Diwa ng demokrasya
sa sistemang party-list
Noel Sales Barcelona / Soliman A. Santos
ISANG dayuhan ang
kinailangang
magsabi nito: “Ang
sistemang party-list . . . ay hindi pa pinapawalambisa ng Kongreso. Ngunit ang (Malakanyang), na hayagan at masigasig na inaayudahan ng militar, ay nagsusumigasig sa pagsira sa diwa (nito) sa pamamagitan ng paghadlang sa mga grupong party-list at paglalagay sa alanganin ng kanilang karapatan upang makakilos nang malaya.”
Bahagi ito ng pahayag ni Philip Alston, UN Special Rapporteur, matapos ang 10 araw niyang pagsisiyasat sa pamamaslang ng mga aktibista sa Pilipinas.
Napakasibilisado ng pagsisikap ng Malakanyang na magpatakbo ng “mga prenteng party-list,” kumpara sa pagsisikap nitong literal na patayin ang mga lider at miyembro ng party-list na itinuturing nitong Kaliwa – na siyang tinutumbok ng pahayag ni Alston.
Ibinigay, at pagkatapos ay binabawi. At sa napakamadugong paraan. Ito ang wari’y kasaysayan ng sistemang party-list sa Pilipinas. Sistemang party-list
Pag-amin sa malubhang kapintasan ng demokrasya sa Pilipinas ang pagsisingit ng konsepto ng party-list sa Konstitusyong 1987, nang ang bansa ay lango pa sa bagong ihip ng hanging nagmula sa Edsa.
Dahil nga sa Pag-aalsa sa Edsa noong 1986, isinilang ang ideya ng sistemang ito, na hinango naman sa praktika ng maraming bansa, gaya ng Switzerland, Italy, Germany, Russia at South Africa. Sa konstitusyong niratipika nang pangulo na si Cory Aquino, pumasok ang isang probisyon ukol dito. (Basahin ang “Ilang kaalaman sa sistemang party-list.” )
Inabot ng pitong taon, gayunman, bago naipasa ang Republic Act 7941, ang Party-List System Act, na siyang enabling law para maipatupad ang sinasabi ng Konstitusyon. Ang batas ay pinirmahan ni Presidente Fidel Ramos noong Marso 3, 1995. Hunyo 25, 1996 nang ang Comelec (Commission on Elections) ay nag-isyu ng Resolution No. 2847 na naglalaman ng mga tuntunin para sa paghahalal ng mga kinatawang party-list.
Nilikha ang sistemang party-list para “magkaroon ng tinig” sa Kongreso ang mga sektor ng lipunan na naisasantabi sa prosesong elektoral. “Demokratisasyon” ito diumano ng sistema ng mga partidong pampulitika sa bansa na pinangingibabawan ng mga personalidad na alinman sa masalapi, popular, maipluwensiya at datihan nang nakaugat sa burukrasya.
Sa Konstitusyon, kabilang sa mga seksiyon ng populasyon na maaaring magkaroon ng party-list ang mga manggagawa, magsasaka, maralitang tagalungsod, katutubo, kababaihan at kabataan. Maaaring magbuo ng party-list ang iba pang sektor ayon sa kaukulang mga batas ng Kongreso at tuntunin ng Comelec. Ilang pagdududa
Dahil itinadhana ng batas na sa maksimum, tatlong kinatawan lamang mula sa bawat mananalong party-list ang pahihintulutang makaupo sa Kamara, hindi mapupunuan ang 20% bilang ng kinatawan na itintadhana ng Konstitusyon. (Basahin ang “Ilang kaalaman sa sistemang party-list.” )
Ito ang paniwala ni Dr. Edna Co, propesor ng Public Administration and Governance sa Ateneo de Manila University.
Lalong kuwestiyonable kung talaga bang api at mahihirap na sektor ang kinakatawan ng lahat ng nakapuwestong party-list sa Kongreso, ayon pa kay Co. Kung susuriin nga naman ang mga party-list na tumatakbo sa kasalukuyan, may mga pinaghihinalaang gawa-gawa lamang ng mga negosyante, mayayamang grupo at mga tradisyunal na pulitiko, lider-relihiyoso at mga sindikatong pinopondohan diumano ng mismong gobyerno. Inamin ito mismo ng ilang matataas na opisyal ng External Affairs Office ng Malakanyang.
Ang Buhay Party-list, halimbawa, ay kinakatawan ng anak ng lider ng El Shaddai na si Bro. Mariano “Mike” Velarde na tumatayo ring tagapayong espirituwal ni Pangulong Arroyo.
Nadiskuwalipika naman noong halalang 2001 ang Lakas at Nationalist People’s Coalition, dambuhalang mga partido ng mga pulitikong tradisyunal; Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry, samahan ng mga negosyante; Mamamayang Ayaw sa Droga, na pinondohan ng gobyerno; at Marcos Loyalist Organization, na hindi naman kumakatawan sa mardyinalisadong mga sektor.
