay bunga raw ng mababang atensiyon ng publiko sa detalye. Kaya nga kahit ang mga seryosong balita – na pinaikli na ayon sa itinakdang pamantayan ng istasyon ng telebisyon – ay kailangan ding ilahad sa publiko sa paraang magaan o nakakaaliw. Maaaring ito ay sa pamamagitan ng pagkuha ng isang anchor o reporter na kakaiba ang boses o agaw-atensiyon ang pananamit at paggamit ng iba’t ibang klase ng musika para bigyang drama ang isang seryosong balita.

Maraming nagsasabing ang midyang mayroon tayo ay dahil sa klase ng publikong tumatangkilik sa mga ito. Ibinibigay lang ng midya ang gusto ng mga tao, kaya ang sinumang may reklamo sa nilalaman nito ay dapat lang sisihin ang kapwa niya, partikular ang nakararaming “masa” na kadalasa’y nanonood lang ng mga balita dahil kasunod nito ang pinakaaabangang teleseryeng gasgas na ang istorya at pinagbibidahan ng mga guwapo’t magagandang walang alam sa pag-arte.

Pero tulad ng mga nasabing teleserye, gasgas na rin ang ganitong argumento sa klase ng pamamahayag sa kasalukuyan. Dapat tandaang ang tungkulin ng mga tinaguriang gatekeeper ng midya – na kinabibilangan ng mga may-ari, patnugot at iba pang nagdedesisyon sa magiging laman ng ibibigay sa publiko – ay ipalaganap ang impormasyong kailangan ng mga tao na minsa’y hindi umaakma sa kagustuhan nila.

Ang mga mamamahayag at gatekeeper ay may pangunahing tungkuling hubugin ang pampublikong opinyon at hindi mangyayari ito kung ang mga tao ay salat sa mahahalagang impormasyon. Ang pagsusuri ng mga isyu ay kailangang ginagawa ng mga mamamahayag, dahil ang publiko ay may opsiyon namang sang-ayunan, tutulan o bale-walain ang mga nasabing pagsusuri. Sa isang banda, hindi ba’t ang mga mamamahayag ay nasa posisyong obhetibong magsuri sa mga nangyayari dahil nasa kanila ang mga datos at alam nila ang argumento ng iba’t ibang panig?

Kaya huwag sana nating sisihin ang mga tao, lalo na ang “masa,” sa klase ng midya (at maging sa kalidad ng pamamahayag) na araw-araw nating natutunghayan lalo na sa mga higanteng network. Ang mga pamantayan tulad ng pinaikling mga balita at pagkakaroon ng mga anchor sa radyo’t telebisyon na nakakairita ang mga boses ay mga bagay na itinakda lang ng mga nagmamay-ari ng midya para siguraduhing hindi magkakaroon ng kritikal na pag-iisip ang mga mamamayan.

At bakit gusto ng mga tinaguriang gatekeeper na manatiling salat sa mahahalagang impormasyon ang mga tao? Sa tingin ninyo, maging apektado kaya ang mga higanteng midya kung sakaling mamulat ang mga tao’t maisipang baguhin ang sistemang umiiral sa lipunan?

Sa okasyon ng World Press Freedom Day, sana’y ipaalala natin sa ating sarili na ang araw-araw nating nababasa, napapanood o napapakinggan sa mga higanteng organisasyong pang-midya ay hindi ang kabuuan ng midya sa Pilipinas.

Mayroon pa ring tinatawag na alternatibong midya tulad ng Pinoy Weekly na bagama’t limitado ang naaabot dahil sa kakulangan ng rekurso ay pinipilit pa ring itaguyod ang klase ng pamamahayag na kailangan ng mga tao.

At, hindi tulad ng mga higanteng organisasyong pang-midya, ang tanging adyenda ng “maliliit” na ito ay isulong ang makabuluhang pagbabago nang hindi isinasaisip kung ito ba ay makakaapekto sa kanilang tubo.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa dannyarao.com

nauna | balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006