Inaabangan ng Pinoy ang NBA Playoffs
Priscilla Pamintuan
NBA (National Basketball
Association) Playoffs na
naman, at marami sa mga Pinoy ang nakatutok sa kani-kanilang mga telebisyon para masilayan ang tinaguriang “best basketball show on earth”.
Siyempre, may mga aangal. Ni hindi nga raw makapagpanalo ang USA Team sa World Basketball Championships, laluna sa kategoryang basketball sa Olympics. Tapos sasabihin na nilang sila ang may pinakamagandang palabas ng basketbol sa daigdig.
Siguro naman, unti-unti nang nababawasan ang sobrang kumpiyansa ng mga Amerikano sa sarili nilang liga sa basketbol.
Dati kasi, ang magwawaging kampeon sa NBA Playoffs ay tinatawag na “World Champions”. Ngayon, bihira na marinig ang ganitong bansag. Kasi nga, kalipunan na ng mga magagaling na manlalaro ng NBA ang isinabak sa World Championships, hindi pa manalo-nalo. Tapos, may lakas ng loob pa silang tawagin ang kampeon sa sariling bakod bilang “World Champion”?
Gayunman, kahit pa sabihin nating mahina na ang US sa basketbol, NBA Playoffs pa rin ang isa sa pinakaaabangang sporting event sa Pilipinas. Bahagyang nakabangon na ang PBA (Philippine Basketball Association) sa matagal na pagkalugmok ng popularidad nito, pero tila hindi pa rin makalampas sa kasikatan ng mga manlalarong milya ang layo sa atin.
Kaso kaya ng “colonial mentality”? Marahil. Pero pupuwede ring hindi talaga para sa Pilipino ang basketbol. Hindi kagandahan panoorin ang mga lokal na basketbolista kung ikukumpara sa kahindik-hindik na mga laro sa NBA. Parang ibig sabihin nito, mahilig lang tayong manood ng basketbol, pero walang hilig ang basketbol sa atin. ***
Ang tanong ngayon sa NBA: Sino ang magwawagi, at sino ang uuwing luhaan? Maraming eksperto sa Amerika ang nagsasabing malamang na Dallas Mavericks o kaya’y Phoenix Suns. Sa panig ng Mavs ay ang pinupulsuhang maging Most Valuable Player ngayong season si Dirk Nowitzki. Sa panig naman ng Suns, nariyan ang MVP noong huling dalawang season na si Steve Nash.
Parehong nagpasimula ng radikal na pagbabago sa NBA sina Nash at Nowitzki. Parehong dayuhan sa Amerika, binasag ng dalawa ang mga isteryotipikal na imahen sa kanilang mga posisyon sa laro. Halimbawa, binasag ni Nowitzki ang nosyon sa NBA na dapat ay center ang posisyon mo kapag 7 feet pataas ang tangkad mo. Hindi pa nasaksihan sa liga ang isang manlalarong may tangkad na ganoon na streak shooter tulad ng Aleman na si Nowitzki.
Eksplosibo si Nowitzki. Halos hindi matapalan ang mga tira niya, dahil na rin kasi sa tangkad at bilis niya.
Samantala, kakaiba rin itong si Nash. Maliit, puti, sobrang bilis. Kakaiba magpasa. Parang umiikot na barina ang bola kapag ipinapasa niya, di masilayan halos ng kalaban. May angking galing si Nash na magbasa ng play ng kanyang kalabang koponan at mag-adjust ng kanilang opensa batay sa play na iyon. Rebolusyonaryo si Nash sa NBA, dahil sa kanyang di-mapantayang enerhiya sa laro. Pinasimula niya at ng kanyang koponan ang trend ng run-and-gun game o ang walang humpayang takbuhan at opensa sa liga.
Kakatuwang dating magkasama sa Mavericks sina Nowitzki at Nash, bago ikinalakal si Nash sa Suns. Ngayon, malaki ang posibilidad na muling magkakaharap sila sa West Finals.
balik
sa itaas |