Taon 6 • Blg 12 • Marso 27, 2007

Editoryal at Opinyon, Marso 22, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO ALAM NYO BA MGA MARETALINONG KANTO

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Gusto pang magtrabaho, pinilit na magretiro

Marami sa atin ang nalilito pagdating sa usapin ng retirement. Nakasaad sa ating Labor Code na kapag ang isang manggagawa ay dumating na sa edad na animnapu’t limang (65) taon, maaari na siyang sapilitang pagretirohin ng kompanya. Sa madaling sabi, ang compulsory retirement age ay 65.   

Ngunit paano kapag batay sa patakaran ng kompanya ay maaari nang piliting magretiro ang isang manggagawa kahit wala pa siya sa edad na 65? Maaari bang igiit ito ng kompanya kahit ayaw pa ng manggagawang magretiro at gusto pang magtrabaho? Nangyari ang sitwasyong ito sa kasong “Alpha C. Jaculbe vs. Silliman University”, G. R. No. 156134, na dinesisyunan ng Korte Suprema nitong Marso 16, 2007.

Empleyado ng Silliman University itong si Alpha. Labingwalong (58) taong gulang pa lamang siya nang padalhan siya ng sulat ng manedsment na magretiro na. Ayon kasi sa manedsment, nakasaad sa kanilang retirement program na ang sinumang empleyado ay obligadong magretiro kapag umabot na sa edad na 65 taong gulang, o nakapagserbisyo na nang tuluy-tuloy sa loob ng 35 taon.  Sa kaso ni Alpha, wala pa nga siya sa edad na 65 taon pero umabot na sa 35 taon ang kanyang panunungkulan. Batay sa company policy, kailangang magretiro na itong si Alpha.

Ngunit gusto pang magtrabaho ni Alpha. Nang ipilit ng manedsment ang kanilang gusto, nagsampa ng kasong illegal dismissal sa tanggapan ng Labor Arbiter itong si Alpha.

Ipinanalo siya ng Labor Arbiter ngunit inapela ng manedsment ang kaso sa National Labor Relations Commission at natalo si Alpha. Hindi nasiyahan sa desisyon, inakyat niya ang kaso hanggang nakaabot ito sa Korte Suprema. 

Batay sa Labor Code, obligadong magretiro ang isang manggagawa sa edad na 65 taon, paliwanag ng Korte Suprema. Ngunit maaari silang magkasundo ng manedsment sa mas maagang panahon ng pagreretiro. Maari nila itong gawin sa pamagitan ng collective bargaining agreement o sa pamagitan ng employment contract. 

Napansin ng Korte Suprema na  wala sa kanilang CBA ang patakaran na maaari  nang pagretirohin ang isang empleyado kapag naka-35 taon na siya sa serbisyo. Ito ay nasa kanilang retirement plan. Ang tanong ngayon: bukal sa loob at malayang tinanggap ba ni Alpha ang nasabing retirement plan? May palatandaan ba na sumang-ayon siya rito?

Walang nakitang anumang palatandaan ang Korte Suprema. Una, wala pa ang nasabing patakaran nang pumasok si Alpha sa kompanya.  Labindalawang (12) taon na siyang nagtatrabaho nang ipatupad ito ng manedsment. Malinaw na hindi siya nagkaroon ng pagkakataon para sumang-ayon dito.

Pangalawa, walang pirma o anumang tanda ng pagsang-ayon sa nasabing retirement plan si Alpha. Bagama’t siya ay nag-ambag sa nasabing retirement plan, ang kanyang ambag dito ay sa pamagitan ng compulsory salary deduction at hindi natin masasabing boluntaryo.

Walang hadlang kung magkasundo ang manedsment at ang manggagawa sa mas maagang panahon ng pagreretiro. Kailangan lang malinaw ang kanilang kasunduan dito.

Sa kaso ni Alpha, walang malinaw na patunay na siya ay nakipagkasundo sa manedsment na maaari nang piliting magretiro kapag nakapagtrabaho na nang 35 taon. Dahil dito, labag sa batas na siya ay piliting magretiro. Dapat pang maghintay ang manedsment hanggang siya ay umabot sa 65  taong gulang. Kaya  lumalabas na nagkasala ng illegal dismissal ang kompanya sa ginawa nitong sapilitang  pagreretiro kay Alpha, hatol ng Korte Suprema.

balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006