| Pulang kapa ni Moises, pulang kapa ni Leonidas
UZ Eliserio
May eksena sa pelikulang 300
(2007) na alingawngaw ng isang
eksena mula sa The Ten
Commandments (1960). Tatlong daang sundalo lang ng Sparta ang haharap sa milyong taga-Persia. Suwerte na nga lang at bumagyo, at ilandaang sundalong mananakop ang namatay. Patatsulok ang pormasyon ng mga taga-Sparta habang pinapanood wasakin ng nagwawalang mga alon ang mga barko ng kanilang kalaban. Sa tuktok ng tatsulok ang lider nilang si Leonidas, wagayway ang pulang kapa. Hindi nga maikakaila ang koneksiyon nito sa eksena sa The Ten Commandments kung saan pinanood ni Moises (wagayway ang pulang kapa) at ng mga Hudyo na lamunin ng Pulang Dagat ang mga taga-Ehiptong humahabol sa kanila, huling tangka ng dating mga amo na bawiin ang dating mga alipin. Ito pa ang isang koneksiyon ng dalawang pelikula pareho silang may elemento ng Utopia.
Ano ang Utopia? Literal na ibig sabihin nito’y “wala kahit saan,” at sa kritisismong kultural ito’y tumutukoy sa imahen ng mundo na iba sa kasalukuyan. Halimbawa, ‘pag inilarawan sa isang tula ang isang isla kung saan lahat pantay-pantay, lahat kumakain at marangya, maituturing natin itong imahen ng Utopia. Ayon nga sa kritikong si Fredric Jameson, hindi simpleng panloloko ang nagaganap sa mga tekstong kumikiling sa naghaharing uri. Sapagkat para maging epektibong behikulo ng ideolohiya, kailangan munang gisingin ang pagnanasa sa Utopia ng nagbabasa/nanonood, saka ito susupilin. Kaya, bagaman sa huling pagsusuri’y mapanlinlang ang 300 at The Ten Commandments, kakikitaan ang pareho ng mga ideyang mapagpalaya. Ang 300 ay tungkol sa paglaban ng kakaunti (tatlong daang taga-Sparta) laban sa milyong sundalo ng Persia, samantalang ang Ten Commandments ay tungkol sa paglaya ng mga aliping Hudyo mula sa mga mapaniil na taga-Ehipto.
Sa madaling salita, pakikipagtunggali ng mahihina sa malalakas.
Utopia ang punto ng kritikong si Rolando Tolentino nang itanong n’ya: “Bakit patuloy na nanonood ang mga babae ng pelikulang kumikiling sa patriarkiya?” Ito’y dahil may elemento rin na maka-babae at feminista sa sexistang mga pelikula.
Makikita rin ito sa telebisyon. Halimbawa, sa teleseryeng Bituing Walang Ningning, sa may gitna, inalok ni Ryan Agoncillo ng kasal si Angelika dela Cruz. Singer ang babae, at alam n’ya na masisira ang kanyang career kung tatanggapin n’ya ang alok. Kaya tumanggi s’ya. Ito ‘yung sandali ng Utopia, at ang mensahe nito sa mga babaeng nanonood ay maaari n’yong unahin ang inyong interes kaysa ang interes ng lalake. Pero ititiwalag ito ng teleserye sa nakaraang mga episode, kung saan bumagsak mula sa katanyagan si Angelika dela Cruz. Ang mensahe’y dapat nagpakasal na lang s’ya. Ito ang sandali ng ideolohiya.
Alalahanin natin ‘yung kanta ng Rivermaya para sa nakaraang Sea Games. Posible. Tungkol ito sa posibilidad na magwagi ng maraming ginto ang mga Pilipino sa isports. Pero may elemento ng Utopia ang kanta. Posible bang magkaroon ng mundong walang ginagahasa? Posible bang magkaroon ng Pilipinas na walang nagugutom? Posible bang magwagi ang rebolusyon? Ito ang sandali ng Utopia, kung saan ang ating mga panaginip ay inilalabas at binibigyang tinig. Pero sa dulo ng kanta, ipapahayag ang tag line: “Basta Globe, posible.” Ito ang sandali ng ideolohiya, kung kailan kakainin ang subersibong pontensiyal ng kanta at gagamitin ito para sa kita ng mayayaman. Tutal naman natalakay na rin ang Ten Commandments, pumunta na tayo sa Kristiyanismo. Ito ang madalas na pagtingin sa relihiyon sa panahon ng pakikipaglaban sa kolonyalismong Espanyol: ang Kristiyanismo ay sandata, gamit para lokohin ang mga inaapi. Sino nga ba ang magrerebolusyon kung may pangako namang langit sa dulo ng buhay na ito? Pero sa pagbasa ng historyador na si Reynaldo Ileto, makikitaan ng subersibong elemento ng mga pasyon. Nakita ng mga ninuno nating api ang pagpapakasakit ni Kristo bilang alegorya ng kanilang pagpapakasakit, at ang tagumpay ni Kristo bilang indikasyon na maaari rin silang magtagumpay. At hindi ba puwede rin tayong makakuha ng inspirasyon mula sa Kristiyanismo ngayon?
Ano ba ang sabi ng simbahan? Lahat tayo ay magkakapatid. Kung lahat tayo magkakapatid, dapat walang nakatira sa barung-barong. Ano ba ang sabi ni Hesus? Mahalin mo ang iyong kapwa. Kung mahal mo ang iyong kapwa, bakit mo s’ya hahayaang kumain ng basura, samantalang sapat naman ang yaman ng Pilipinas para kumain nang tama ang lahat? Ang kinakailangan, kung gayon, ay ilipat ang Utopia mula sa mga teksto papunta sa mundo.
Si U Z. Elizerio ay guro sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman.
balik sa itaas
| sunod |