
Pambundat sa Buwaya
TIYAK na sobra ang kapal ng mukha’t
may sikmura ng buwaya ang mga
mambabatas na nagmaniobrang gawing P11.445-B ang dating P6.24-B PDAF (Priority Development Assistance Fund) para sa mga kongresista’t senador sa ilalim ng P1.126-T na pambansang badyet ngayong 2007. Higit na masama, batay na rin sa pahayag ni Sekretaryo Rolando Andaya, Jr. ng Badyet o DBM, maragdagan lamang ang PDAF, kinaltasan ng P3.6-B ang P18.7-B na nakalaang pondo para sa nakatakdang magretirong karaniwang mga empleyado ng gobyerno ngayon, kaya mga 8,000 sa mga ito – na matagal na nagtiis sa miserableng suweldo – ang malamang na tumiguk-tigok ang lalamunan sa hihintaying mga benipisyo.
Dinisimula’t pinaganda lamang ang pangalan, kilalang “pork barrel” ang PDAF na, noon mang nagdaang mga rehimen, mahirap pabulaanang naging ugat ito ng kung anu-anong katiwalian sa burukrasya. Kamakailan lamang, mula sa “pork barrel” ni Kongresista Aurelio Umali ng Nueva Ecija ang ipinambili ng 3,960 bote ng likidong pataba sa lupa ng mga magsasaka na naging P1,500 ang presyo ng bawat botelya gayong P100 lamang. Mula din sa “pork barrel” ni Umali ang ipinambayad sa 15 yunit ng makina’t bomba (diesel) para sa irigasyon na lumitaw na P120,000 bawat yunit ngunit, ayon sa mga nagbebenta, P50,000 ang isa.
Sa anim na proyektong IT (information technology), natuklasan ng Code-NGO na P217,500 ang presyo ng bawat computer na ipinamudmod sa pampublikong mga paaralan sa Kamaynilaan, Timog Katagalugan at Gitnang Luson, gayong dapat na P50,000 lamang ang isa batay na rin sa presyo sa merkado. Galing lahat sa “pork barrel” ng kinauukulang mga mambabatas ang ipinambayad sa mga iyon. Sa sakop na lamang ng distrito ni Kongresista Uliran Joaquin ng Laguna, ayon kay Joseline Alesna ng naturang lugar, 23 paaralan ang pinagkalooban ng gayong mga computer na sobra-sobra ang presyo.
Marami ring mga proyektong pambayan – tulad ng mga tulay, kalye’t paaralan – ang pinopondohan mula sa “pork barrel” ng mga mambabatas, kongresista man o senador, bilang pang-akit ng boto unang-una at hindi bilang matapat na serbisyo publiko. Ang hirap nga, sa mga proyektong ito, hinohokus-pokus pa ang lahat. Palilitawing tapos na ang proyekto, kahit hindi pa, para makulekta na ang kaukulang badyet at maatado ng mga bastardo ang malaking “kickback” at, kung tinapos man, hindi naman sinunod ang nararapat na kalidad, dinaya ang konstruksiyon, kaya hindi katakatakang uka-uka na ang kalye sa isang buhos lamang ng ulan, o tinangay agad ng baha ang isang tulay, o giniba agad ng bagyo ang isang gusaling pampaaralan. Katunayan, bilang halimbawa, sa distrito ni Kongresista Orlando Fua, Jr. ng Siquijor, ayon kay Boy Tampus ng Code-NGO, pinalitaw na “tapos” na ang P1-M kalye gayong hindi pa ito nasesemento hanggang ngayon.
Higit na masama, para ring malaki’t sariwang karne ang “pork barrel” na nakaugaliang ilawit ng Malakanyang sa naglalaway na bunganga ng mga kinauukulan sa Kongreso para mapasunod sa kapritso’t kumpas ng diyus-diyosan sa Palasyo. Nilulunok ng maraming mambabatas ang prinsipyo’t paninindigan – kung mayroon pa – dahil lamang sa pang-akit ng “pork barrel” lalo na’t panahon ng malakarnabal na halalan. Malinaw itong napatunayan sa dalawang pagkakataon sa kasong “impeachment” ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo kaya namunini sa grasya ang kanyang mga kakampi at ginutom naman ang mga kongresistang pabor na mapatalsik sa poder si La Gloria dahil diumano sa pandaraya sa eleksiyon noong 2004, paglabag sa Konstitusyon, pagsisinungaling at pagnanakaw.
Natural, mula sa P265-B na EVAT (expanded value-added tax) at iba pang kung anu-anong buwis na nakulekta ng gobyerno mula sa dayukdok na sambayanan ang “pork barrel” at, sa pamamagitan nito, maliwanag na iginigisa ng pambansang liderato sa sariling mantika ang mga mamamayang kinukuba sa buwis ng kasalukuyang rehimen. Samantalang nagugutom ang 25 milyong Pilipino, batay sa sarbey ng SWS (Social Weather Stations), at naglulublob sa karalitaan ang marami pang iba dahil sa balintunang mga patakaran ng rehimen – bukod pa sa pagpapakasangkapan nito sa dayuhang mga interes – nasisikmura pa nga nilang maging P70-M ang PDAF ng bawat kongresista at P200-M naman bawat senador sa loob ng isang taon. Magkano naman kaya ang kay La Gloria? Hindi na nga tuloy katakataka kung bakit naglulustay ng mga P200-M sa kampanya ang mga kandidatong mambabatas o ng bilyun-bilyong piso ang kandidatong presidente kahit kakarampot ang suweldo buwan-buwan kapag naluklok sa puwesto.
Ano pa nga ba? Nariyan naman ang “pork barrel” na pambundat sa mga buwaya!
balik sa itaas |