Milyones sa kampanya:
Saan nanggagaling, paano babawiin?
Ilang-Ilang D. Quijano
Ang kampanya ay
tila pamumuhunan:
Kailangang may ganansiya. At gaya ng alinmang wais na negosyo, sa milyun-milyong gastos, dapat patung-patong ang kita.
Noong unang dalawang linggo ng kampanya, ang mga nanguna sa paggasta sa patalastas sa telebisyon ay mga miyembro ng Team Unity (bukod sa tatlo), ayon sa Nielsen Media Research. Ito ay sina Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay Jr. (P33.4 Milyon); Senate President Manuel Villar (P30.29 M); Sen. Ralph Recto (P22.79 M); Tessie Aquino-Oreta, Sen. Joker Arroyo at Mike Defensor (mahigit P16 M bawat isa); Loren Legarda (P15.38 M); Sen. Francis Pangilinan (P14.29 M); Sen. Panfilo Lacson (P12.36 M); at Bukidnon Rep. Miguel Zubiri (P10 M).
Dahil halos 90% ng mga pamilyang Pilipino ang may telebisyon, dito ibinubuhos ng mga kandidato ang badyet sa pangangampanya, hindi na baleng umaabot sa P261,000-P347,000 ang presyo ng 30 segundong TV spot sa primetime; at P200,000 hanggang P2 M ang ginugugol sa produksiyon ng isang patalastas. Di patas na laban
Ayon sa Republic Act 9006 o Fair Elections Act, maaari lamang gumastos ng P3 kada botante ang bawat kandidato sa pagka-senador—o P130 M sa tinatayang 40 hanggang 45 milyong botante ngayong taon. Layon ng batas na maging “patas” ang labanan sa halalan.
Ngunit kung titingnan ang halaga ng mga patalastas sa unang dalawang linggo ng kampanya, tiyak na lalampas ang mga kandidato sa gastusing itinatakda ng batas. Maaari rin nilang malagpasan ang 120 minutong airtime sa telebisyon at 180 minuto sa radyo, lalo pa’t inihayag ng Resolusyon 7767 ng Comelec (Commission on Elections) na ang limitasyon sa airtime ay sumasakop sa lahat ng mga istasyon sa TV at radyo at hindi kada istasyon.
Gumagastos din ang mga kandidato sa mga patalastas sa dyaryo (na umaabot sa P150,000 kada pahina) at pag-iimprenta ng mga poster. Iba pang gastos sa kampanya
Ang isang araw na out-of-town sortie ay maaaring magkahalaga ng P500,000 dahil sa transportasyon, akomodasyon, pagkain, entablado at sound system, at mga tauhan.
Nariyan pa ang pasahod sa mga koordineytor sa mga barangay — P5,000 hanggang P15,000 kada buwan depende sa laki ng barangay. Sa araw ng halalan, P500 naman ang bayad sa bawat poll watcher o tagabantay ng boto.
Inaasahan ang mga kandidato sa pagka-senador na mag-ambag sa kampanya ng lokal na mga kandidato. Maaari itong umabot ng P20,000 para sa alkalde at P50,000 hanggang P100,000 para sa kongresista. Naglalaan din ng badyet para sa “espesyal na mga operasyon” o pagbili ng boto, P250 hanggang P500 kada botante.
Kaya kahit may batas para maging “patas” ang laban sa halalan, kulelat ang mga kandidatong walang pera. Ambag: legal at ilegal
Sinasabing dalawa lamang ang pinanggagalingan ng mga kontribusyon sa kampanya — legal at ilegal (o pondo mula sa sugal, droga, ismagling, at iba pang krimen).
Sa loob ng 30 araw matapos ang halalan, kailangang magsumite ang bawat kandidato ng listahan ng mga indibidwal, grupo, at kompanyang nag-ambag sa kanya, at kung magkano. Natural, ang ilegal ay hindi iniuulat. Ayon pa kay Comelec Commissioner Rex Borra, kadalasang understated o pinaliliit sa ulat ang halagang iniambag, o di kaya’y inililihim ang pangalan ng mga nagbigay. Hitik ang kasaysayan ng halalan sa bansa sa mga kuwento ng iligal na ambag sa kampanya. Halimbawa, tumanggap umano si dating pangulong Fidel Ramos ng ambag mula sa mga kontraktor at ismagler sa Freeport Area sa Clark, Pampanga.
ilang kapalit, pinaboran ang mga negosyanteng ito sa bidding. Kabilang naman sa mga batayan ng impeachment ni dating pangulong Estrada ang umano’y ilegal na manipulasyon ng stock market para paboran ang isang nag-ambag sa kanyang kampanya.
Nariyan pa ang paggamit sa mga rekurso ng gobyerno. Ito ang dahilan kung bakit malaki ang bentahe ng mga kandidato ng administrasyon kaysa oposisyon. Matingkad na halimbawa ang P728-M pondo sa abono na pinaniniwalaang ginamit ni Pangulong Arroyo sa kampanya noong 2004. Panahon ng ganansiya
Totoong hindi lahat ng botante ay nadadaan sa paramihan at pabonggahan ng mga patalastas. Patunay nito ang kaso ni Pichay: Kahit numero unong gumastos sa telebisyon, nananatiling mababa ang rating sa mga sarbey. Noong 2004, talo si John Osmeña sa kabila ng malaking gastos sa kampanya.
Anu’t anuman, walang tradisyunal na pulitiko ang nailuklok sa puwesto nang hindi “namuhunan” nang malaki. Ang tanong natin: Sa sahod na P35,000 hanggang P40,000 kada buwan sa tatlo o anim na taon sa Kongreso, paano mababawi ang milyones na ginastos sa eleksiyon?
Sabagay, maraming ganansiya ang maging senador o kongresista — kapangyarihang gumawa at magpawalambisa ng mga batas, magpa-impeach o magpanatili sa pangulo, mang-usig o magpalusot sa mga patakaran at aksiyon ng gobyerno.
Nariyan, siyempre pa, ang milyun-milyong pisong pork barrel. Ayon sa mga pag-aaral, 20% nito ay napupunta sa bulsa ng mga trapo. At siyempre, para sa mga sagadsaring ambisyoso, nariyan ang paggamit ng posisyon para marating ang tuktok ng burukrasya — ang pagka-pangulo.
Kapag nanalo na, umpisa naman ng pangongolekta ng ganansiya. Saan pa ito huhuthutin, kundi sa taumbayan, na walang napala kundi ang masabuyan ng pekeng mga ngiti, pangako, at polyetong masakit ipamahid sa puwet?
balik sa itaas | sunod |