Taon 6 • Blg 16 • Mayo 1, 2007

OFW, Abril 24, 2007
Pinay na namatay sa NY hindi nagpatiwakal?Palpak na sistema sa pagpapatala: OFW sa Canada, di makaboboto‘Bakit ninyo hinahanap ang buhay sa gitna ng mga patay?’ | Para sa Diyos at Bayan, Fr. Dwight dela Torre, IFI

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
BALITANG OFW

Pamamaslang sa Pinas di dapat balewalain – Obispo sa HK

HINDI DAPAT balewalain, bagkus ay dapat malaman ng mga Katoliko sa buong mundo, ang tungkol sa pampulitikang pamamaslang sa Pilipinas. Ito ang pahayag ni Obispo Joseph Zen Ze-kiun ng Hong Kong na nalathala sa Mabuhay Magazine.

Ayon sa obispo, taliwas sa paninindigan ng gobyernong Arroyo at sa pagiging kasapi ng Pilipinas sa United Nations Committee on Human Rights ang nagaganap na pamamaslang sa mga aktibista. Sa huling tala ng Karapatan, 844 na ang napatay mula nang maluklok si Gng. Arroyo sa poder.

Noong nakaraang Marso, nahatulang maysala ng Permanent People’s Tribunal sina Gng. Arroyo at Pang. George W. Bush ng US dahil sa pagsusulong ng mga ito ng giyera kontra-terorismo na kalaunan ay inosenteng mga sibilyan ang nabibiktima. Napatunayan ng PPT na nilabag ng dalawa ang karapatang pantao ng mga mamamayan sa Pilipinas, dinadambong ang kabang yaman ng bansa, at sinasalaula ang soberanya ng Pilipinas bilang nagsasariling bayan.

“Hindi dapat maging makasarili ang mga tao at maging walang pakialam (sa mga nangyayari) sa kani-kanilang mga bansa,” sabi ni Zen Ze-kiun, pagtukoy sa umiiral na kultura ng karahasan sa iba’t ibang panig ng mundo.

Pahayag naman ni Jackie Hung Ling-yu, miyembro ng Hong Kong Campaign for the Advancement of Human Rights and Peace in The Philippines, na kahit nagsalita na ang Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP ukol sa pamamaslang sa Pilipinas, naniniwala siya na mas marami pa ang maaring gawin nito pati na rin ang Vatican laban sa nagaganap na karahasan sa Pilipinas.

Naniniwala rin si Ling-yu na habang papalapit ang eleksiyon ay lalong titindi ang suliranin na dinaranas ng ating mga kababayan.

balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006