| Ang panganganak ni Kris
at ang paglulunsad ng librong expose
SA gitna ng di
magkamayaw na
palakpakan, tilian,
kamayan, tapikan, hiyawan at tanghalan, wari’y walang bakas ng kirot ang puso at isip ni Lorna Tolentino. Sa istudyo ng Startalk sa GMA Network, nag-uumapaw ang kulay at sigla ng paligid at nahahawahan si Lorna.
Hinihikayat pa ni Torre na sumulat ng reklamo ang publiko sa mga pampangasiwaang departamento ng kumpanya ng telebisyon o kaya’y iboykot ang mga news show na nagpapalabas ng mga balitang tulad nito. Para kay Torre, mas nangangailangan ang mga tagapanood ng mas makabuluhang istorya kaysa mga anya’y walang katuturang kuwento.
Sa kontekstong ito nakapalaman ang pagpili ng ulat na isasahimpapawid ng isang news program na may seksiyon tungkol sa mga kaganapan sa daigdig ng showbiz. At ito ay sarili kong karanasan.
Naglunsad ako kamakailan ng aking ikalawang aklat, ang “Expose’ Peryodismong Pampelikula sa Pilipinas,” inilimbag ng UST Publishing House, sa Robinsons Galleria Cinema lobby.
Nais kong mahayon ang halos lahat ng sektor ng lipunan lalo na sa larangan ng aliw ng TV, radyo, teatro, pelikula, akademya at marami pang iba dahil naiisip kong malaki ang maiaambag kong kaisipan at damdamin sa mga babasa nito. Kaya ang ginawa ko ay namudmod ako ng imbitasyon (kasama ang isa pang peryodistang pampelikula na si Dennis Adobas) sa maraming tao kahit limitado pa rin ang paghayon ng pagpapadala ng paanyaya.
Una kong pinuntahan at personal na pinadalhan ng imbitasyon ang Nation Broadcasting Network Channel 4 (sa production at news department—kina Angelique Lazo, Rey Langit, Rocky Ignacio at iba pa). Pinadalhan ko rin ang Radio Philippines Network Channel 9. Tinawagan at ti-next ko ang Associated Broadcasting Corporation Channel 5 sa pamamagitan ng isa sa mga field reporter ng newsroom nito na si Errel Cabatbat. Nagbigay ako ng mga imbitasyon kina Butch Francisco, Lolit Solis, Lorna Tolentino, Joey de Leon, Floy Quintos, Oswald Go, Ronnie Carrasco para sa “Startalk” ng Channel 7.
Samantala, si Dennis ang namahala sa distribusyon ng paanyaya kina Mario Dumaual at Obette Serrano sa Channel 2 pero sinigundahan ko rin ang imbitasyon para kina Marie Lozano, Niña Corpuz at iba pa dahil sila ang nakatoka sa star news at ang libro ay nakalinya sa ganitong pag-uulat.
Araw ng Huwebes ang book launching. Dumating ang crew ng ABS-CBN Broadcasting Corporation (obviously ay mula sa News and Current Affairs) na padala ni Mario. Dumatal din ang buong pangkat ng Channel 9 sa pangunguna ni Jeffrey Espiritu, mas kilala ngayon bilang Mr. FU.
Hindi ko inasahan na ilalabas agad ng Channel 2 ang istorya ng Huwebes ding ‘yon dahil alas sais na nakaalis ang crew ng Dos na sa aking sapantaha ay para sa “TV Patrol.” Hindi na ito hahabol sa newscast. Maski sa RPN ay hindi rin ako umasa na itatanghal agad ‘yon.
Bagamat umasa ako na kinabukasan, araw ng Biyernes ay maipapalabas ang istorya. Inabangan ko sa “TV Patrol” at sa “Aksyon Balita” at “Newswatch.”
Pero nakapagtatakang hindi ko namulatawan sa “TV Patrol” ang coverage bagamat pinatulan agad ito ng Channel 9.
