Pag-ulit ng malaganap na pandaraya Magkakaroon ng
malaganap na pandaraya
ng administrasyong Arroyo sa halalan. Nariyan nang lahat ang mga elemento ng lumalantad na dambuhalang krimeng ito.
Una sa lahat, ang motibo. Bagaman hindi pagpili ng bagong pangulo ang papalapit na halalan, alam ng lahat na nakabatay sa resulta nito ang kasasapitan ni Gng. Macapagal-Arroyo. Ibig sabihi’y puwedeng maipanalo ng Oposisyon ang sapat na puwesto sa Kongreso para i-impeach si Gng. Arroyo, gayundin ang sapat na bilang ng mga senador para hatulan siyang maysala.
Sa gayong kalagayan, hindi lamang posibleng mapatalsik si Gng. Arroyo sa pamamagitan ng impeachment. Puwede ring mabuksan ang tila nabubulok na basurahan ng matitinding krimen sa sambayanan ng kanyang rehimen tulad ng masahol na paglabag sa karapatang pantao; walang kaparis na graft and corruption; at paglabag sa soberanya, integridad na panteritoryo at patrimonya ng bansa. Puwedeng paharapin si Gng. Arroyo sa pananagutang kriminal at sibil para magsauli ng nakaw na yaman at bayaran ng danyos ang mga biktima.
Ikalawa, ang rekurso. Kahit walang partikular na ebidensiya, halatang-halata na nasa mga kandidato ng administrasyon ang lahat ng madayang bentahe ng pagiging galanteng patrong pampulitika ng Malakanyang – salapi, rekurso, pampulitikang network at impluwensiya – huwag nang banggitin pa ang hindi opisyal, at maging iligal, na mga pinagkukunan ng pondo.
Maraming ganitong pangyayari ang nauna na: ang scam sa pondo sa abono; ang mga kard ng Philhealth na ipinamigay bago ang halalan; ang tawag-pansing mga tagawalis ng kalsada na may nakasulat na pangalan ni GMA, na noo’y kandidato sa pagka-presidente, sa kanilang asul na kamiseta; at ang mga billboard ng gobyerno na nag-aanunsiyo ng sinasabing mga tagumpay ni Gng. Arroyo bilang pangulo.
Ayon sa Kontra Daya, grupong bantay sa halalan, “Ang pandaraya sa eleksiyon na ginawa ng administrasyong Arroyo para tiyakin ang tagumpay sa halalan sa pagka-presidente at bise-presidente noong 2004 ay binubuo sa kalakhan ng mga sumusunod:
• pagpeke sa mga resulta ng botohan sa mga election returns (ERs) para paboran si [GMA] laban kay [FPJ], kalakhan sa… Pampanga, Cebu, Iloilo, at Bohol;
• operasyong ‘dagdag-bawas’, o ang pagmanipula sa mga resulta ng eleksiyon sa mga certificates of canvass (COCs), ginawa sa ilang lalawigan sa Mindanao. • at operasyon ng ‘paglilinis’ matapos ang eleksiyon kung saan aabot sa 10,000 pekeng ERs ang ginawa at ipinalit sa tunay na ERs na nakatago sa Batasang Pambansa Complex.”
Pero higit na nakaaalarma ang pagtatasa ng Kontra Daya na ang mga kalagayan para sa laksa-laksang pandaraya ay nananatili hanggang ngayon. Nagpatampok ito ng apat na mayor na nakaaalarmang pangyayari.
Bigo ang Comelec na imbestigahan at litisin ang mga kaso ng pandaraya noong halalang pampangulo ng Mayo 2004. Kaakibat nito, ang “makinarya para sa pandaraya” na ginamit ng administrasyong Arroyo noong 2004 ay nananatiling buo at naihanda sa isang “repeat performance”. Pinangalanan ng grupo ang ilang tauhan ng Comelec na nasangkot sa malawakang operasyong dagdag-bawas sa Mindanaw noong 2004 na naisiwalat ng “Hello Garci” recordings na simula noon ay tumaas ang puwesto – patunay ng paglakas ng kanilang kakayahang “manipulahin” ang mga resulta ng eleksiyon.
