Taon 6 • Blg 13 • Abril 11, 2007

Editoryal at Opinyon, Marso 27, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO ALAM NYO BA MGA MARELIHAM SA PATNUGOT

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Sa okasyon ng iyong pagtatapos sa hayskul

Matapos ang apat na taong pagsusunog ng kilay sa hayskul, nakuha mo na ang diplomang magiging susi sa iyong pagpasok sa kolehiyo!

Hindi maitago ang tuwa ng lahat ng kamag-anak mo sa okasyong ito. Para sa mga magulang mo, nakikita ang pagpapahalaga sa diploma mo sa pagsasabit nito sa dingding ng bahay ninyo. Hindi na rin ako magugulat kung bibili pa sila ng sariling album para lang sa mga kuhang litrato sa mismong araw ng iyong pagtatapos – mga litratong nagsimula sa paghahanda mo sa loob ng iyong bahay at malamang na nagtapos sa munting salu-salong inihanda para lang sa iyo.

Sa paglipas ng mga taon, paulit-ulit na ipagmamalaki ng mga magulang mo ang iyong pagtatapos sa hayskul, isang bagay na matatapos lamang kung ikaw ay makapagbibigay ng isa pang “Katibayan ng Pagtatapos” sa kanila. Oo, inaasahan ng mga magulang mo, kabilang na ang iba pang mahal sa buhay, ang iyong pagtuntong sa kolehiyo.

Kahit hindi man nila tahasang sabihing dapat kang makakuha ng baccalaureate degree, alam mo namang ito ang unang-unang hinahanap ng mga kompanyang gusto mong pasukan. Kung noon, halimbawa, ay diploma lang sa hayskul ang kailangan para maging security guard, ngayon ay iba na ang kalakaran. May mga pagkakataon pa ngang para maging janitor ng kompanya ay kailangan na ring tapos sa kolehiyo.

At dahil may ambisyon ang mga magulang mong maging higit ka pa sa security guard o janitor – mga trabahong marangal at hindi dapat ikahiya pero talaga namang napakababa ng suweldo! – gagawin pa rin nila ang lahat para pag-aralin ka. Kung minsan pa nga, sila pa mismo ang pipili ng kursong kukunin mo.

Kung sakaling dumating ang pagkakataong ang pinili ng magulang mo ay labag sa kagustuhan mo, magandang pakinggan ang panig nila. Hindi ba’t may kasabihan tayong “Mother knows best”? Pero nararapat ding sabihin mo sa kanila ang iyong saloobin dahil hindi tulad noong nasa elementarya ka pa lang, may husto ka nang pag-iisip para magdesisyon sa magiging buhay mo.

Sa labing-apat na taong pagtuturo ko sa kolehiyo – nagsimula akong magturo nang part-time sa De La Salle University noong 1993 bago ako lumipat noong 1995 sa kasalukuyan kong pinagtuturuan sa Unibersidad ng Pilipinas – marami na akong nakilalang estudyanteng hindi naging mahusay ang academic performance dahil hindi nila gusto ang kursong kinuha nila. Para sa kanila, isang malaking pasanin ang kolehiyo at bumababa ang pagtingin nila sa sarili. Hindi kasi nila maubos-maisip kung bakit ang iba nilang kaklase ay nakakakuha ng matataas na grado habang sila naman ay hirap na hirap para lang makapasa.

Sa panig naman ng mga estudyanteng gusto talaga ang kurso nila – at malamang na pinili talaga ito matapos ang masinsinang pakikipag-usap sa kanilang magulang – napansin kong pinagbubuti nila ang kanilang pang-akademikong gawain. Tinitingnan nila ang kolehiyo hindi bilang pasanin kundi isang oportunidad para madagdagan ang kaalaman. Nagkakaroon sila ng kumpiyansang makapagtatapos sila, isang positibong aktitud na dadalhin nila hanggang sa kanilang pagtatapos sa kolehiyo.

Kung susuriin ang datos ng Commission on Higher Education (CHED) para sa Academic Year 2002-2003, karamihan sa mga nagtapos sa kolehiyo ay sa disiplinang “Business Administration and Related Courses” (93,415 o 38.78 porsiyento ng kabuuang nakakuha ng baccalaureate degree), “Education and Teacher Training” (72,002 o 29.89 porsiyento) at “Engineering and Technology” (42,187 o 17.51 porsiyento). Alam mo bang ang pinakamababang bilang ng mga nagsipagtapos noong panahong iyon ay sa disiplinang “Home Economics” (1,705 o 0.45 porsiyento), “Religion and Theology” (719 o 0.30 porsiyento) at “Trade, Craft and Industrial” (89 o 0.04 porsiyento)?

Marami kang puwedeng isiping dahilan kung bakit may mga disiplinang pinapaboran at iniiwasan. Pero malinaw na bagama’t nariyan ang pangako ng mataas na kita sa kaso ng mga kursong Business Administration at Engineering, marami pa ring kumukuha ng kursong Education kahit na hindi kataasan ang suweldo ng isang guro. Maaaring sabihing hilig talaga nila ang pagtuturo, pero hindi rin matatawaran ang kanilang hangaring makapagsilbi sa bayan sa pamamagitan ng paghuhubog ng kaisipan ng mga estudyanteng katulad mo.

Binabati kita sa okasyon ng iyong pagtatapos sa hayskul at sana’y ang maging batayan ng pagpili mo sa kursong kukunin sa kolehiyo ay hindi sa laki ng perang kikitain kundi ang bukal na kaloobang makapagsilbi sa bayan. Alam nating mahirap talaga ang buhay ngayon at kailangan talaga nating kumita para sa ating pamilya, pero nararapat lamang sa mga katulad mong nakapag-aral na isipin din kung paano magiging produktibong miyembro ng lipunan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa dannyarao.com

nauna | balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006