Taon 6 • Blg 12 • Marso 27, 2007

OFW, Marso 22, 2007
Gil Lebria, inspirasyon sa mga OFW: Pinoy na binugbog, panalo sa kasoUpang makapasok sa US: Muling pagsusulit ng mga nars libreSa ika-12 anibersaryo ng kamatayan ni Flor Contemplacion... | Migrante, Connie Bragas-Regalado

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
BALITANG OFW

200 babaing OFW
Nakabinbin sa Jordan

NAGUGUTOM, SIKSIKAN, parang bilanggo, at nagka-hawahan pa ng sakit ang 200 babaing OFWs (Overseas Filipino Workers) na nakabinbin ngayon sa bahay-kanlungan ng Embahada ng Pilipinas sa Jordan. Kuwento ng mga kamag-anak, karamihan sa kanila ay hindi man lamang maipagamot ng embahada. At masakit, sinisingil pa sila nang mahal ng mga taga-embahada para lamang makauwi.

Sa lingguhang Kapihan sa CyPress, ibinunyag ni Transuela de Jesus, kapatid ni Luzviminda Ruiz, isa sa 200 na nagtitiis ngayon sa Jordan, talagang nakahahabag ang kalagayan ng kanyang kapatid maging ng iba pang mga kasama nito sa bahay-kanlungan.

Maluha-luhang salaysay niya, walang nagawa ang gobyerno para tulungang ang kanyang kapatid na nirekrut ng FFGC Aggregates Resources sa ibang bansa bilang turista.

Dahil minamaltrato ng amo, tumakas si Luzviminda at lumapit sa mga kinatawan ng Overseas Workers Welfare Authority doon at maging sa mga konsulado subalit, sa kasamaang palad, walang nagawa ang mga ito, paliwanag ni De Jesus.

“Ang pinakamasakit, para raw makauwi ang kapatid ko, kailangan niyang magbayad sa kanila ng US$350. Saan naman kami kukuha noon. Walang-wala na kami,” sabi pa ni De Jesus.

Dagdag na kuwento naman ni Gary Martinez, tagapagsalita ng Migrante International, isang Jenalyn ang nag-text sa kanilang tanggapan na humihingi ng tulong.

“Kuwento niya sa text, kinaladkad siya ng mga Jordanian police dahil overstaying na siya sa Jordan. Ang masakit, mismong sa loob ng Embahada ng Pilipinas siya hinuli–bagay na napakalaking kalokohan dahil dapat, awtoridad Pilipino na ang may hurisdiksiyon sa kanya,” sabi ni Martinez.

“Tapos iyong iba, nagbayad na ng US$2,000 pero hanggang ngayon, ni anino ng tiket pauwi, wala pa,” dagdag ni Martinez.
Hindi lamang sa Jordan nagaganap ang mga bagay na ito.

Salaysay ni Mary Ann Florida, 23 at naging OFW sa Kuwait, talagang nakakahabag ang kalagayan ng mga nagpaampon sa Embahada sa Kuwait.

“Siksikan. Tantiya ko, pang-100 tao lang iyong bahay pero pinagkasya nilang pilit iyong 300. Tapos, kapag kakain, nakapila, para kaming preso. Saka iyong comfort room doon, butas lang siya sa sahig. Doon na namin ginagawa ang lahat,” sabi niya.

Ayon kay Flora Baniaga-Belinan, ikatlong nominado pagka-kongresista ng Gabriela (Gabriela Women’s Partylist), talagang walang maasahan ang mga OFW sa gobyernong Arroyo.

“Sa kabila ng bilyun-bilyong dolyar na ipinapasok ng mga migrante sa kabang-yaman ng bansa, ni hindi man lamang sila maipagawa ng matinong bahay-tuluyan doon sa ibayong-dagat sakaling tumakas sila at magpakanlong, dahil inaabuso sila ng kanilang mga amo,” malumanay subalit may diing sabi ni Belinan.

Tinatayang US$14-Bilyon ang papasok na dolyar sa bansa sa pagtatapos ng ikatlong kuwarto ng kasalukuyang taon at inaasahang lalaki pa ito bago matapos ang taon, ayon sa Malakanyang.

“Ang mga babaing ito, dumanas na sila nang husto ng kung anu-anong hirap—pisikal at emosyonal. Dapat na silang pauwiin agad. At sa Department of Foreign Affairs)naman, dapat siguruhin nilang maayos ang tinutuluyan nila. Hindi iyong para silang mga hayop na nasa koral. At siguruhin din nilang hindi nagugutom at mamamatay sa sakit ang kaawa-awa nating mga kababayan doon,” sabi pa ni Belinan.

balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006