
Bago’t Matinding Pang-aalipin
BAGAMAN natapos na ang pinakahuling
pagsasanay-Balikatan ng mga sundalong
Pilipino at Amerikano na ipinahihintulot ng kontrobersiyal na VFA (Visiting Forces Agreement), at kahit sa susunod na taon pa muli itong gagawin, lubhang katakatakang sa darating na ilang linggo, ayon kay Col. David Maxwell, pinuno ng JSOTFP (Joint Special Operations Task Force Philippines) “darating ang malaking puwersang Amerikano” bilang bahagi diumano ng kanilang “normal na pagpapalit” ng nagsasanay na mga sundalong Amerikanong nakabase sa Mindanaw.
Kung sa 2008 pa ang susunod na Balikatan, ano – kung gayon – ang pagkakaabalahan ng mga sundalong Amerikanong iyon habang nananatili sa Mindanaw? Sa ilalim ng VFA na hindi maikakailang sumasalaula sa soberanya ng bansa, dapat na mga “bisitang puwersa” lamang sila dito ngunit, ngayon, lumilitaw na pangmatagalan na silang nagbabase sa teritoryo ng Pilipinas at lubusang nanghihimasok sa internal o pansariling mga problema ng bansa.
“Patuloy kaming makikipagtulungan sa AFP (Armed Forces of the Philippines) sa aming malawak na mga proyekto’t operasyong sibil at militar,” pahayag kamakailan ni Maj. John Redfield, opisyal ng JSOTFP sa pakikipag-ugnayang pampubliko. Ayon pa rin sa kanya, dapat “palawakin” ng puwersang Amerikano ang kolaborasyon nito sa AFP sa “kampanya nito laban sa terorismo.”
Noon pa mang 2002, matapos salakayin at sakupin ng Estados Unidos ang Afghanistan, at Iraq nang malaon, puspusan na nitong isinulong sa Timogsilangang Asya ang inimbento ni Presidente George W. Bush na “giyera kontra sa pandaigdigang terorismo” unang-una laban sa grupong Al-Qaida ni Osama bin Laden at militanteng Jemaah Islamiya. Pinondohan ng Amerika ang paniniktik-militar sa Malaysia, Thailand, Indonesia at Pilipinas, at hinimok maging ang India na pangalagaan ang seguridad sa karagatan ng Sulu at Sulawesi na karaniwang dinaraanan diumano ng mga terorista.
Giyera nga ba laban sa terorismo ang talagang layunin ng Amerika? Matatandaan, hindi makatarungan nitong sinalakay at sinakop ang Iraq dahil lamang hininala – at walang napatunayan hanggang ngayon – na nag-imbak si Sadam Hussein ng mga sandatang lubusang mapamuksa (WMD) na maaaring gamitin sa pandaigdigang terorismo gayong, kung tutuusin, gusto lamang makontrol ng Amerika ang pulitika’t masaganang langis ng mga Iraqi.
Ano, kung gayon naman, ang layunin ng Amerika sa pagdagsa ng mga tropa nito sa Pilipinas? Lipulin ang Abu Sayyaf, lalo na ang NDF-CPP-NPA na kontra sa imperyalista nitong mga patakaran sa bansa kaya itinuturing na nitong mga terorista?
Maliwanag, batay sa mahaba’t samu’t saring panghihimasok ng Estados Unidos sa maraming bansa, pangunahing layunin nitong maghari-harian sa mundo, makontrol ang pulitika’t kasangkapanin at gawing tau-tauhan ang pambansang liderato sa naturang mga bansa nang, sa gayon, maisulong naman at mapangalagaan ang mapandambong at mapambusabos nitong mga interes na pang-ekonomiya.
Salig tuloy sa mga nilalaman ng nakatakdang simulang pairalin sa darating na Hulyo na batas kontra-terorismo (2007 Human Security Act) — na tiyak na iginilgil ng Amerika na pagtibayin agad ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo kapalit ng pananatili naman nito sa poder—madali nang mamaniobra ng diyus-diyosang mga Amerikano ang lahat-lahat, lalo na laban sa mga puwersang makabayan at progresibong malinaw na bikig sa masibang lalamunan ng dayuhang mga interes sa bansa. Madali na ring sikilin, gipitin at takutin, at maging biktima ng mga inhustisya ng naghaharing rehimen sa bansa ang mga kalaban sa poder at pulitika, gayundin ang mga kritiko’t nagmamalasakit lamang sa tunay na pambansang kapakanan.
Dahil nga lamang sa pangangayupapa ng pambansang liderato sa dikta’t kagustuhan ng Amerika, at bilang mapanikil na instrumento ang batas kontra-terorismo, lalong mapanghihimasukan ng Amerika ang Pilipinas sa pamamagitan man ng kontrobersiyal na VFA o pagpapanatili sa poder ng nakabalatkayong diktadura’t isinabatas na batas-militar na ang maskara’y demokrasya’t pagmamahal diumano sa bayan at pambansang kaunlaran.
Sa nakatakdang pagdagsa ng tropang Amerikano sa bansa kahit wala pang Balikatan, at sa pagpapatupad ng batas kontra-terorismo sa Hulyo, sisimulan na nga ang sukdulang panlilinlang at paninikil sa sambayanan at, sa punto ng mga makabayan at progresibo, higit na kinakailangan ngayon ang pagiging militante’t mapagbantay, gayundin ang nagkakaisang pagkilos upang sagipin ang bansa sa kuko ng bago’t matinding pang-aalipin ng mga puwersa ng inhustisya’t pagsasamantala.
balik sa itaas |