Taon 6 • Blg 16 • Mayo 1, 2007

Editoryal at Opinyon, Abril 24, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO ALAM NYO BA MGA MARELIHAM SA PATNUGOT

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
EDITORYAL

Pag-asa sa Buwaya’t Hunyango?

MATAGAL nang napatunayan ang kainutilan ng eleksiyon tungo sa pambansang pagbabago o pagkakaroon man lamang ng mga reporma para sa kapakanan ng masang sambayanan. Pagkatapos ng bawat malakarnabal na halalan ng mga payaso’t sirkerong pulitiko, natural na nahahalinhan lamang sa poder ang dating tiwali’t masamang pambansang liderato pero, kung tutuusin, masama pa rin o higit pang masama – at tiyak na makapipinsala pa rin sa kapakanan ng bansa – ang bagong humalili’t magsisihawak ng renda ng gobyerno.

Paulit-ulit na nga itong napatunayan sa bawat rehimen mula pa nang ipalunok sa sambayanan ang sistema ng demokrasya’t pulitikang yari sa Amerika. Sapagkat nagririgodon lamang sa poder ang mga lider at basalyos ng uring mapagsamantala – mga tusong kapitalista’t negosyante, mga asendero’t propiyetaryo, at mga tuta ng mapandambong na dayuhang mga interes – natural nga lamang na pangalagaan nila’t patuloy na puspusang isulong ang kapakanan ng kanilang uri at gawin ang lahat-lahat makapangunyapit lamang sila sa kapangyarihang balon ng kanilang sangkatutak na mga grasya’t pribilehiyo sa kapinsalaan naman, sa kabilang banda, ng pambansang kaunlaran at ng sikmura’t mumunting mga pangarap ng dayukdok na masang sambayanan.

Sapagkat lagi’t laging kuwarta’t terorismo, pandaraya’t hokus-pokus, at iba pang instrumento ng uring mapagsamantala – bukod pa sa pakikialam at maniobra ng Amerika para sa imperyalista nitong mga layunin — ang makapangyarihang hukom sa resulta ng bawat eleksiyon sa bansa, natural nga lamang na itambak sa kangkungan ng pulitika ang mga kandidatong tunay na kumakatawan sa kapakanan ng masang sambayanan at sa makabuluhang pambansang pagbabago. Kung may milagro mang manalo sa mga ito, ibabasura lamang ang kanilang dakilang mga adhikain sa ruwedang pinaghaharian ng makasarili’t elitistang interes ng mga maimpluwensiya’t makapangyarihang matagal nang pinaglalaruan lamang ang pambansang kaunlaran at kinabukasan, gayundin ang buhay at lehitimong mga karapatan ng ordinaryong mga mamamayan.

Ano pa nga ba ang maaasahan ng masang sambayanan sa darating na eleksiyon sa Mayo 14?

Kung susuriin ang naghambalang ngayon na mga pulitikong “ipinanganganak na parang lumot,” karamihan sa kanila’y nagpalit lamang ng damit, hindi ng konsensiya – kung mayroon pa – upang katawanin ang kapakanan ng bansa’t masang sambayanan. Sa likod ng kanilang malapayasong mga pambobola’t pang-uuto sa mga botante tulad ng pangangalandakan ng hungkag na mga pangako, at dahil kinakatawan nila ang uring mapagsamantala, tiyak na naglalaro naman sa kanilang mga utak ang pansariling mga interes at naghihintay na mga grasya’t pribilehiyo – mula sa pondo ng bayan – kapag naluklok sila sa minimithing puwesto.

