| Ang gutom at pagbaba
ng kalidad ng buhay Mga mare, isang bilyong
piso raw ang ipapalabas ni
GMA para burahin ang pagkagutom sa loob ng anim na buwan. Ito ay bilang sagot sa resulta ng pinakabagong sarbey ng Social Weather Stations na 19% ng pamilyang Pilipino ay nakakaranas ng gutom. Aba’y 3.4 milyong pamilya rin ito o mga 25 milyong Pilipino.
Ang tanong nating muli, nasaan ang kaunlaran sa ekonomiya ni GMA? Noong nakaraang linggo nga, nagpalathala pa ang pamahalaan niya ng dalawang pahinang adbertisment sa diyaryo na nagpapakitang sa ilalim ng kanyang pamamahala, nagkaroon ng pinakamataas na GDP ang ating bansa sa loob ng sampung taon. Pero sa ilalim din ng kanyang pamamahala nagkaroon ng pinakamalaking insidente ng pagkagutom.
Totoong bumaba nang konti ang porsiyento ng mga pamilyang nagsabing sila ay mahirap. Bago umupo si GMA bilang presidente, 56% ng mga pamilyang nasarbey ang nagsabing sila ay mahirap. Sa pinakahuling sarbey ngayong Pebrero, ito ay bumaba na sa 53%. Kaso, mga mare, patuloy rin ang pagbaba ng kitang tinitingnan ng mga pamilyang ito bilang pamantayan para sabihing sila ay hindi mahirap (self-rated poverty threshold.)
Halimbawa sa NCR noong Nobyembre 2006, ang kailangan daw ng isang pamilya upang masabing ito ay hindi pa naghihirap ay P12,000 kada buwan. Pero ngayong Pebrero 2007, ang sinabi nilang dapat na kita ay P10,000 na lamang, gayung tumaas at hindi bumaba ang presyo ng mga bilihin.
Ibig sabihin lamang mga mare, nahihirati na ang ating mga kababayan, laluna ng ating mga kabaro, sa patuloy na paghihigpit ng sinturon kaya pakonti nang pakonti ang kanilang tinitingnang kailangan para mabuhay nang komportable sa araw-araw.
Sa pagkain na lamang, nagkakasya na ang maraming pamilya sa pagkain ng noodles araw-araw o sa pagbabahog ng toyo o kape sa kanilang kanin. Kaya masasabi nila nang buong katotohanan na sila ay minsan lamang hindi nakakakain. At ang kanilang pamilya ay hindi na masasali sa bilang ng mga nagugutom.
Ibig sabihin, mga mare, hindi lang basta gutom ang problema ng maraming pamilyang Pilipino. Malaking suliranin din ang pagbaba ng kalidad ng kanilang buhay.
Mabuti na ang mag-noodles o mag-toyo o magkape araw-araw kesa naman walang maipasok kahit na ano sa tiyan. Mabuti na ang maging kontraktuwal kesa walang trabaho. Mabuti na ang sumuweldo nang mababa kesa minimum kesa naman walang kita.
Ito, mare, ang madalas nating marinig sa ating kapwa-Pilipino, sa iba nating mga mare, kapag sila ay ating iniimbitahang sumama sa isang pag-aaral ukol sa kontraktuwalisasyon o magprotesta laban sa mababang sahod.
Kaso mga mare, may hangganan ang paghihigpit ng sinturon, may hangganan ang pagpapasensiya ng mga taong nagugutom. At kapag ang pasensya ng mga mamamayan, ng kababaihan ay sumapit na sa sukdulan, maski ang isang bilyong piso para pakainin ang nagugutom ay hindi makakasapat upang pigilin ang bugso ng kanilang galit at pagnanais ng tunay na pagbabago sa lipunan.
nauna | balik
sa itaas | sunod |