Taon 6 • Blg 16 • Mayo 1, 2007

LATHALAIN , Abril 24, 2007
Sa wakas, ebidensiya?
Mga party-list ng Malakanyang

Mong Palatino: Mula chairman patungong congressman?
Sino si Ka Jomag
Nakasanglang kabuhayan usung-uso
Barya-barya sa balita, pampakalma ng sikmura

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
PANAYAM

May batik man ang eleksiyon
Bantayan ang sagrado

Sa mga Pilipino, madalang pa sa patak ng ulan sa tag-araw ang magsasabing hindi nandaya si Pangulong Arroyo noong nakaraang halalan. At sino sa kanila ang magsasabing hindi nagkadayaan sa iba pang halalan? Ang pinagtatalunan na nga lang ay kung gaano ka-talamak.

Noong 1986, nag-walk out ang mga taga-Comelec (Commission on Elections) mismo dahil hindi na nila masikmura ang pandaraya ni dating pangulong Ferdinand Marcos laban kay Corazon Aquino sa snap election. Pagkatapos noon, nagka-Edsa “People Power” na nga.

Isa ang Kontra-Daya sa mga grupong magbabantay sa eleksiyong 2007. Naniniwala ang grupo na maaaring maulit ang malawakang dayaan noong 2004. Layunin ng Kontra-Daya na ituon ang pagbabantay sa Comelec mismo. Anila, sangkot ang ahensiya sa anomalya, gaya ng ipinapakita ng iskandalong “Hello Garci”.

Gagamitin ng grupo ang mga pangyayari noong 2004 para sukatin at analisahin ang posibleng mga paraan ng pandaraya sa eleksiyong 2007. Itinala nito ang ilan sa umano’y ginawa ng administrasyong Arroyo para maipanalo ang eleksiyong 2004:

 • Pamemeke sa mga resulta ng botohan sa mga ER (election return) pabor kay Macapagal-Arroyo laban kay FPJ sa mga lalawigan ng Pampanga, Cebu, Iloilo at Bohol;
 • Operasyong “dagdag-bawas” tulad ng manipulasyon sa resulta ng eleksiyon sa mga CoC (certificate of canvass), na naganap karamihan sa Mindanaw.
 • “Clean-up” matapos ang eleksiyon kung saan 10,000 ER ang pineke at ipinalit sa tunay na mga ER na itinago sa Batasang Pambansa.

Mahigpit na ipinanawagan ng Kontra-Daya ang pagbabantay sa sagradong karapatan na bumoto. Singhalaga ng pagboto ang pagbabantay at wastong pagbilang sa bawat boto.

Malaki ang papel dito ng mga poll at canvass watcher. Sila ang dakilang mga tagabantay ng boto sa 250,000 presinto, 209 distrito, 114 siyudad, at 1,496 munisipalidad sa 79 probinsiya sa 16 na rehiyon sa buong bansa. 

Bantay-boto 
Isa sa mga anyo ng pandaraya na malaganap sa antas ng siyudad at munisipyo ang dagdag-bawas. Ito ay ang simpleng pagsisingit ng isa o dalawang numero sa talaan; halimbawa, ang 50 ay maaaring maging 500 o 850.

Upang maiwasan ito, kailangang magrehistro agad ang isang kandidato o partido ng reklamo para mapatigil ang pagbilang sa ER o CoC. Kailangan din itong itala sa katitikan ng canvassing.

Kung sakali namang mawala o masira ang ER o CoC, dapat na ipaabot agad sa BoC (Board of Canvassers) ang pangyayari at tumulong sa paghahanap o pagsasaayos ng ER o CoC. Kapag nagawa na ito ng BoC, kailangang siyasatin ang mga dokumento bago i-canvass, tiyakin ang pagiging tunay ng mga ito dahil maaaring napalitan na.

Kung ang ER o CoC na isinumite sa BoC ay mukhang pinakialaman, iniba, binura o pinalitan, dapat tiyaking itatabi ito at hindi gagamitin; ang gagamitin ay ang ibang kopya ng naturang ER o CoC.

