Pinay na namatay sa NY
hindi nagpatiwakal?
Christopher Bayos / Christine Marie Ocaya / Maricor Panotes
Tinatayang nasa 3,000
Pilipino ang umaalis ng
bansa araw-araw para magtrabaho sa ibayong dagat. Kasabay ng paglaki ng kanilang bilang, ang paglaki ng bilang ng mga Pilipinong dumaranas ng pang-aabuso at karahasan mula sa kamay ng mga banyagang amo.
Si Felisa “Fely” Garcia, 58, ay isa lamang sa libu-libong Pilipino na dumanas ng karahasan at pang-aabuso. Marso 14, natagpuang nakabigti si Garcia sa loob ng kabinet ng kanyang tinutuluyan sa New York City, USA . Bagaman sinasabi ng mga awtoridad na nagpatiwakal siya, may mga duda ang ilang nakakikilala sa kanya na hindi siya nagpatiwakal kundi may pumaslang sa kanya. May mga sulat na natagpuan sa pag-iingat ng biktima na nagsasalaysay ng mga kalupitang dinanas niya sa kanyang amo.
Dahil dito, magsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang Kabalikat Domestic Support Network, isang programa ng Philippine Forum, para tukuyin ang totoong dahilan ng pagkamatay ni Garcia at para singilin din ang Konsulado at Embahada ng Pilipinas sa Amerika dahil sa kapabayaan nitong ipabatid sa pamilya ng biktima ang nangyari kay Garcia.
Tumagal ng dalawang linggo bago sinabi sa mga mahal sa buhay ng bikitima ang nangyari dito.
“Karapatan ng pamilya at ng sambayanang Pilipino na malaman ang katotohanan tungkol sa nangyari kay Fely,” ayon kay Lorena Sanchez, kinatawan ng Kabalikat. Binigyang-diin pa niya hindi lamang ang kaso ni Fely ang dapat tutukan ng gobyerno kundi maging ang iba pang kaso ng pang-aabuso sa mga OFW sa buong mundo.
“Habang patuloy na nagwaawalang-bahala ang pamahalaan tungkol sa ganitong mga kaso, lalong darami ang migranteng maaabuso at masasawi,” paliwanag pa ni Sanchez.
Kinatigan naman ni Julia Camagong, kawaksing direktor ng Philippine Forum ang pagtinging ito ni Sanchez. Sinabi pa niyang inutil ang karamihan sa embahada at konsulado ng Pilipinas saanmang panig ng mundo sa pagtugon sa ganitong mga kaso ng pagpatay at pang-aabuso sa mga OFW.
Dahil dito, nanawagan ang Kabalikat sa mga Pilipino na igiit ang pagkakaroon ng isang administrasyong maka-migrante para matiyak na wala nang susunod pa sa trahedyang sinapit ni Fely Garcia.
balik sa itaas | sunod |