Ginagawa na nga nila ngayon ang lahat-lahat, manalo lamang sa patintero ng mga elitista’t mapagsamantala. Nariyan na ang kabi-kabilang pananakot, karahasan at patayan. Sa lugar ng mga maralitang lumilitaw na malakas ang mga party-list na makabayan at progresibo at malinaw na kontra sa mapanikil na liderato ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo, nagkalat ang mga sundalo ni Maj. Gen. Benjamin Dolorfino, hepe ng AFP sa Kamaynilaan, upang disimuladong impluwensiyahan ang mga botante laban sa naturang mga party-list; isinusulong nila diumano ang kampanyang HOPE (Honest, Orderly and Peaceful Elections) ngunit, batay sa reyalidad, halatang-halata naman ang kanilang tunay na mga layuning impluwensiyahan ang resulta ng eleksiyon – pabor sa kanilang amo — sa mga lugar na iyon.

Nariyan na rin ang garapalang pag-aalok ni Sekretaryo Raul Gonzalez ng Katarungan ng P10,000 “gantimpala” diumano sa bawat kapitan de barangay sa Iloilo na maipapanalo ng 12-0 ang mga kandidatong senador ng Team Unity na, kung tutuusin, ay tuwirang paglabag sa batas sa eleksiyon dahil, kahit alok pa lamang, maituturing nang pamimili na ng boto, batay na rin sa interpretasyon ni Tagapangulong Benjamin Abalos, Sr. ng Comelec. Ipinagtanggol agad ni Kalihim Tagapagpaganap Eduardo Ermita, “alter ego” ni La Gloria, ang ginawa ni Gonzalez at wala diumanong masama sa alok nito.
Kabi-kabila na nga ang mga paglabag sa batas sa eleksiyon tulad na lamang, halimbawa, ng tungkol sa sukat at paglalagay ng mga poster at karatula ng mga kandidato sa dapat na itinakdang lugar, gayundin ang pamumudmod ng kuwarta’t kung anu-ano ng mga ito. Natural, maingay na ipinangalandakan agad ni Abalos na ipaiimbestiga niya ang mga kinauukulan, kabilang na si Gonzalez. Ngunit, sa kabilang banda, mayroon bang maparurusahan? Kung mayroon man, sabi ng mga kritiko, malamang na mga kandidato o sinumang kontra sa administrasyon ni La Gloria, hindi ang mga kagaya ni Gonzalez at mga kabalahibo nito o mga nakangudngod kaya sa puklo ng Malakanyang.

At wala nga kayang mangyayaring dayaan sa darating na eleksiyon tulad nang itinatambol ng mga nasa kapangyarihan? Imposible, sabi nga ng 40% ng mga mamamayang tinanong kamakailan ng SWS (Social Weather Stations). Gaya noong eleksiyon ng 2004 na pinaniwalaan ng marami na nandaya si Presidente Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa mga nabunyag sa “Hello Garci” – o sa anumang nagdaang mga halalan sa ilalim ng bawat rehimen – 40% nga ngayon ng mga mamamayan ang naniniwalang “mandaraya” si La Gloria sa paghahangad nitong maibagsak ang mga kalaban sa pulitika at maibasura na naman sa Kamara pa lamang ang maaaring panibagong kasong “impeachment” laban sa kanya nang, sa gayon, makapangunyapit pa rin siya sa poder hanggang 2010, o higit pa. Sa Rostov Survey na iyon ng SWS, 20% lamang ang naniniwalang hindi siya mandaraya at 35% naman ang hindi pa nakatitiyak.

Batay tuloy sa napakasama nang kalakaran at reyalidad ng pulitika’t eleksiyon sa bansa, imposible na nga yatang makamit, sa pamamagitan nito, ang makabuluhan at radikal na mga pagbabago para sa pambansang kaunlaran at kapakanan. Sapagkat ang masang sambayanan ang tagalikha ng kasaysayan, ayon na rin sa isang dakilang lider-Asyano, waring nakasalalay na lamang sa kanilang makabayan at militanteng pagkilos at pagsisikap ang minimithing pambansang kapayapaan, kaunlaran at kasarinlan. Mahirap nang asahan ang mga buwaya’t hunyango.

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006