Taon 6 • Blg 14 • Abril 19, 2007

Editoryal at Opinyon, Abril 11, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO ALAM NYO BA MGA MARETALINONG LANSANGAN

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Lumiban sa trabaho dahil buntis: maaari bang tanggalin?

Noong nakarang linggo ay tinalakay natin ang isang kaso kung saan inabuso ng isang manggagawa ang kanyang sick leave. Natalo sa kaso ang manggagawa at inilinaw ng Korte Suprema na may sapat na dahilan ang manedsment upang siya ay tanggalin sa trabaho.

Ngayon naman ay tatalakayin natin ang kaso ng Del Monte Philippines, Inc. vs. Lolita Velasco (G.R. No. 153477, Marso 6, 2007). Sa kasong ito, baliktad ang nangyari. Sinabi  ng Korte Suprema rito na nagkamali ang manedsment at dapat lamang nitong ibalik ang manggagawa sa kanyang trabaho.

Manggagawa sa taniman ng pinya ng Del Monte Philippines itong si Lolita. Matagal na siyang nagtatrabaho rito at regular na siya sa kompanya.

Nagkataon na nabuntis itong si Lolita. Sanhi ng kanyang pagbubuntis, pitong beses siyang nag-absent sa loob ng isang buwan. Sinundan pa niya ito ng sampung beses na pag-absent ng sumunod na buwan. Bagama’t may ibinigay ngang medical certificate si Lolita, may mga petsa ng kanyang pag-absent na hindi tumama sa kanyang medical certificate. Ayon sa patakaran ng kompanya, ang hindi makatwirang pagliban o pag-absent ng isang manggagawa nang pitong beses o mahigit pa sa loob ng isang taon ay sapat nang dahilan upang matanggal ito sa kanyang trabaho. Dati nang nabigyan ng warning at suspension si Lolita dahil sa pag-aabsent. Dahil dito, matapos mabigyan ng abiso si Lolita, nagpasya ang kompanya na siya ay tanggalin sa trabaho.

Nagsampa ng demanda itong si Lolita. Sinabi niya na ang kanyang pag-absent ay dahil sa urinary tract infection na dulot ng kanyang pagbubuntis. Ipinaliwanag niya na sa unang apat na araw ng kanyang pag-absent ay nagpadala naman siya ng application for leave sa kanyang supervisor. Pagkatapos noon ay pumunta siya sa doktor ng kompanya na nagpayo sa kanyang magpahinga nang ilang araw. Nang hindi pa rin siya umige, nagpa-check-up siya sa ibang doktor at pinagpahinga pa rin siya nang ilang araw. Wala na siyang application for leave sa huling pag-absent niyang ito ngunit naibigay na niya ang kanyang mga medical certificate at batay sa alituntunin ng kompanya, hindi na kailangan ang application for leave.

Hindi naniwala ang Labor Arbiter kay Lolita at ibinasura ang kanyang kaso. Habitual absentee raw kasi itong si Lolita. Nag-apela si Lolita sa National Labor Relations Commission at binaliktad nito ang desisyon ng Labor Arbiter. Inakyat ng kompanya sa Court of Appeals ang kaso pero hindi nabago ang desisyon. Bilang huling hirit, inakyat ng kompanya ang kaso sa Korte Suprema. Argumento nito na may mga araw na absent itong si Lolita na hindi sakop ng kanyang ibinigay na mga medical certificate. Isa pa, maraming beses nang uma-absent itong si Lolita, sabi ng kompanya.

Kinampihan ng Korte Suprema si Lolita. Ayon sa Korte Suprema, aminado ang kompanya na buntis nga itong si Lolita. Iba ang kondisyon ng isang buntis sa isang taong may pangkaraniwang sakit. Alam natin na ang isang babaing buntis ay madalas makaramdam ng pagkahilo, pagsusuka at pag-ihi, paliwanag ng Korte Suprema. Ito ay isang pangmatagalang kondisyon na may kaakibat na samu’t saring sakit. Hindi ito katulad ng ordinaryong karamdaman lamang na natatapos pagkalipas ng ilang araw. Ang kondisyong ito ay tuluy-tuloy hangga’t hindi siya nanganganak. Kaya kung may mga araw mang hindi nababanggit sa ibinigay na mga medical certificate kay Lolita, hindi ito nangangahulugan na hindi masama ang pakiramdam niya sa mga araw na iyon. Kaya dapat naging maluwag ang kompanya sa pag-unawa sa kanyang kalagayan, sabi ng Korte Suprema.

Maliwanag na ang pagbubuntis ni Lolita ay sanhi ng kanyang karamdaman, ayon sa Korte Suprema. Samakatwid, may makatwirang dahilan ang kanyang pag-absent. Isa pa, batay sa Art. 137 ng Labor Code, hindi maaaring tanggalin sa trabaho ang isang manggagawa sa dahilang siya ay buntis. Ang ginawa ng kompanya ay tahasang paglabag sa nasabing batas. Hindi nito  maaaring isangkalan ang dating absences nitong si Lolita.Napatawan na siya ng kaukulang parusa para sa mga absences na ito. Dahil dito, dapat ibalik si Lolita sa kanyang trabaho at bayaran ng back wages, utos ng Korte Suprema.

balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006