Hindi nagpahuli maging si National Security Adviser Norberto Gonzales. Rehistrado sa Comelec ang kanyang Partido Demokratiko Sosyalista ng Pilipinas at Aksyon Sambayanan o Aksa. Masusukat ang kawalan ng suporta ni Gonzales sa kung ilang ulit na pagkatalo ng kanyang mga “manok” sa halalan.
Mahalaga ang tanong ni Co: “Ano ba ang panig na kinakatawan mo? Halimbawa, sa pederasyon ng mga namamasada ng traysikel na nagpasyang tumakbo sa party-list. Sino ka ba — ikaw ba ‘yung namamasada o opereytor ng traysikel na ipinapasada?”
Dahil pambansa ang sukdulang saklaw ng pangangampanya ng mga party-list, usapin din ang pondo. Saan kukuha ng milyones ang mga tunay na mahihirap na mga party-list? (Mahigit sa 70 party-list ang nakarehistro sa Comelec sa ngayon.) Pagwawagi at rekord ng mga progresibo
Sa diwa ng “demokratisasyon,” lumahok ang progresibong mga organisasyon sa sistemang party-list.
Noong 2001, sumabak ang Bayan Muna Party-list sa eleksiyon. Dala nito ang plataporma ng pagbabago ng lipunan sa pamamagitan ng pagharap sa batayang mga suliranin ng bansa – paghihirap na dulot ng paghahari ng mga dayuhan at piyudal na interes sa gobyerno. Pinangunahan ng Bayan Muna ang listahan ng mga nagwagi. Nakopo nito ang tatlong puwesto sa Kongreso, sa pamamagitan nina Satur Ocampo, Crispin Beltran at Liza Maza.
Noong eleksiyong 2004, Bayan Muna ulit ang numero uno sa botong 1,203,305 na labis-labis para sa tatlong kinatawan. Nagwagi rin ang Anakpawis (538,396 boto para sa dalawang puwesto) at Gabriela Women’s Party (464,586 para sa isang puwesto).
Sa sunud-sunod na sarbey para sa eleksiyong 2007, laging numero uno ang Bayan Muna at kasunod ang Anakpawis at Gabriela. Hindi malayong magtigtatlong puwesto ang makuha nila. Kasama nilang tumatakbo ngayon ang Kabataan Party-list at Suara Bangsamoro Party-list.
Nakatuon sa mga party-list na ito ang lahat ng pagsisikap ng gobyerno para sagkaan ang kanilang kalayaang lumahok sa eleksiyon. Batay sa rekord ng mga party-list, umaabot na sa 130 ang napapaslang sa mga lider at miyembro ng Bayan Muna; higit-kumulang 60 naman sa Anakpawis; at mahigit 30 sa Gabriela.
Pinakamainit na isyu ngayon ang pag-aresto kay Rep. Satur Ocampo dahil sa “gawa-gawang kasong mass murder” na diumano’y nangyari may 20 taon na ang nakalilipas. Nauna rito, ikinulong si Rep. Crispin Beltran noong kasagsagan ng Presidential Proclamation 1017 dahil naman sa kasong “rebelyon.” May nakahanda na ring iba pang kaso ang gobyerno laban kina Rep. Maza at Casiño.
Sa nakaupong mga party-list sa Kongreso, ang Bayan Muna, Anakpawis at Gabriela ang pinakamasugid at walang-pagod na kritiko ng kabulukan at kasamaan ng administrasyon. Nakakapesteng tinik sila sa tagiliran ng Malakanyang. Prente ng komunista?
Lantarang sinasabi ni Sek. Gonzales na gusto niyang matanggal sa Kongreso ang umano’y prenteng mga organisasyon ng mga komunista. Gusto niyang madiskwalipika ang mga ito. Ang mahirap, hindi ito magawa maging ng Cabinet Oversight Committee on Internal Security, ang ahensiya ng gobyerno na may espesyal na misyong lipulin ang mga party-list na “prente ng komunista.”
Unang-una, tumatalima ang inaatakeng mga partido sa mga batas at tuntunin ng sistemang party-list. Sakaling ang mga ito ay may pinaninindigang ideolohiyang Kaliwa, iyon ay naaayon din sa Konstitusyon. Pinapayagan ng Konstirtusyon ang pagtataguyod ng anumang “ideolohiya o plataporma, mga prinsipyo at patakaran para sa general conduct of government.” Ang progresibong mga party-list na target ng gobyerno ay hindi kaylanman nanawagan ng karahasan upang matupad ang kanilang plataporma at programa.
Dahil hindi makuha sa mga taktikang legal, pinupuwersa ng gobyerno na tirahin ang mga ito sa mga taktikang ilegal, gamit pa rin ang mga maniobrang legal.
Hinamon ni Ocampo si Gonzales na maglabas ng patunay na ang partido ng nauna ay prenteng organisasyon ng komunista. Idiniin niya na si Gonzales mismo ay nasa likod ng ilang party-list na hindi kailanman nanalo sa eleksiyon – isang akusasyong ni minsan ay hindi pa sinasagot ng ginoong eskperto sa pagtatanggol ng demokrasya sa Pilipinas.
balik sa itaas | sunod |