Taon 6 • Blg 15 • Abril 24, 2007

Editoryal at Opinyon, Abril 19, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO ALAM NYO BA MGA MARETALINONG LANSANGAN

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
EDITORYAL

Mayo Uno Bawat Araw

SAPAGKAT hindi naman nagbabago ang miserableng kalagayan ng uring manggagawa mula noong nagdaang mga rehimen hanggang ngayon sa ilalim ng mapambusabos na sistemang kapitalista, at dadagundong na naman sa kalawakan ang kanilang mga karaingan sa mga liwasan at lansangan ng protesta sa darating na Mayo 1, pandaigdig na Araw ng Paggawa, minabuti ng PINOY WEEKLY na muling ilathala ang isang dating editoryal bilang testamento ng pakikiisa nito sa mga adhikain at pangarap ng patuloy na inaaliping sektor na ito ng lipunan.

Mula pa sa panahon nina Crisanto Evangelista, dakilang lider-obrero, at nang magmartsa noong Mayo 1, 1903 ang libu-libong manggagawa patungong Malakanyang para magprotesta’t isigaw ang kanilang lehitimong mga karaingan, nananatili pa ring nakatanikala sa kabusabusan hanggang ngayon ang uring manggagawa.

Sa mahaba nang kasaysayan ng pakikibaka ng kilusang-paggawa para sa makatarungang suweldo at mga benipisyo, iba’t ibang paninikil at pandarahas ang dinanas na ng mga manggagawa, natigmak na ng dugo ang mga lugar ng protesta at libu-libong buhay na ang ibinuwis nila at, higit na masama, sa maraming pagkakataon, ang mismong gobyerno pang unang-unang dapat magmalasakit at mangalaga sa kanilang kapakanan ang lumilitaw pang kasabuwat ng ganid na mga negosyante’t kapitalista.

Batay sa reyalidad ng kilusang-paggawa, maliwanag na laging sa kapitalista ang sarap, sa manggagawa ang hirap. Natural, mula sa lakas-paggawa ang mansiyon at kotse ng kapitalista o lahat ng luho’t grasyang tinatamasa ng mga ito, kabilang na ang walang habas na pagliliwaliw sa ibang bansa sa piling ng mga kulasisi habang, sa kabilang banda, nakalublob sa karalitaan ang uring manggagawa, dayukdok at titiguk-tigok ang lalamunan at nabubuhay na walang dignidad bilang tunay na mga tao sa ilalim ng sinasabing malaya at demokratikong lipunan.

Kung tutuusin, ilang pandesal lamang sa tone-toneladang tinapay na minasa nila’t niluto, ilang galunggong lamang sa isang barkong isdang sila ang humuli, ilang kilong karne sa libu-libong baboy na sila ang nagpalaki’t nag-atado, o ilang subo sa talyasi ng kaning sila ang nagtanim at nagsaing, ang hinihingi ng uring manggagawa. Sa maikling salita, kalimitang pantawid-gutom lamang ang dagdag-sahod at mumunting benipisyong kanilang hinihingi, gaya ng inaamag nang P125 umento bawat araw sa pribadong sektor at P3,000 dagdag din bawat buwan sa pampublikong sektor para makahabol kahit bahagya sa umaalagwang presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Sapagkat likas na yatang suwitik at mapang-alipin ang mga kapitalista’t negosyante, patuloy at patuloy nilang pinipilit ibasura ang karaingan ng mga manggagawa. Mula sa kanilang pabrika ng mga dahilan, lagi’t lagi nilang ikinakatuwirang mapipinsala ang maraming negosyo, baka tuluyan tuloy magsara diumano na lalong magpapalubha sa malaganap nang disempleyo gayong, sa kabilang banda, batay sa pagsusuri sa mga korporasyon at kompanya sa negosyo sa bansa, kasama na maging ang maliliit na empresa at pabrika, namumunini sa limpak-limpak na tubo taun-taon ang mga kapitalista. Sa kaso na lamang ng dayuhang mga negosyante, lumilitaw na $3 ang tinutubo nila sa isang taon sa bawat $1 na pinuhunan nila dito.

Higit na masama, balintuna pa ang patakaran ng gobyerno. Sa pangangayupapa ng walang gulugod na pambansang liderato sa dikta ng IMF-World Bank na huwag itaas ang suweldo ng mga manggagawa para makapangutang ang bansa, maliwanag na instrumento pa ito ng mga korporasyong multi-nasyonal para bansutin ang sahod ng mga manggagawa. Sa halip na pangalagaan ng gobyerno ang kapakanan ng mga obrero, ito pa nga – magpahanggang ngayon – ang nagsusulong ng mapandambong na interes ng dayuhang mga mamumuhunan.

Sa ganitong umiiral na kalagayan, anino pa nga rin lamang ang minimithing katiting na glorya ng uring manggagawa at, sa bawat araw, paulit-ulit nilang isasatinig ang protestang malaon nang inuukilkil sa nagbibingi-bingihang tainga ng mga kinauukulan tuwing Mayo 1. Sa altar ng mapang-aliping sistemang kapitalista, waring marami pang dugo’t buhay ang ibubuwis sa pakikibaka ng uring manggagawa para makamit ang tunay na hustisya sosyal.

Sabagay, hindi habang panahong ganito na lamang ang kalagayan ng uring manggagawa. Sabi nga noon ni Salvador Allende, nagtatag ng Partido Sosyalista ng Chile: “Huwag ninyong kalilimutan na sa malapit na hinaharap, mabubuksan ang dakilang mga lansangan, at magmamartsa ang malalayang mamamayan para itayo ang isang higit na mabuting lipunan.”

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006