Sa wakas, ebidensiya? Mga party-list
ng Malakanyang
Kenneth Roland A. Guda
KILALANG
personalidad sa
radyo at telebisyon si Azon (di tunay na pangalan). Dahil kilalang tagasuporta rin ng mga isyung pangkababaihan, isang araw ay nilapitan siya ng dalawang taong mula sa isang grupong kababaihan.
“Imbitado ka namin na maging nominado ng Babae Ka, isang party-list na itinatatag namin,” sabi ng isa.
Napaisip si Azon. Miyembro kasi siya ng isa pang lalong sikat na organisasyong kababaihan na tumatakbo ngayon sa halalan. Pero gusto niyang malaman kung sinu-sino ang nasa likod ng Babae Ka.
“Ano ba iyang party-list ninyo? Sinu-sino ang nasa likod niyan?”
“Si Luli Arroyo. Pati si Marilou Arroyo,” diretsong pahayag ng isa.
Nagkunwari si Azon na interesado at nagpapapilit. Aniya, kung tatakbo siya bilang nominado ng naturang party-list, gugustuhin niyang maging unang nominado sa halip na pangatlo. “Gagamitin niyo naman ang pangalan ko, dapat ako ang una,” pahayag niya. Tumanggi ang dalawa.
“Saka, miyembro na kasi ako ng Gabriela,” huling bitiw niya sa dalawa, na namutla, at biglang umalis. Pinopondohan ng Palasyo?
Gabriela ang nangunguna ngayon sa pagsisiwalat sa dokumentong mula diumano sa OEA (Office of External Affairs) ng Malakanyang. Ipinapahiwatig nito na pinopondohan ng gobyerno ang kampanya ng ilang party-list na maka-administrasyon. Ibinigay ang dokumento sa Migrante International ng isang mapagkakatiwalaang impormante mula sa Malakanyang, ayon kay Connie Bragas-Regelado, tagapangulo ng Migrante.
May petsang Oktubre 16, 2006, ang diumanong confidential memorandum ay sinulat ni Marcelo Fariñas II, pinuno ng SCG (Special Concerns Group) at Assistant Secretary ng OEA. Naka-adres ito kay Pangulong Arroyo at idinaan kay Atty. Erlyn de Leon, Special Assistant to the President at kamag-anak diumano ni Arroyo. Kalakip ng naturang dokumento ang isang campaign proposal para sa mga party-list na suportado ng administrasyon.
Sa naturang memo, nakasaad ang layunin ng kanilang kampanya sa halalang party-list ngayong Mayo:
• Pagbibigay ng buong suporta sa mga maka-administrasyong party-list na accredited ng Commission on Elections para masiguro ang panalo ng siyam hanggang 12 sa Kamara.
• Pagtatatag ng isang “party-list bloc” na susuporta sa mga programa ng administrasyon at lalaban sa destabilisasyon ng oposisyon at mga maka-kaliwa.
• Pag-aambag sa kampanya para mabawasan ang boto ng mga maka-kaliwang party-list at mabawasan ang mga partidong ito sa Kamara.
Sa naturang panukala, humihingi si Fariñas ng P5.5-Milyon para sa Oktubre hanggang Disyembre 2006. Kabilang sa mga itinuro ng dokumento na suportado ng administrasyon ang Agbiag! (Agbiag! Timpuyog Ilocano), Babae Ka (Babae para sa Kaunlaran), Lypad (League of Youth for Peace and Development) at Kalahi (Kalahi Advocates for Overseas Filipinos).
“Pansinin ninyong para sa Oktubre hanggang Disyembre 2006 lamang itong hinihingi nilang P5.5-M,” ani Anakpawis Rep. Rafael Mariano. “Hindi bababa sa P600-M ang intelligence funds ng gobyerno na pagkukunan nito.” Pagtanggi at pag-amin
Ayon pa rin sa dokumento, may iba pang grupo na inihahanda ng OEA-SCG para isabak sa halalan, kabi-lang ang isang koalisyon ng mga Muslim at katutubo na rehistrado na sa Comelec.
Sabi ni Comelec Commissioner Rene Sarmiento, sineseryoso nila ang paratang at mag-iimbestiga sila.
Samantala, itinanggi naman ni Fariñas ang akusasyon. Mariing itinanggi rin ng grupong Babae Ka ang anila’y gawa-gawa ng mga “extremist organization”. Hinamon nila ang Gabriela na isailalim ang dokumento sa pagpapatotoo ng mga eksperto.
Dati nang inamin, gayunman, ng mga kinatawan ng Babae Ka at Agbiag na sinusuportahan sila ng OEA at ilan sa mga miyembro nila ay empleyado sa naturang ahensiya. (Abangan ang pagsisiwalat ng PINOY WEEKLY tungkol sa OEA.)
balik sa itaas | sunod |