‘Rebolusyon’ ni Mr. Shooli
Isa ako sa mga nanghinayang nang mawala
sa ere ang Mongolian Barbeque sa RPN 9 na
pinagbidahan ni Jun Urbano bilang Mr. Shooli. Naaalala ko pa ngang bumisita si Mr. Shooli sa opisina ng Ibon Foundation na kung saan ako ay nagtrabaho para kapanayamin ang isa naming kasamahan tungkol sa alternatibong pagsusuri sa ekonomiya ng Pilipinas.
Sa tradisyon ng mga programa sa IBC 13 na Barrio Balimbing at Sic O Clock News noong dekada 80, ginamit ng Mongolian Barbeque noong dekada 90 ang political satire para makapagpatawa at makapagpamulat sa mga tao. Bagama’t may mga paminsan-minsang komedyang slapstick, partikular ang okasyonal na pagmamaltrato ni Mr. Shooli sa kanyang alalay na si Kuhol – isang bagay na aaminim kong hindi ako komportableng panoorin – sa pangkalahatan ay maaasahan ang mga nakakatawang komentaryo ni Mr. Shooli sa panlipunang sitwasyon.
Bago pa man ang The Daily News with Jon Stewart na kasalukuyang napapanood sa Jack TV, nagawa na ng Mongolian Barbeque noon ang mag-imbita ng mga opisyal ng gobyerno at iba pang politiko para pag-usapan ang mga isyu. Masasabing epektibo ang karakter ni Jun Urbano na Mr. Shooli dahil nakakaya niyang magbigay ng obserbasyon sa panlipunang sitwasyon bilang isang taga-labas.
Ito ang dahilan kung bakit hindi ko pinalampas Ang MONAY ni Mr. Shooli (Misteyks Opda Neysion Adres Yata) nang ipalabas ito simula Marso 21. Isang pelikulang hatid ng Onabru Films, binuhay ni Jun Urbano (na nagsulat ng iskrip at nagsilbi ring direktor) ang kanyang karakter na Mr. Shooli na isang Mongolian na bilib na bilib sa mga Pilipino. Siya ay bumalik sa Pilipinas para bisitahin ang kanyang tatay-tatayang si Propesor Garci na malapit nang mamatay. Akala niya’y malaki na ang iniunlad ng Pilipinas matapos ang mahabang panahong nawala siya pero nagulat siya nang malamang ang mga mamamayan ay naghihirap, nagkakanya-kanya at niloloko ng mga opisyal ng gobyerno na dapat na nagsisilbi sa kanila.
Maraming nakakatawa’t nakakainis na karanasang pinagdaanan si Mr. Shooli sa kanyang pananatili sa Pilipinas. Nariyang inisahan siya ng drayber ng taksi na napakataas ng singil dahil pinaikut-ikot siya nang malamang hindi niya alam ang Maynila. Hiningan din siya ng lagay ng empleyado ng munisipyo kapalit ng mabilis na pagproseso ng ilang dokumento niya. Ang isang pulitikong kaibigan niya ay hindi lang bobo, tiwali at imoral kundi hinahayaan ang pananatili ng political dynasty sa kanyang lugar. Mayroon ding isa pang hukom na tumatanggap ng lagay at napakabagal magbigay ng hatol, bukod pa sa isang opisyal ng pulis na hindi alam kung paano epektibong gampanan ang tungkulin niya.
Malinaw, para kay Mr. Shooli, ang kabulukan ng sistemang umiiral kaya siya ay nanawagan ng “rebolusyon.” Dahil dito, siya ay tinaguriang terorista at destabilizer ng pamahalaan. Siyempre pa, itinanggi niya ang pagiging terorista at destabilizer dahil sinabi niyang ang tiwaling mga opisyal at mamamayan ang mga dapat usigin.
Kailangang linawing ang pagbabagong nais ni Mr. Shooli ay ang “rebolusyon ng sarili” at hindi pagsapi sa rebolusyonaryong kilusan. Sa katunayan, ang lider ng New People’s Army (NPA) sa pelikula ay ipinakitang nangingikil lamang sa mga pulitiko at hindi malinaw na isinakonteksto ang dahilan ng rebolusyonaryong pagkilos. Naging katatawanan pa nga ang dahilan ng kanyang pagsapi sa NPA dahil ginawa niya ito dahil hindi matanggap ang kapangitan ng anak na si Kuhol.
Ang panawagan para sa pagbabago, kung susuriin ang panlipunang kaayusan, ay subersibo na para sa administrasyong Macapagal-Arroyo. Masasabing nagkataon lang na ipinalabas ang pelikulang ito sa panahong nakakulong at nahaharap sa seryosong kaso ng maramihang pagpatay si Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at kasalukuyang nagtatago ang iba pang akusado sa naturang krimen. Tulad ni Mr. Shooli, patuloy ang persekusyon sa mga nagnanais ng makabuluhang pagbabago sa pamamagitan ng pagpapakulong, at kahit pamamaslang.
Mainam na panoorin Ang MONAY ni Mr. Shooli nang isinasaisip ang nangyayari sa lipunan. Sapagkat sa gitna ng mga nakakatawang eksena ay ang reyalidad ng pangangailangan ng isang klase ng pagbabagong hindi hamak na mas malalim pa sa nais ni Mr. Shooli na isang taga-labas.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa dannyarao.com
nauna | balik
sa itaas | sunod |