Taon 6 • Blg 15 • Abril 24, 2007

BALITA, Abril 19, 2007
Ka Bel dadalawin ng IPUKapayapaan sa Sulu nanganganibPagbenta ng kababaihan, bata di napipigilan ng gobyerno – LorenIFI nanawagan ng malinis na halalanOposisyon humihingi ng panahon para pag-aralan ang talaan ng botante1 binaril, 2 dinukot sa Iloilo

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
BALITA

Dahil sa pahayag ni Puno ng Korte Suprema
Batas kontra-terorismo, maibabasura

Binigyan ng pag-asa ni Chief Justice Reynato Puno ang mga grupong nagtataguyod ng mga kalayaang sibil na maibabasura ng Korte Suprema ang batas kontra-terorismo o HSA (Human Security Act of 2007).

Ito ay matapos birahin ni Puno ang “giyera kontra-terorismo” na pinangungunahan ng US at kinabibilangan ng Pilipinas.

Ani Puno sa talumpati sa University of the East, nalagay sa peligro ang mga karapatang pantao ng mga mamamayan sa buong daigdig dahil sa umano’y mga agresibong atake na ginagawa ng mga awtoridad sa ngalan ng nasabing giyera.

Bagaman hindi direktang binanggit ang HSA, pinuna ng punong hukom ang mga warrantless arrest, paniniktik, at pagkumpiska ng mga ari-arian at bank account ng mga suspek ng terorismo, mga hakbang na nilelegalisa ng HSA.

Sa pag-uudyok ni Pangulong Arroyo, ipinasa ng Kongreso ang HSA noong Pebrero sa kabila ng malawak na pagtutol ng mga mamamayan.

”Dahil sa mga pahayag ni Puno, may pag-asa pang pigilan ang HSA at lalo pang pagsirit ng mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa bansa,” ayon kay Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan.

Pinuri rin si Puno ng mga progresibong party-list na Bayan Muna, Anakpawis, at Suara Bangsamoro.

“Ibinalik ni Puno ang pinakamataas na [diwa] ng batas: ipagtatanggol sa buhay at kalayaan, at due process laban sa anumang atake, kabilang ng estado,” ani Atty. Neri Colmenares, pangatlong nominado ng Bayan Muna.

Ayon naman kay Zaynab Ampatuan, unang nominado ng Suara Bangsamoro, “Ang mga Pilipinong Muslim ay ginagawang palagiang suspek ng administrasyong Arroyo at militar sa giyerang ito na walang katuturan. Masaya kaming ipinagtanggol kami ni Puno.”

Sa kanyang talumpati, kinondena rin ni Puno ang korapsiyon at kawalang-kredibilidad ng kasalukuyang gobyerno, na umano’y nagpapalala ng mga problema ng kahirapan at internal na seguridad.

Binatikos ni Puno maging ang Estados Unidos, pinakamalapit na alyado ng gobyerno, na umano’y naglunsad ng mga atake at tinapakan ang soberanya ng maraming mga bansa pagkatapos ng teroristang atake sa New York noong Setyembre 11, 2001.

Samantala, ipinagtibay ng mga opinyon ni Puno ang desisyon ni Sen. Mar Roxas na bumoto laban sa HSA.

Iginiit ng senador na para masugpo ang terorismo, kailangan ng gobyerno ang maayos na sistema ng paniniktik, at hindi ang umano’y mga “legal shortcut” na labag sa Konstitusyon.

Inihayag ng Bayan na ikakampanya ng mga progresibong grupo ang pagbasura ng HSA at magsasampa ng kaukulang kaso sa Korte Suprema pagkatapos ng halalan sa Mayo.

Hinimok ng grupo ang korte na manatiling indipendiyente sa ehekutibong sangay ng gobyerno.

Noong nakaraang taon ibinasura ng Korte Suprema ang mga umano’y mapanupil na utos ni Pangulong Arroyo na Executive Order 464, Calibrated Pre-emptive Response, at Presidential Proclamation 1017.

Kamakailan, inuutos din ng korte ang pansamantalang pagpapalaya kay Bayan Muna Rep. Satur Ocampo matapos sampahan ng gobyerno ng hinihinalang gawa-gawang kaso.

Itinalaga ni Arroyo si Puno bilang punong hukom noong Disyembre 2006.

balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006