May mga pagkakataon namang hindi nagtutugma ang datos sa ER at CoC. Halimbawa ay magkaiba ang nakasulat na bilang sa salita (in words) sa nakasulat sa numero (in numbers) ng boto ng kandidato o party-list. Punahin agad ang ganitong anomalya. Kung hindi tugma, ang bilang ng taras (tally) ang gagamitin sa canvassing.

Narito ang iba pang anyo ng dagdag-bawas:
 • Maling pagbasa sa bilang na nakasulat sa ER o CoC na nauuwi sa maling pagsulat sa Statement of Votes.
 • Tama ang pagbasa, ngunit mali naman ang pagsulat ng bilang ng boto.
 • Pagpapalit ng bilang ng boto ng mga kandidato o party-list para hindi makaapekto sa kabuuang bilang ng boto.
 • Maling pagsusuma sa tabulation at maling pagsulat ng resulta sa Summary of Votes.
Totoong maraming paraan para nakawin ang isa sa batayang mga karapatan ng mga mamamayan sa demokrasyang ipinangangalandakan ng gobyerno. May batik man ang eleksiyon, gayunman, bantayan natin ang sagrado.

Mahalagang terminolohiya sa eleksiyon*

• Botohan hanggang bilangan
Botohan – araw ng mismong akto ng pagsulat ng pangalan ng ibinoboto sa balota at paglalagak ng balota sa dapat kalagyan
Certified Voters’ List – opisyal na listahan ng rehistradong mga botante na inilalabas ng Comelec 90 araw bago ang botohan
Polling Place – lugar ng botohan hanggang sa bilangan
Board of Election Inspectors – nangangasiwa sa proseso ng botohan at bilangan sa antas- presinto
Bilangan o counting – proseso ng pagbilang ng mga boto sa mga balota
Election Returns – resulta ng botohan sa presinto na naglalaman ng pangalan ng indibidwal na mga kandidato at party-list, gayundin ang kabuuang bilang ng mga botong nakuha nila sa presinto

• Canvassing
Canvassing – proseso ng halalan pagkatapos ng bilangan sa presinto; kabilang ang pagkonsolida sa mga ER sa antas-munisipyo at siyudad at pagkonsolida sa mga CoC sa probisinsiya at antas-pambansa
Canvass Watch – proseso ng pagbabantay ng kinatawan ng mga kandidato, party-list at iba’t ibang grupo ng mga mamamayan sa proseso ng canvassing na nagaganap sa antas-munisipyo, siyudad, probinsiya at pambansa
Board of Canvassers – nangangasiwa sa proseso ng canvassing sa antas-munisipyo, siyudad at probinsiya
Canvassing Committee – nagbubuo ang City Municipal Board of Canvassers ng isang Canvassing Committee sa bawat 100 ER para matapos ang canvassing sa takdang panahon; binubuo ito ng tagapangulo, pangalawang tagapangulo, at kasapi na nagsisilbing kinatawan ng BoC sa naturang komite
Reception and Custody Group – tumatanggap at nangangalaga ng ER na kina-canvass
Tabulation Group – tagakuwenta ng statement of votes, subtotal ng statement of votes at summary of votes na inihanda ng BoC
Summary of Votes – dokumento na kinasusulatan ng lahat ng subtotal ng bawat statement of votes na inihanda ng Canvassing Committee
Certificate of Canvass – sertipikasyon na inilalabas ng BoC matapos ang proseso ng canvassing; laman nito ang resulta ng canvassing mula sa konsolidasyon ng mga ER at CoC
Certificate of Votes – dokumentong pinapipirmahan sa Board of Election Inspectors sa antas-presinto at BoC sa antas-munisipyo, siyudad at probinsiya na nagpapatunay sa kabuuang bilang ng boto na nakuha ng mga kandidato at party-list
Manifest Error – protesta sa canvassing sa pamamagitan ng isang petisyon na isinampa ng sinumang kandidato, partido pulitikal, organisasyon o koalisyon ng mga partido pulitikal sa BoC
Proklamasyon – panahon na ang nanalong mga kandidato ay opisyal na inihahayag o idinedeklara nang nanalo ng Comelec

*Mula sa Task Force Poll Watch 2007

balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006