Taon 6 • Blg 16 • Mayo 1, 2007

Editoryal at Opinyon, Abril 24, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO ALAM NYO BA MGA MARELIHAM SA PATNUGOT

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Kawalan ng sapat na trabaho: Ano ang dahilan?

Noong nakaraang linggo ay nagkaroon tayo ng pagkakataon na maging bisita sa isang kilalang programa sa radyo. Pinag-usapan ang kawalan ng sapat na trabaho sa Pilipinas. Bakit nga ba hindi makapagbigay ng sapat na trabaho ang ating ekonomiya? Ano ang dahilan kung bakit hindi ito magawa ng ating gobyerno?

Hindi maitatwa na pangunahing problema ng bansa ang kawalan ng  trabaho para sa mga mamamayan nito. Tinatantiya ng Ibon Foundation na sa kabuuang labor force ng Pilipinas na 33 milyon, 4.1 milyon dito ang walang trabaho at halos 7.5  milyon naman ang hindi sapat ang hanapbuhay. Sa madaling sabi, 11.6 milyon ng ating mga mamamayan ang unemployed o  underemployed. Tunay ngang nakakaalarma ito  dahil lumalabas na isa sa bawat tatlong mamamayan dito sa ating bansa  na maaaring maghanapbuhay ay walang hanapbuhay o hindi sapat ang hanapbuhay.

Bakit ganito sa ating bansa? Bakit hindi gumagana ang ating ekonomiya kung ihambing sa ekonomiya ng ibang bansa sa Asya? Aba, dati-rati ay nangunguna tayo sa Asya at tinitingala ng ibang bansa rito pagdating sa pagiging abante ng ekonomiya. Hinahangaan tayo ng China, Japan, Malaysia, Korea at Thailand. Ngayon ay   kasama tayo sa nangungulelat at iniwanan na ng  mga bansang ito  kasama na ang dumaan sa matinding giyera katulad ng  Vietnam. Ang Bangladesh at Burma na lamang ang hindi nakakalamang sa atin. Bakit sa nakalipas na mga dekada ay naiwanan tayo ng mga bansa na ito?

Simple lang ang sagot, mga kasama. Industriyalisasyon. Hindi sinikap ng gobyerno natin na bigyang pansin ang  pagsusulong sa pambansang industriyalisasyon. Hindi nito priyoridad ang pagtayo ng mga pagawaan at mga pabrika. Sa halip, pinabayaan nito na nakabatay lamang sa agrikultura ang ating ekonomiya. Ang kakaunting industriya natin ay hinayaan ng gobyernong masira at lamunin ng ibang bansa sa pamagitan ng liberalisasyon at deregulasyon.

Halimbawa, anong produkto ba ang ating ini-eksport?  Hanggang ngayon ay nakabatay pa rin tayo  sa agrikultura katulad ng niyog, saging, gulay, at hilaw na mga sangkap. Nanatili  naman tayong  taga-angkat ng mga yaring produkto ng ibang bansa katulad ng kotse, computer, cellphone, makina, at iba pa. Maniniwala ba kayo na ultimo kutsara at tinidor natin ay kailangan pa natin i-import dahil wala tayong pagawaan niyan dito? Gan’un  ka-atrasado ang ating ekonomiya.

Ang isang ekonomiyang nakabatay sa agrikultura ay limitado  ang kakayanang magbigay ng trabaho. Ilang tao ba ang kailangan para bungkalin at arugain ang  isang hektaryang lupa? Kaunti lamang. Ngunit ilang tao naman kaya ang kakailanganin ng isang pabrika na halos isang hektarya ang laki? Di hamak na marami. Wala pang tigil ang trabaho ng mga ito dahil puwede kang maglagay ng first shift, second shift hanggang third shift.  Hindi mo ito puwedeng gawin sa isang sakahan.

Malinaw na mas lalawak at lalago ang ating ekonomiya kung sisikapin nating maging industriyal tulad ng ginawa ng karatig nating mga bansa. Ngunit bakit hindi ito magawa ng ating gobyerno?

Una, kontrolado ang  ating  gobyerno ng mga negosyante, panginoong maylupa, at iba pang mayayaman na kontento na sa umiiral na kalagayan at ayaw nang mamuhunan  para sa tunay na industriyalisasyon. Bakit  pa sila  magtatayo ng pabrika kung maari naman silang  magtayo ng call center? Mas menos gastos pa. Imbes na gumastos sila nang malaki para sa isang pabrika, eh di magtatayo na lang sila ng taga-assemble ng mga piyesa? Imbes na problemahin nila ang paggawa ng mga computer dito, bakit di na lamang sila  maging distributor dito? Mas malaki pa ang kita. Bakit pa sila magpapakahirap sa pagkuha ng abanteng teknolohiya sa ibang bansa samantalang puwede namang magtayo ng agency para magpadala ng tao sa ibang bansa? Sa madaling sabi, hindi priyoridad ng mga may hawak sa gobyerno ang industriyalisasyon.

Ikalawa, nakikinig ang ating pamahalaan sa dikta ng mayayamang bansa na ang interes ay manatili tayo sa antas na agrikultural at hindi magiging industriyal. Tinitiyak nila ito nang sa gan’un ay patuloy tayong maging tapunan ng kanilang produkto at pagkukunan ng kanilang hilaw na sangkap. Ginagawa ito ng mayayamang bansa sa pamagitan ng pagpapakalat ng paniniwalang nakakabuti sa atin ang globalisasyon at dapat nating yakapin ito kahit hindi pa tayo handa.

Ang kawalan ng trabaho ay manipestasyon ng isang pamahalaang hindi tunay na nagsisilbi  sa malawak na hanay ng kanyang mga mamamayan kundi sa ilang naghaharing uri at amo nilang dayuhan. Panahon na para wakasan ang pamahalaang ito.

balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006