Ang nangibabaw na ulat sa “TV Patrol” ay ang panganganak ni Kris Aquino dahil kasabay ng book launching ko ay ang pananakit ng sinapupunan ni Kris at ang pagsi-Caesarian sa kanya.
Kung susundin ang pamantayang inihahain ni Torre, alin nga ba ang mas mahalagang istorya, ang pagsisilang si Aquino o ang paglulunsad ng aklat na “Expose’ Peryodismong Pampelikula”?
Alin nga ba ang may kaugnayan mismo sa kapakanan ng bayan o ng lipunan, ang pagsisilang ni Kris nang isang kulang sa timbang na sanggol o ang paglalabas ng kauna-unahang libro tungkol sa kasaysayan, bisyon, misyon at tunguhin ng peryodismong pampelikula sa Pilipinas na malaking impluwensiya sa isip at puso ng mga Filipino?
Bakit hinuhuli ang istorya tungkol sa book launching samantalang ang produktong libro ay repleksiyon din ito ng kalagayan ng lipunang Filipino?
Oo nga’t anak ng dating presidente ng Pilipinas ang paksa sa panganganak at ang kanyang rekotitos bilang babae ay sumasalamin sa kaugalian ng kabuuang sistema ng lipunan, ang librong “Expose’ Peryodismong Pampelikula sa Pilipinas” ay tumatalakay rin sa sosyo-kultural, pulitikal at maraming dimensyong katotohanan ng bansa kaugnay ang peryodismong pang-artista sa partikular at sa pangkalahatang peryodismo sa kalakhan.
Hindi ko na nga iniisip na ang aking aklat ay sinulat ng isang walang malaking pangalang movie reporter o hindi high profile o walang malawak na impluwensiya sa showbiz kundi ang pinanghahawakan ko na lang ay ang malaman na produkto.
Ganito rin ang nangyari nang una akong maglunsad ng libro, ang “Pelikula at Pulitika Tio Ticong (Vicente Salumbides)” noong 2001 dahil lumipas nang lumipas ang mga araw, linggo, buwan, taon pero hanggang ngayon ay hindi pa inilalabas ni Dumaual ang kaganapang ‘yon. Nakabangko na habambuhay ang tape o kaya’y nabura na at napatungan na ng ibang coverage.
Maulit kaya ito sa pagkakataong ito?
Samantalang kung susundin ang isa sa mga panuntunan ng balita—‘yong una o bago—kauna-unahan ang “Expose’ Peryodismong Pampelikula sa Pilipinas” sa paglilimbag ng ganitong paksa sa bansa.
Gusto ko lang namang ipalaganap ang mabuting balita, makaakit ng mamimili ng produkto at maibahagi ang palaman nito sa ibang tao na nais numamnam ng sustansiya ng mga karanasan at kaisipan sa daigdig ng peryodismong pampelikula sa Pilipinas.
Gusto ko lang namang mai-market at maiparating sa merkado na mayroon nang kauna-unahang libro tungkol sa movie journalism sa bansa na maaaring gawing talasanggunian.
Gusto ko lang namang maipabatid ang kabuluhan ng aklat sa pag-usad ng kasaysayan ng industriya ng pelikula sa partikular at sa pangkalahatang mundo ng aliw.
Alam kong mahalaga ring ulat ang pagsisilang ni Kris nang wala sa panahon sa kanyang si Baby James dahil napakalaking pangalan ng aktres, na-incubator ang sanggol na apat na libras ang timbang, nasa chapel ng Makati Medical Center si Tita Cory Aquino, nakabantay si James Yap (na kagagaling lang sa basketball sa Dubai) sa kanyang misis, na produkto ng isang makulay at maiskandalong kabanata ng pag-ibig ni Kris ang kanyang isinilang at iba pang matingkad na katotohanang panlipunan ng maging isang Kris Aquino.
Ang hinihiling ko lang ay patas na pananaw sa mga bagay-bagay ng pag-uulat.
balik sa itaas |