Boboto ka ba sa Mayo?
Magkakadayaan naman kaya ano
pang saysay ng pagboto?
Malinaw na gagawin ng pamahalaan ang lahat (legal man o hindi, lantaran man o patago) para maging 12-0 ang eleksiyon sa Senado at makuha ang mayorya ng upuan sa House of Representatives. Parating ipinagmamalaki ng mga kandidato ng Team Unity na hawak nila ang mga rekurso at makinarya para manalo, kaya malakas ang loob nilang ipagwalang-bahala ang mga survey na nagpapakitang matatalo sila sa darating na eleksiyon. Sa katunayan, hindi ba’t may mga party-list group na sinasabing sikretong sinusuportahan – sa partikular, pinopondohan – ng Malakanyang?
Ang mga ito ay sapat na para mawalan ka ng ganang bumoto sa Mayo. At hindi ka nag-iisa sa sentimyentong ito. Hindi ba’t may mga pag-aaral noong nagpatunay ng malawakang dayaan noong eleksiyon ng 2004? May mga survey ding nagpakitang naniniwala ang mayorya ng mga mamamayan na nagkaroon talaga ng dayaan at dapat umalis sa puwesto si Macapagal-Arroyo.
Mukhang si Virgilio Garcillano lang ang may lakas ng loob na sabihing ang eleksiyon noong 2004 ay isa sa pinakamalinis sa kasaysayan ng halalan sa Pilipinas. Kahit ang ilang opisyal ng administrasyong Macapagal-Arroyo ay maingat na magsalita sa kontrobersiyang ito. Sa katunayan, wala pa ring malinaw na pahayag kung kay Gloria Macapagal-Arroyo nga ba ang boses ng babaeng kausap diumano ni Garcillano sa kumalat na wiretapped conversations noong 2005 na muntik nang magpatalsik sa Pangulo bunga ng sunod-sunod na kilos-protesta. Tulad ng iba pang iskandalo tulad ng P728-milyong fertilizer fund scam, pinili ng administrasyong manahimik na lang at hayaang kusang “mamatay” ang mga kontrobersiya.
Dapat nating tandaang hindi tulad ng nakaraang eleksiyon, ngayon ay nahaharap si Macapagal-Arroyo sa posibilidad ng impeachment taon-taon dahil sa dami ng kontrobersiyang kinasangkutan niya, ng kanyang pamilya at ilang opisyal na malapit sa kanya. Kung mapunta sa oposisyon ang mayorya sa House of Representatives, ang isang impeachment complaint ay siguradong maita-transmit sa Senado na siyang magsasagawa ng pagdinig sa mga akusasyon laban kay Macapagal-Arroyo.
Kung pagbabatayan ang mga nakaraang survey, malinaw na mababa pa rin ang trust rating sa Commission on Election (Comelec). Hindi ba’t kahit ang sunog na nangyari sa lumang opisina nito ay nakitang preparasyon sa mangyayaring dayaan? Pansining hindi rin nito inaksyunan ang mga reklamo laban sa mga sundalong itinalaga sa mga lugar na kilalang suportado ang mga progresibong party-list group tulad ng Payatas. Hindi po katahimikan ang gusto ng mga sundalong ito dahil may mga malinaw na dokumentasyong sinasabihan nila ang mga residenteng huwag suportahan ang mga sinasabing “prente ng mga komunista.”
Pero kahit na may dahilan para mangamba at asahan ang malawakang dayaan, nararapat pa ring pumunta sa mga polling precinct sa Mayo 14 para bumoto. Karapatan nating lahat ito. Kung wala kang mapiling kandidatong dapat iboto sa anumang posisyon, sulatan mo na lang ng linya ang bahagi ng balotang dapat pagsulatan ng pangalan. Sa madaling salita, ang paggamit ng iyong boto, kahit isa lang ito, ay makakatulong para masiguradong walang gagamit ng pangalan mo para mandaya.
Sa isang banda, may mga party-list group din namang nararapat suportahan dahil pinipilit nilang magkaroon ng makabuluhang pagbabago sa lehislatura. Dahil sa kanilang pagpupursigi, napatunayan nilang lehitimo, halimbawa, ang panawagan ng mga manggagawa para itaas ng sahod at hindi lang ito simpleng propaganda lang ng mga progresibong grupo. Sa aking palagay, sila ay higit na nangangailangan ng iyong boto na hindi dapat masayang.
Boboto ka ba sa Mayo? Sa kabila ng lahat ng nangyayari, sana naman po.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa dannyarao.com
nauna | balik
sa itaas | sunod |