Taon 6 • Blg 12 • Marso 27, 2007

Kultura, Marso 22, 2007
Ang mga nasa posisyon sa telebisyon
Ang alamat ni Ka Satur | Pasintabi, Rolando Tolentino

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
KULTURA
Anting-anting: nakayupyop nga ba
sa kuwintas si Bathala?

Antanda ng Santa Cruz, ipag-adya Mo po kami sa mga kaaway po namin…
Ang Senyal ng Krus

IPINAKILALA NI Ramon Revilla Sr. ang anting-anting sa pinilakang tabing sa iba’t ibang karakter gaya nina Kapitan Inggo, Enteng Paniki at Nardong Putik. Sa kanyang pagpapakilala sa mundo ng anting-anting, laging ikinakabit ito sa labanan ng dalawang puwersa—kasamaan at kabutihan.

Sa mga pelikula rin ni Revilla binigyang katuturan ang anting-anting bilang isang bagay na maaaring magbigay ng kakaibang lakas, panghalina o karisma, at maging ang kakayahang talunin ang anumang entidad—kahit pa hindi ito nakikita— sa sinumang may taglay nito.

Dahil hindi pinaniniwalaan sa siyensiya ang sinasabing benepisyo ng anting-anting, lalong nabaon ito sa hiwaga o enigma. At dahil iilan din lamang ang “napagkakalooban ng pagkakataon” na makagamit at makamit ang kapangyarihang taglay nito, nagkaroon ng damdamin ng pagkapribado ang gamit ng anting-anting.

Anting-anting: isang pagpapakilala
Anting-anting ang tawag sa anumang bagay na maaaring magbigay sa sinuman ng proteksiyon sa anumang kasamaan at dagling kamatayan. Maaaring ito ay ugat ng isang puno, isang bato kaya, pakpak ng ibon, isang medalyong inukitan ng mga larawan at pinalibutan ng dasal (na sinasabing nasa wikang Latin), kristal, buto o bahagi ng katawan ng isang hayop o maging isang basyo ng bala na nilagyan ng tawas na asul.

Maraming nagsasabing nalikha ang anting-anting dahil sa takot ng tao sa kamatayan, pagkakasakit at mga sakuna. Dahil saanmang dako ng daigdig, may anting-anting: sa Tsina, India, Europa, Amerika at maging sa kontinente ng Aprika. At bawat tribu sa mundo, may konsepto ng anting-anting.

Sa Pilipinas, makikitang may pinaniniwalaang anting-anting ang mga Mangyan, mga Agta, mga Tausug at iba pang grupong minorya. Magpahanggang ngayon, malaganap pa rin ang paggamit ng mga anting-anting sa mga grupong nabanggit at pagkaminsan, mismong sila ang naglalako sa iba ng kanilang paniniwala sa “makapangyarihang” mga bagay na ito.

Isang mukha ng mahiwagang bagol
Dahil ang kapangyarihan ang anting-anting, madalas na ikabit ito sa relihiyon. Kaya santambak na medalyong inukitan ng mga larawan ng santo o anumang simbolismong may kaugnayan sa diyos, sa mga banal at makapangyarihang mga espiritu, gaya ng medalyon ni San Benito, San Cristobal, Tetragrammaton (Pangalan ng Diyos), Beinte-cinco llaves (25 Susi) at iba pa.

Ginagamit ang mga ito para kontrahin, sawatain, at ipagsanggalang ang isang naniniwala rito sa anumang masamang nasa ng kanyang kapwa, lalo na iyong may taglay ring anting-anting na nalikha naman para makapanakit ng tao o magbigay ng karamdamang pupuksa sa isang tao. O maging kagamutan naman o pansansala sa sakit na maidudulot ng isang entidad na sinasabing hindi nakikita o nasa kabilang mundo (mga maligno, engkantada, at iba pa.)

Kaya masasabing ang konsepto ng anting-anting ay espirituwal, metapisikal o hindi basta magagagap ng ordinaryong siyensiya ng tao.

Kabilang mukha ng mahiwagang bagol
Dahil takot maghirap ang tao, ginamit din ang anting-anting para makahalina ng suwerte. Kaya kayraming mga talisman ang nayari para sa sugal at negosyo. Pinakapopular ang mga talisman at anting-anting na ipinapayo ng mga eksperto sa feng shui.

Naririyan ang mga estatwa ng kabayo, palakang may tatlong paa at sinusubuan ng lumang baryang Tsino, pusang kumakaway, mga pulseras at sarisaring mga bagay na pampasuwerte o pampaalwan ng buhay.

Kung susuriin, ang konsepto ng anting-anting ay maituturing din na materyalistiko—o nakapako sa mga bagay na masasabi nating makamundo gaya ng kayamanan at tawag ng laman. Kaya may mga anting-anting para makapang-akit ng mangingibig o isang makakaniig.

Madalas, sa karanasan din ng may-akdang ito, ginagamit ang anting-anting bilang instrumento ng paniniil sa kapwa-tao. Sapagkat sinasabing hindi maaaring “galawin” ang may taglay nito, nagagamit ito nang husto para maghasik ng takot o gawing tila diyos ang sarili para mapagharian ang kapwa tao.

Katotohanan o guni-guni?
Kahit malaganap, marami pa rin ang may agam-agam kung totoo nga ba ang kapangyarihang taglay ng anting-anting. Sa katulad ng may-akdang lumaki sa isang pamilyang may paniniwalang mistikal, masasabing ang anting-anting ay isang makatotohanang penomena.

Subalit doon sa mga nahubog ng pisikal na siyensiya o materyalistang pananaw sa pilosopiya, ang anting-anting ay bunga lamang ng makinang at mahusay na imahinasyon ng tao. Walang bisa ang mga bato, ang mga orasyon at medalyon at lahat ay pinagagana lamang ng panlalansi sa imperpektong sistema ng pandamdam ng tao.

Gayunman, sa mga nakasaksi at nakapagtamasa na ng bisa o kapangyarihan ng anting-anting, mahirap pabulaanan na walang siyentipikong batayan ang paniniwala nila sa galing na taglay ng kanilang medalyon, orasyon o relika (relic).
Subalit hindi rin maiwasang maitanong: baka naman ang anting-anting mismo ay ang utak ng tao? O ang mismong taong nagtataglay nito?

Walang makapagsasabi. Datapwa, para sa may-akdang ito, ang anting-anting ay bahagi ng mayamang tradisyon ng paniniwala sa lakas at kakayahan ng mga Pilipino bilang isang bayan at bilang tao. Bakit hindi natin masasabi? Sabi ng mga libro, may anting-anting din maging si Andres Bonifacio.

balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006