Bigo ang Comelec na bantayan ang produksiyon ng ERs at COCs sa puntong puwedeng gumawa ng pekeng mga dokumentong pang-eleksiyon, gamit ang security paper na aprubado ng Comelec at nang buo ang sikretong mga marka o mga security feature ng Comelec. Tinitiyak nitong ang pekeng mga dokumento ay papasa pa ring tunay – ginawa man bago ang halalan tulad ng nasa testimonya ni G. Tabayoyong na noo’y eksperto sa sulat-kamay ng NBI, o ginawa pagkatapos para iwasto ang pagkakaiba ng COC na na-canvass na ng Kongreso sa hindi pa nabubuksang ERs, tulad ng nasaksihan ni Arsenio Rasalan na nagpapakilalang mandaraya ng boto.
Bigo hanggang ngayon ang Comelec na lubos na ipatupad ang mga proteksiyong itinatakda ng batas laban sa malaganap na pandarayang tulad ng dagdag-bawas. Partikular na binanggit ng Kontra Daya ang Seksiyon 31 hanggang 43 ng RA 9369 na nagpapasok ng mahahalagang pagbabago sa paraan ng pagbilang ng boto sa antas-presinto at pag-canvass sa antas-munisipyo at mas mataas na antas. Ilan sa tampok na reporma ang rekisito na ang ikalawang kopya ng ERs at ikatlong kopya ng COCs ay ipaskil sa loob ng 48 oras sa isang pader sa loob ng presinto o sentro ng pag-canvass para makita ng publiko at maglahad ng mga resulta ng COC.
Panghuli, ang Comelec ay nalantad bilang “tahimik na kakampi ng Malakanyang sa pagsabotahe sa halalang party-list.” Lumilitaw na nagsagawa ng espesyal na proyekto ang Malakanyang para makialam sa halalang party-list. Ipinagpatuloy at pinatindi nito ang kampanya ng pisikal na pag-atake, panliligalig, at ligal na diskuwalipikasyon sa militanteng mga party-list na kabilang sa pinakamalalakas na kritiko ng administrasyon. Kasabay nito, sa pamamagitan ng Office of External Affairs nito, ang Malakanyang ay nagpatakbo ng hindi kukulangin sa 22 party-list (batay sa impormasyong nakuha ng Kontra Daya) na ang mga nominado ay konektado sa iba’t ibang paraan sa Malakanyang. Sa paggawa nito, sinisikap ng Palasyo na kontrolin ang mas maraming puwesto sa Kongreso sa pamamagitan ng sistemang party-list, at – sa pagdami ng naglalaban-labang mga party-list – pahirapan ang tunay na mga party-list na makamit ang minimum na bilang ng botong kailangan para makakuha ng puwesto sa Kongreso.
Nagpatangay lang ang Comelec sa pagkilala sa maraming party-list na may kahina-hinalang rekord at hindi maikubling ugnay sa Malakanyang. Ang pagtanggi ng Comelec na ilantad sa publiko ang mga nominado para sa mga party-list na kinilala nito, lalo na ang mga bago at kahina-hinala, ay nagsasanggalang sa mga party-list na ito mula sa pagkakalantad at posibleng diskuwalipikasyon.
Lahat ng hindi mapasusubaliang palatandaan ng pag-ulit ng malawakang pandarayang naganap noong 2004 ay nariyan na. Makakatakas bang muli ang rehimeng Arroyo, o kikilos ang sambayanan para pagbayarin ang mga kriminal sa kanilang paulit-ulit na mga krimen? Pinaiksing salin ng orihinal na Ingles na nalathala sa Business World, 12-13 Abril 2007
nauna
| balik sa itaas |