| Isa sa mga sakit na ikinakabit
sa tag-araw – marahil dahil
mainit ang panahon at maalikabok ang paligid – ay ang sore eyes o conjunctivitis. Ito ang pamumula ng conjunctiva, membreyong bumabalot sa ating mata.
Nakakahawa ang sore eyes at hindi lamang ito lumalabas tuwing tag-araw. Puwede tayong magkaroon nito anumang panahon kapag may pumasok na bakterya o maliliit na organismo sa ating mga mata dahil nakuskos natin ang mga ito ng kontaminado o maduming kamay o ng maduming tuwalya o pamunas.
Nagdudulot din ng sore eyes para sa ibang tao ang paggamit ng hindi hiyang sa kanya na make-up, contact lens, false eyelashes o kahit anong abubot na inilalagay sa mata. May mga tao namang nagkakaroon ng sore eyes dahil sa usok, hairspray, sabon, make-up, chlorine o mga likidong panglinis. May ibang tao naman na nagkakaroon ng sore eyes dahil allergic sila sa damo o iba pang bagay tulad ng alikabok.
Hindi dapat basta balewalain ang sore eyes dahil delikado ito laluna sa mga taong mahina o pumapalya na ang immune system at mga taong gumagamit ng contact lens. Sintomas
Ilan sa mga sintomas ng sore eyes ang pangangati, at pamumula ng mata, pakiramdam na may nakapasok na alikabok sa mata, pananakit ng mata lalo na kung sobrang liwanag, pamamaga ng eyelids at pagtutubig o pagmumuta ng mata na nagdudulot ng mahirap na paningin.
Gaano ito tumatagal?
Kadalasang tumatagal ng ilang araw o dalawang linggo ang sore eyes.
Ano ang dapat gawin?
Pinakamainam na patingnan sa klinika ang mata kapag may sore eyes. Sapat na ang pisikal na pagsusuri at hindi na kinakailangan ang eksaminasyon sa laboratoryo kapag may sore eyes. Ngunit kapag hindi agad ito gumaling, kailangan itong pag-aralan ng doktor para maiwasan ang kumplikasyon.
May iba’t ibang paraan ng paggamot sa sore eyes depende sa naging sanhi nito. Maaaring gumamit ng ointment, eyedrops o antibiotic para mapatay ang germ na sanhi ng sore eyes at upang maiwasan ang kumplikasyon. Kung dulot naman ng lagnat o trangkaso ang sore eyes, ipinapayo ng doktor na hayaan na lang kusa itong gumaling. Iba pang maaari nating gawin kapag may sore eyes:
• Maglagay ng cold compress (tulad ng yelong nakabalot sa malinis na tela) sa mata tatlo hanggang apat na beses sa isang araw na tumatagal ng 10-15 minuto upang maiwasan ang pamamaga at pagkairita ng mata
• Palagiang maghugas ng kamay at huwag masyadong hawakan ang mga mata.
• Huwag kuskusin ang mga mata.
• Gumamit ng sun glass kung sensitibo ang iyong mga mata sa liwanag laluna sa sikat ng araw.
• Umiwas sa mga maaalikabok na lugar.
• Itapon na ang lumang make-up, laluna na kung ito ang sanhi ng sore eyes.
• Gumamit ng malinis na unan sa pagtulog. Maaaring palitan ang punda ng iyong unan isang beses kada dalawang araw at baligtarin na lang ang unan sa gabi kung saan ito hindi ginamit noong nakaraang gabi.
• Huwag munang gumamit ng contact lens at siguruhing nalinis ito ng maigi kapag muli nang gagamitin.
Paano maiiwasan ang sore eyes?
• Ugaliing maghugas ng kamay at huwag masyadong hawakan ang mga mata.
• Huwag maghiraman ng tuwalya, pamunas o make-up.
• Gumamit ng goggles o salaming sa swimming o trabaho kapag allergic ang mga mata sa mga kemikal.
• Huwag nang gamitin ang eye drops o ointment na ginamit na nang iba laluna na ang nagkaroon na ng sore eyes.
• Huwag lumangoy sa maduduming tubig
Magpatingin naman sa doktor kapag:
• Lumabo ang paningin gayong magaling na ang sore eyes.
• Sobrang sakit ng mga mata kapag iginagalaw ang mga ito.
• Nagkalagnat.
• Hindi gumaan ang iyong pakiramdam gayong nakapaglagay ka na ng gamot.
• Patuloy pa rin ang pagtutubig ng mga mata gayong wala ka nang sore eyes.
balik sa itaas
|