| Ang gusto ng kababaihan sa kandidato Halos buong linggong
nasa balita ang pagkaka-ospital ni FG Mike Arroyo mula noong unang sumakit ang tiyan niya sa Baguio hanggang sa maoperahan siya sa puso. At ngayon daw, gumising na siya at istable na ang kanyang kalagayan. Napakamadrama hindi ba, mga mare.
Pero mas madrama kung nangyari ito sa isang ordinaryong pamilyang Pilipino na walang ganoon kalaking pera tulad nina FG. Tiyak, kasama sa drama ang paghahanap ng mahihiraman ng pera para lamang maipagawa ang mga medical test na kailangan upang malaman kung ano talaga ang kalagayan ng pasyente. Hindi na nga sasagi sa isip ng pamilyang dalhin pa ang maysakit sa Maynila dahil sa gastos ng paglipat sa kanya. Dati-rati, ang ambulansiya na sa Kamaynilaan lang kukuha at magdadala ng pasyente ay mahigit P2,000 na ang bayad. Paano na kung mula pa sa Baguio ang biyahe?
At kung madala man siya sa Maynila, malamang na hindi sa St. Luke’s siya ipapasok kundi sa isang pampublikong ospital. Aba’y kilala itong St. Luke’s bilang isa sa may pinakamataas na bayad sa mga ospital sa buong bansa liban na lang kung merong indigent card ang pasyente.
Pero saan man maospital ang maysakit, mga mare, tiyak na magiging malaking problema ang pambayad sa mga test at sa mismong operasyon. Aba’y aabot din ng P200,000 sa pinakamababa ang kailangan kapag sakit sa puso ang pag-uusapan. At upang makakuha ang pamilya ng tulong sa gobyerno, kailangang pumila nang pumila -- sa opisina ng social welfare ng ospital o sa PCSO. At hindi pa tiyak na mabibigyan sila ng tulong dahil marami ang nangangailangan at limitado ang rekurso.
Dahil mga mare, napakaliit talaga ang inilalaan ng gobyerno para sa kalusugan ng mga mamamayan. Noong 2006, sa bawat P61.00 na ipinambayad ng gobyerno ni Arroyo sa utang nito, piso lang ang ginagastos para sa kalusugan ng mga mamamayan. Kaya hindi kataka-takang halos kalahati ng mga namamatay na Pilipino ay hindi man lamang nakakakita ni anino ng anumang medikal na pasilidad o medikal na personnel. At anim sa bawat sampung maysakit na nakita ng doktor ay hindi makabili ng gamot.
Sa kaso ni FG, ang tanging trahedya ay hindi niya napanood ang laban ni Manny Pacquio dahil pinagbawalan siya ng doktor. Kung siya ay ordinaryong mamamayan, mga mare, malamang na mas malaking trahedya ang haharapin ng kanyang buong pamilya.
nauna | balik
sa itaas | sunod |