| Hindi lang labanan sa
pulitika ang umiinit.
Nagbabala ang Pagasa (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration), na asahan nating mas tumaas ang temperatura ngayong buwan na tinatayang aabot sa 36 na digri Celsius sa Luson. Payo ng DOH (Department of Health): mag-ingat sa heat stroke.
Nakakaranas ng heat stroke ang isang tao kapag nag-overheat na ang katawan dahil sa sobrang init. Hindi na kayang kontrolin ng katawan ang sobrang init. May mga taong namamatay dahil dito laluna na ang mga may edad na.
Kahit sino ay maaaring tamaan ng heat stroke. Ang karaniwang nabibiktima ay ang mga sanggol, atleta at nagtatrabaho sa ilalim ng initan dahil sa matagal na pagkababad sa araw.
Ang mga sanhi ng pagkakaroon ng heat stroke ay ang sobrang init, lalo na kung matagal na nakabilad sa ilalim ng kainitan ng araw, dehydration, at paggalaw masyado sa arawan tulad ng paglalaro.
Ang kadalasang mga palatandaan ng pagkakaroon ng heat stroke ay pagkahilo, panghihina, madaling pagkapagod, pamimitig ng kalamnan, pagsakit ng ulo at maaari ring pagsusuka. Ang iba naman ay halos katulad ng mga simtomas ng pagkakaroon ng sakit sa puso tulad ng pagtaas ng temperatura ng katawan, pagkatuyo at pamumula ng balat, kahirapan sa paghinga kapag hindi pinagpapawisan, pagbilis ng pulso, at minsan ay pagkawala sa sarili at disoryentasyon.
Mahalagang malapatan agad ng lunas ang taong na-heat stroke dahil maaari niyang ikamatay ito. Tumawag kaagad ng doktor. Dalhin kaagad ang biktima sa loob ng bahay o kung saan man mayroong lilim. Tanggalin ang kanyang damit at basain ang katawan ng malamig na tubig. Paypayan para pagpawisan at lagyan ng yelo ang mga kasukasuan at ilalim ng kili-kili. Pahigain siya nang mas mataas ang paahan. Patuloy na pahiran ng malamig na tubig ang taong may heat stroke hanggang sa bumaba ang kanyang temperatura. Dahil sobra talaga ang init ng panahon ngayong tag-araw, mas makabubuting huwag nang masyadong magbilad sa araw. Huwag nang antaying magkaroon ng heat stroke. Iwasan ang mga sanhi ng heat stroke.
• Iwasan na ang masyadong aktibidad sa ilalim ng araw o sa labas ng bahay. Kung maaari ay manatili na lamang sa loob ng bahay o sa malalamig na lugar.
• Kung kailangang lumabas ng bahay, uminom ng maraming tubig.
• Iwasang uminom ng alak, kape at tsaa dahil ito’y mga sanhi ng dehydration.
• Magpahinga nang madalas.
• Magsuot ng mga damit na maluwag at mga sumbrero upang proteksiyon sa araw.
balik sa itaas
|