| Pagnenegosyo at pambubusabos
ng sistemang party-list Grabe na talaga, mga mare,
ang nangyayari sa pulitika
dito sa ating bansa! Pati ba naman party-list ay ninenegosyo at ginagawang daan para mapanatili sa kapangyarihan ang mga nakapuwesto.
Aba’y ang bentahan raw ay nagsisimula sa panahon ng akreditasyon hanggang sa pagtitiyak ng panalo ng party-list. At hindi maliit na pera ang usapan. Ang singil para akreditasyon ay mula sa P100 piso hanggang P10 Milyon. Sa tono naman ng P.5-M hanggang P1-M piso, maaari mabago ang desisyon ng Comelec na hindi bigyan akreditasyon ang isang party-list. At puwede ring magbenta ng nominasyon sa isang party-list sa halagang P1-M at higit pa. Pati panalo sa eleksiyon ay may presyong hindi bababa sa P1.2-M piso. At mismong nagbebenta ang lumalapit at hindi na kailangang hanapin pa.
Sabi ng mga nagbebenta ng akreditasyon at panalo, sila raw ay taga-Comelec o “tauhan” ng mga taga-Comelec. Yun namang bumibili ng nominasyon ay galing raw ng Malakanyang.
Ibinunyag rin ng Migrante, ang organisasyon ng OFWS at ng GABRIELA Women’s Party ang tungkol sa memorandum ni Asec. Marcelo T. Farinas II ng Office of External Affairs kay Atty. Erlyn de Leon, Special Assistant to the President na humihingi ng P5.5-M piso. Ito raw ay para sa tatlong buwang badyet ng limang maka-administrasyong party-list at sa kumbensiyon ng mga ito. Kabilang, mga mare, sa bibigyan ng suporta mula Malakanyang ay ang BABAE KA na party-list raw para kababaihan.
Naglabas rin ang Kontra-Daya, isang koalisyong laban sa dayaan sa eleksiyon, ng listahan ng 22 party list na konektado sa Malakanyang. Walo sa mga party-list na ito ay konektado o may nominadong inilagay ni GMA sa isang ahensiya ng gobyerno o presidential appointee. Dalawa naman ang konektado kay Norberto Gonzalez, ang Security Adviser ng Malakanyang at dalawa suportado ng AFP or militar. Samantala ang nominado sa BANTAY, isa pang party-list, ay ang retiradong si Maj. Gen. Jovita Palparan na nasa likod ng mga pagmaslang ng mga militante sa Timog Katagalugan, Silangang Bisaya at maski sa Gitnang Luson. Ang nominado naman sa dalawa pang party-list ay mga lider ng Sigaw ng Bayan, ang nagsusulong ng Cha-Cha o Charter Change.
Kaya pala ayaw na ayaw ng Comelec na ilabas ang listahan ng mga nominado ng mga party-list. Tiyak na mabibisto ang koneksyon ng Malacanang sa maraming party-list.
Pati party-list ay pinakikialaman ni GMA dahil takot na takot siyang maalis sa tungkulin. Dapat yata niyang tiyakin, mga mare, na mananatiling mayorya ng mga nasa Kongreso ay pro-administrasyon. At habang tinitiyak ang panalo ng mga party-list ng Malakanyang, isinusulong naman ang diskwalipikasyon ng tatlong progresibong party-list kasamana ang GABRIELA Women’s Party, ang tanging party-list ng kababaihan sa ika-13 Kongreso.
Ang party-list ang tanging benyu ng mga aping mamamayan, ng mga ordinaryong taong tulad natin, mga mare, na makapagpasok ng totoong representante natin sa Kongreso. Kaya dapat nating labanan ang pagnenegosyo at pambubusabos nito.
nauna | balik
sa itaas | sunod |