Lagay ng paggawa, nakagatla sa noo ni Juan at Maria Obrero
Noel S. Barcelona
MANGGAGAWA ang pangunahing lumilikha ng yaman ng bansa. Subalit bakit hanggang ngayon, sila pa rin —mga limahid, kandakuba sa paggawa — ang nananatiling kawawa? Ang palatandaan ng abang kalagayan ay nakaguhit sa kanilang noo.
Senaryo Blg. 1
TRABAHADOR sa isang baradero (docking) si Mang Ano, 55 anyos; tiktik-kalawang at pagkaminsan, tornero (welder) sa ginagawang mga lantsa ng may kalakihan din namang kompanya ng pangisda. Subalit minsan, isang aksidente ang naganap. Ang tangke ng LPG na gamit sa pagtotorno ay sumabog. Sunog ang braso at ilan pang parte ng katawan ni Mang Ano. Bagaman naipagamot ng kompanya, hindi naibigay sa kanya ang karapat-dapat na bayad-pinsala. Ang siste kasi, kontraktuwal si Mang Ano, hindi siya saklaw ng anumang benepisyong ibinibigay sa isang regular na manggagawa.
Bakit hindi siya nagdemanda? “Gastos lang ‘yan. Wala kaming pera para tustusan ang kaso.”
Senaryo Blg. 2
Nagtapos ng sikolohiya sa isang sikat na unibersidad at kasalukuyang nagma-master si Grace, 32 anyos. Kahit mataas ang pinag-aralan, sa call center siya bumagsak. Mataas kaysa ordinaryong empleyado ang kanyang suweldo subalit kailangan niyang mapunan ang araw-araw na quota para makuha nang buo ang suweldo. Dalawampu hanggang 30 tawag kada araw ang kailangan niyang bunuin; kung hindi, ang matitira, ikakarga sa susunod na araw ng kanyang paggawa.
Hindi na bago ang mga senaryong nabanggit. Ayon sa Eiler, Inc. (Ecumenical Institute for Labor Education and Research), isang nongovernment organization na nag-aaral sa paggawa at unyonismo sa Pilipinas, nananatiling busabos ang kalagayan ng mga manggagawa.
1. Salat sa sahod
Nananatiling mababa ang kanilang sahod sa kabila ng patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. (Tingnan ang Talahanayan )
Dahil sa globalisasyon o todo-todong liberalisasyon sa kalakalan, industriya, at serbisyo na dikta ng mga kompanyang transnasyonal, gamit ang World Trade Organization at tinaguriang Bretton Woods Institutions (World Bank at International Monetary Funds) bilang mga instrumento, lalong nasadlak sa kahirapan ang manggagawa sa bansang tulad ng Pilipinas.
Sa usapin naman sa sahod, may isang batas sana—ang HB 345—ang magbibigay-daan sa pagtaas ng sahod ng lahat ng manggagawa sa pribadong sektor, sa buong bansa. naipasa na ito sa antas komite ng Kamara at naaprubahan ng Senado, subalit dahil sa “pagsalamangka” ng ilang maka-kapitalista at maging ng nasa Malakanyang, muling nabalahô ang pag-asa ni Juan Obrero na makatanggap ng kahit paano, mahusay-husay na sahod para maitawid ang kanyang pamilyang naghihikahos.
2. Abnormal na kalagayan at kawalang kaseguruhan sa paggawa
Pleksibilisasyon sa paggawa ang nangungunang pamamaraan, hindi lamang para mahuthot ang tùbô (profit) mula sa lakas-paggawa ng mga obrero kundi para pigilan din ang kanilang pagkakaisa upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan.
Ayon sa Eiler, may iba’t ibang anyo ang pleksibleng paggawa. Kontraktuwalisasyon ang nangungunang mukha nito: Tinatakdaan, sa pamamagitan ng isang kontrata, ang pananatili ng isang manggagawa sa kanyang trabaho. Bukod pa siyempre ang kaswal na paggawa (di-regular na katayuan sa isang empresa), panahunang paggawa (seasonal work), paggawang nakabatay sa proyekto, at iba pa, kaakibat ng pleksibilisasyon ng pag-eempleyo ang pleksibleng oras ng paggawa at gayundin, ang pag-uutos ng isang trabaho sa isang manggagawa kahit hindi ito saklaw ng kanyang kakayahan at kasanayan.
3. Hindi ligtas na paggawa
Ayon sa Iohsad (Institute on Occupational Health and Safety Development), isang NGO na nakatutok sa kaligtasan at kalusugan ng paggawa sa Pilipinas, maraming manggagawa ang nalalagay sa panganib at gumagawa nang walang proteksiyon.
Marami sa mga manggagawa ang nagkakasakit, naaksidente, nababalda at namamatay dahil sa hindi ligtas ang lugar na kanilang trabaho, o mismong ang trabaho nila ay mapanganib.
4. Bawal mag-unyon, bawal magwelga
Para itaguyod ang diumano’y industrial peace o “kapayapaan sa lugar ng paggawa,” sinusupil at pinababayaang supilin ng mga kompanya ang karapatan ng mga manggagawa sa pag-uunyon at pagwewelga.
Sa pag-aaral ng CTUHR (Center for Trade Union and Human Rights), dahil kontraktuwal ang karamihan sa mga manggagawa, walang pamamaraan para makapagbuo ng unyon. Kinukunsinti rin ng gobyerno, sa pamamagitan ng Dole (Department of Labor and Employment) ang “no union policy” ng mga kompanya ng mga nagmamay-ari, laluna sa mga nakatirik sa Export Processing Zone Areas.
Nagagamit din ang AJ o assumption of jurisdiction para pigilan ang pagwewelga ng mga manggagawa, ayon pa sa CTUHR.
“Malaking kasinungalingan ang sinasabi ng Dole na pagbaba ng bilang ng welga ng mga manggagawa sa bansa — dahil bumubuti ang kalagayan sa paggawa. Ito ay dahil bago pa lamang ang unyon, dinudurog na ng manedsment,” dagdag ng CTUHR.
5. Pinapatay dahil sa karapatan
Mula 2001, maraming manggagawa ang dumanas, hindi lamang ng panggigipit ng manedsment, kundi maging ng karahasan ng mga operatiba ng gobyerno, o pulis at militar.
Sa tala ng CTUHR at Karapatan, isang organisasyong nagtataguyod sa karapatang pantao, nasa 76 na manggagawa at lider-mangagawa ang napatay mula 2001 hanggang 2006… at nadaragdagan pa.
6. Patuloy na lalaban
Ani Joel Maglunsod, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno at tumatakbo bilang kongresista sa ilalim ng Anakpawis Party-list, tuluy-tuloy ang laban ng mga manggagawa—kahit patuloy silang ginigipit at pinapaslang.
“Malaki ang pangangailangang kontrahin ang atakeng pang-ekonomiko at pampulitika ng gobyerno at mga kasabwat nito. Kahit na marami pang hadlang, nakatitiyak tayo na nasa panig natin ang masa at laging tayo ang susuportahan nila,” ani Maglunsod.
Maraming manggagawa ang amin nang nakasalamuha at nakapanayam. Bawat isa’y may paparaming gatla sa noo, kahit di pa masyadong may edad. Palatandaan ang mga iyon ng paghihirap na kanilang tinitiis – at pinagbabalikwasan.
balik sa itaas | sunod |