P1 Bilyon ni GMA
‘Gutom, di masusugpo’
Ilang-Ilang D. Quijano / Angel Tesorero
Hindi masusugpo
ang problema ng
kagutuman ng mga
mamamayan sa loob ng anim na buwan sa kabila ng paglalaan ng P1Bilyong pondo ni Pangulong Arroyo, ayon sa Pangulo ng Senado at ng progresibong mga organisasyon.
Sinabi ni Sen. Manuel Villar na hindi makapagbibigay ng matagalang solusyon sa kagutuman at malalang kahirapan ang umano’y “desperadong” hakbang ng gobyernong Arroyo sa mga “dole-out” o simpleng pamamahagi.
Naglaan si Pangulong Arroyo ng P1-B para sa programang food-for-school o pamamahagi ng pagkain sa mga estudyante sa pampublikong mga paaralan at food-for-work o pamamahagi ng pagkain kapalit ng pagwawalis ng kalsada at iba pang maliliit na trabaho.
Ito ay matapos lumabas sa huling sarbey ng SWS (Social Weather Stations) na 3.4 milyon o 19% ng mga Pilipino ang nakaranas ng gutom sa nakaraang tatlong buwan. Isinagawa ang sarbey mula Pebrero 24 hanggang 27.
Ayon kay Villar, panauhing kandidato ng Genuine Opposition sa pagka-senador, hindi nakakalikha ng bagong mga trabaho ang gobyernong Arroyo at wala itong ipina-tutupad na makabuluhang mga reporma sa agrikultura, edukasyon, at pamumu-hunan.
Sinabi naman ni Anakpawis Rep. Crispin Beltran na ang programang dole-out ni Arroyo ay magbubunga ng pagiging palaasa at pamamalimos ng mga mamamayan. Ayon kay Beltran, kahit umano bumaba ang presyo ng mga bilihin sa mga “bagsakan centers” at “barangay food terminals” ng gobyerno, hindi kakayaning bumili ng batayang mga pangangailangan ang mahhihirap dahil walang itong mga hanapbuhay para kumita.
Mariing sinabi ni Beltran na ang kailangan ng mga mamamayan ay sapat na trabaho at nakabubuhay na suweldo para matugunan ang lumalalang kagutuman. Aniya, matagal ng ipinanawagan ng mga manggagawa ang P125 dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor at P3,000 dagdag-suweldo sa mga kawani ng gobyerno para pamsamantalang makatugon sa kahirapan.
Samantala, nangangamba ang progresibong mga organisasyon na matutulad ang P1-B programa kontra-gutom sa P728 anomalya sa abono noong halalang 2004.
Hinamon ni Ferdinand Hicap, tagapangulo ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas, ang gobyernong Arroyo na diretsong ibigay ang pondo sa mga kooperatiba at lehitimong mga organisasyong sektoral para mapatunayang hindi ito pakikinabangan ng administrasyon para sa darating na halalan.
balik sa itaas | sunod |