Taon 6 • Blg 15 • Abril 24, 2007

Editoryal at Opinyon, Abril 19, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO ALAM NYO BA MGA MARETALINONG LANSANGAN

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Pagtatrabaho sa ibang kompanya: Indikasyon ba ng pag-iwan sa trabaho?

Paano kung may ebidensiya ang manedsment na nagtrabaho sa ibang kompanya ang manggagawa sa panahon ng kanyang pagliban sa trabaho? Ito ba ay sapat na indikasyon na iniiwanan na ng manggagawa ang kanyang trabaho?

Ganito ang nangyari kay Zaldy sa kaso ng “NS Transport Services, Inc. vs. Jose Zaldy N. Zeta”, (G.R. No. 158499) na denisyunan ng Korte Suprema nitong Abril 4, 2007.

Konduktor si Zaldy sa isang kompanya ng bus. Simula Oktobre 18, hindi na siya tinanggap ng kompanya sa kanyang trabaho nang walang sapat na dahilan. Wala siyang natanggap na anumang sulat galing rito. Pagkatapos nang siyam (9) na buwan na paghihintay, nagsampa siya ng kasong illegal dismissal laban sa kompanya sa tanggapan ng Labor Arbiter.

Bilang depensa, sinabi ng kompanya na iniwanan ni Zaldy ang kanyang trabaho. Una, may mga saksi na nagpapatunay na noong Oktobre 19, isang araw mula sa sinasabi ni Zaldy na hindi na siya pinapasok, nakita siyang nagko-konduktor sa ibang kompanya ng bus. Pangalawa, sinulatan umano siya ng kompanya at hiningan ng kanyang paliwanag, pero hindi na siya sumagot. Pangatlo, bakit hinintay pa niya ang siyam (9) na buwan bago nagdemanda ? Kung talagang tinanggal siya, dapat agad-agad siyang nagsampa ng kaso.

Nakumbinsi ng kompanya ang Labor Arbiter at pinanalo nito ang kompanya. Sabi ng Labor Arbiter, “job abandonment” ang ginawa ni Zaldy at hindi siya tinanggal ng kompanya. Kaya, pinawalang bisa niya ang reklamo ni Zaldy.

Nag-apela sa National Labor Relations Commission (NLRC) si Zaldy ngunit ganun din ang hatol ng NLRC. Panalo pa rin ang kompanya. Inakyat ni Zaldy sa Court of Appeals ang kaso. Dito, panalo na si Zaldy. Binaliktad ng Court of Appeals ang desisyon. Hindi naman ito matanggap ng kompanya at inakyat ang kaso sa Korte Suprema.

Maganda ang paliwanag ng Korte Suprema. Hindi sapat ang ebidensya para natin masabi na iniwanan ni Zaldy ang kanyang trabaho. Bagkus, hindi naipakita ng kompanya na siya ay nagkasala ng kung anuman. Dahil dito, obligado ang kompanya na bayaran ng backwages si Zaldy at ibalik sa trabaho.

Sinasabi ni Zaldy na simula Oktobre 18, ayaw na siyang tanggapin ng kompanya. Nang sumunod na araw, nakita siya ng mga testigo ng kompanya na kumukundoktor sa bus ng ibang kompanya. Sabihin man nating totoo nga ito, hindi ito sapat na patunay para masabing iniiwanan na ni Zaldy ang kanyang trabaho sa kompanya, ayon sa Korte Suprema. Isipin nating pamilyado itong si Zaldy. Kailangan niya ang panggastos para sa pagkain, upa sa bahay, at iba pang pangangailangan ng kanyang pamilya. Kaya kung napilitan man siyang maghanap ng pansamantalang trabaho samantalang naghihintay sa kanyang pagbalik sa kompanya, ayos lang. Hindi ito dapat ituring laban sa kanya, paliwanag ng Korte Suprema.

Sinasabi ng kompanya na may mga sulat sila kay Zaldy ngunit hindi niya sinagot. Ngunit walang pruweba ang kompanya na natanggap ni Zaldy ang mga sulat na ito, ayon sa Korte Suprema. Tungkol naman sa sinasabi ng kompanya na AWOL itong si Zaldy, ang pinakamagandang ebidensiya sana nito ay ang daily time record ni Zaldy. Ngunit hindi ito naipakita ng kompanya. Kaya lumalabas na walang dahilan ang kompanya para siya ay tanggalin.

Paano ngayon ang argumento ng kompanya na naghintay muna ng siyam (9) na buwan bago nagsampa ng kaso si Zaldy? Ayon sa Korte Suprema, hindi natin masisisi si Zaldy sapagkat wala siyang pormal na sulat o abiso na siya ay tinatanggal na ng kompanya. Maaring umaasa pa rin siya na ibalik ng kompanya kung kaya’t hindi siya nagdemanda kaagad. Ganun pa man, paliwanag ng Korte Suprema, ang isang manggagawang tinanggal sa kanyang trabaho ay may apat (4) na taon mula sa kanyang pagkatanggal para magsampa ng kaso. Malinaw na ang pagsampa ni Zaldy ng kaso ay nasa tamang panahon na binibigay sa kanya ng batas.

Inutos ng Korte Suprema sa kompanya na muling tanggapin sa trabaho si Zaldy at bayaran ng kanyang backwages.

balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006