Taon 6 • Blg 15 • Abril 24, 2007

Kultura, Abril 19, 2007
Tag-sibol sa Den Haag, Nederland, 25 Marso 2007 | E. San Juan Jr.
Sine para sa kalikasan

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
KULTURA

Kuwento ng obrerong Pilipino

Rebyu ng Proletaryo
Gawa ng May Day Productions
Produksiyon ng Eiler Inc.
at Ibon Foundation, 2006

KASAYSAYAN ng uring manggagawa ang kasaysayang hindi natin nababasa sa mga libro sa eskuwela, hindi itinuturo sa mga klase, hindi nalalaman ng karamihan sa ating kabataan.

Ngunit sa mismong kasaysayang ito, at sa mga bayaning iniluwal nito, itinatag ang lipunang Pilipino. Mula sa pawis at dugo ng mga obrero naitatag at gumana ang mga empresa, mga pagawaan ng mga produktong iniluluwas sa mga dayuhang bansa.

Sa kasaysayang ito matutukoy ang mga bayaning di-kilala: tulad nina Isabelo delos Reyes, Crisanto Evangelista, Felixberto Olalia, at iba pa. At sa pagbaybay nito matutuhog ang pagkakaugnay ng mga dakilang organisasyong kapwa nagtaguyod sa interes ng obrero at naglunsad ng pag-aaklas mula sa pagsasamantala ng kanilang panahon: mga Gremio noong kolonyalismong Espanyol, Union Obrero Democratico noong kolonyalismong Amerikano, Hukbalahap at Partido Komunista noong pananakop ng Hapon, hanggang Kilusang Mayo Uno noong panahon ng diktadurang Marcos.

Ang naratibo ng manggagawang Pilipino ang sinikap ikuwento ng dokumentaryong pelikulang Proletaryo (2006), gawa ng May Day Productions sa produksiyon ng Eiler (Ecumenical Institute for Labor Education and Research), Inc. at Ibon Foundation.

Nais kausapin ng dokumentaryo ang malawak na hanay ng mga manggagawang Pilipino. Sila, ayon dito, ang tunay na bayani ng lipunan na pinagkakaitan ng mismong yamang likha ng kanyang bisig. Ngunit ang masama pa, pinanatili ng namamayaning sistema na mangmang ang kalakhan ng manggagawa sa sarili niyang kasaysayan at tungkulin.

Binaybay ng Proletaryo ang mga unang manggagawa sa panahon ng 300-taong kolonisasyon ng Espanya sa bansa. Sa una’y sapilitan munang pinagtrabaho ng mga kolonisador ang mga katutubo para itatag ang kanilang mga istruktura, tulad ng simbahan, bahay, at tanggulan. Noon pa ma’y nakatuon na ang mananakop sa pagsasamantala sa mga likas na yaman at hilaw na materyales ng Pilipinas. Kung kaya di malao’y kinailangan nang magtayo ng mga empresa para sa pagpoproeseso ng mga hilaw na materyales na iluluwas. Dito nagsimula ang uring manggagawa sa Pilipinas.

Ipinakita ng dokumentaryo na simula’t sapul nagtangka nang mag-organisa ang mga manggagawa. Madali nilang nasuri ang pagsasamantala sa kanila ng mga kolonisador kung kaya naitatag ang iba’t ibang Gremio sa mga pagawaan. Marami sa mga miyembro nito ang aktibong lumahok sa Katipunan na siyang naglunsad ng armadong pakikibaka para palayasin ang mga Espanyol sa bansa.

Ngunit sa dulo ng tagumpay, naipagkanulo ang pamunuan ng Katipunan at namayani ang mga Pilipinong di malao’y magiging burgesya ng bansa.

Mula sa aral ng rebolusyong 1896, muling umusbong ang kilusang manggagawa, kahit matapos sakupin ang bansa ng mga Amerikano. Sa ilalim ng kolonyalismong Amerikano, nabuo ang pinakaunang unyon, gayundin ang kauna-unahang pederasyon ng mga unyon, ang Union Obrero Democratico. Sila ang naglunsad ng pinakaunang Araw ng Paggawa sa bansa. May malinaw na makauring paninindigan ang UOD, na naging simula ng tuluy-tuloy na paglahok ng mga manggagawa sa kanilang kilusan. Di nagtagal, naitatag na ang Partido Komunista, na siyang puwersa sa likod ng pakikipaglaban ng mga Hukbalahap sa mga bagong mananakop na Hapon.

Nakalaya ang bansa sa pananakop ng Hapon at Amerikano, ngunit nanatili ang pagkaalipin ng manggagawa. Samantala, bansot ang ekonomiya at nakatali sa interes ng dayuhang mga kapitalista. Malinaw na tanging sa isang sistemang pinamumunuan nito lamang makakamit ang kaunlaran. Muling itinatag ang Partido Komunista sa gitna ng pag-igting ng pagsasamantala sa manggagawa at panunupil sa mga lider, kasapi at kapanalig nito.

Sa kabila ng panunupil ng Batas Militar ni Marcos, yumabong ang kilusang manggagawa. Ipinakita ng dokumentaryo ang unti-unting pagtaas ng militansiya ng mga manggagawa, sa uri ng paparaming bilang ng mga empresang may welga. Ito umano ang nagsilbing isa sa pinakamalakas na bigwas sa diktadura, na bumagsak noong 1986.

Panandaliang kalituhan ang naramdaman ng kilusang manggagawa matapos mapabagsak si Marcos. Marami ang nahirati sa ilusyon ng “demokratikong espasyo” sa ilalim ni Corazon Aquino. Para sa maraming manggagawa, nabasag lamang ang ilusyong ito nang paslangin ng pinaghihinalaang mga berdugo ng estado ang lider ng Kilusang Mayo Uno na si Rolando Olalia at kasamahan nitong si Leonor Alay-ay.

Nakita sa pagsapit ng dekada ’90 ang muling paglakas ng kilusang manggagawa. Sa pamumuno ng KMU, naiguhit ang nararapat na direksiyon ng kilusan. Naiwaksi ang pagkahumaling ng iilan sa ekonomismo at mas mahusay na naiugnay sa mga usaping pampulitika. Muling tumindig sa harap ang KMU upang pamunuan ang buong kilusang pambansa-demokratiko.

Ito ang kasaysayang ikinukuwento ng Proletaryo. Sa pamamagitan ng odyo-biswal na midyum, mas mahusay na naipapakita sa mga manggagawa ang mga aral ng kanilang kasaysayan. Hinihimok nito na ipagmalaki ng manggagawa ang kasaysayan nito, gayundin ang mga bayaning una nang naghawan ng landas.

Higit sa lahat, inaasahan ng mga maylikha ng dokumentaryo na ipagpapatuloy ng manonood ang di pa tapos na pakikibaka ng manggagawang Pilipino.

balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006