Taon 6 • Blg 11 • Marso 24, 2007

SPORTS , Marso 15, 2007
Napulitika ba si James Yap?

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
SPORTS

GM ng ahedres pumasok na sa pulitika
Mas mapanganib na ang laro ni Kasparov

BILANG pinakamagaling na manlalaro ng chess (ahedres) sa nakaraang mga panahon, ginamit ni Garry Kasparov ang kanyang likas na talino upang talunin ang kanyang mga katunggali. Ngayon, matapos ang kanyang pagreretiro sa laro, ginagamit niya ito upang subuking gapiin ang kanyang bagong kalaban – si Vladimir V. Putin ng Rusya. Ang taya, aniya, ay ang kahihinatnan ng demokrasya sa Rusya.

Noong nakaraang Marso 3, gumamit siya ng panulat at papel upang “iguhit” ang Uprising Square, isang martsa-protesta na tinatayang bumilang ng 5,000 katao, patungong St. Petersburg. Inilahad niya kung saan naglagay ng malakas na puwersa ang mga pulis, at kung saan sila mahina. Sa mala-ahedres na taktika, nakapili sila ng maaaring daanan, at napasok nila ang St. Petersburg, at nagtagal ang pagkilos ng dalawang oras.

Mahigit 130 ang naaresto sa nasabing pagkilos, ngunit hindi kasama si Kasparov.

Binansagan ni Kasparov si Putin bilang isang diktador na maaaring magdala sa Rusya sa dilim.

Nakabandera ang pangalan ni Kasparov sa The Other Russia, isang grupong oposisyon na binuo upang bawiin ang Kremlin kay Putin sa darating na halalan sa Rusya sa 2008. Inilagay niya na ang kanyang debosyon ay sa pulitika mula nang magretiro siya sa paglalaro ng ahedres noong 2005.

“Hindi tayo lumalaban para magwagi sa halalan sa Rusya, lumalaban tayo para magkaroon ng halalan,” ani Kasparov. “Inaalis na ang salitang ‘eleksiyon’ sa ating pampulitikang bokabularyo ngayon. Proseso na ng appointment ang nananaig.”

Hindi man siya tatakbo sa pagkapresidente, tinutulungan naman niya ang koalisyon sa pagbubuo ng mga kondisyon kung saan maaaring manalo ang isang kandidatong kontra-Putin. Ngunit ito’y babangga sa isang Putin na may mataas na (70-80% ang nakalagay sa artikulo) approval ratings. Debate pa na maaaring galing ito sa mahusay na lagay na ekonomiya ng bansa. Hindi pa ito dahil sa kakaunting Ruso lang ang nakakarinig ng kritisismo kay Putin.

Bukod pa rito, halos walang puwesto ang oposisyon sa parlamento, habang ang mga aktibista at kritiko ay nasasailalim sa panunupil, kung hindi man, sa pagpaslang.

Dagdag pa rito, hindi na natatamasa ni Kasparov ang dating pagtingin ng tao sa kanya. Minsan na siyang binato ng itlog, at pinalo at binasagan ng isang chessboard ng isang matandang babae nang malamang ipinagpalit na niya ang ahedres sa pulitika. (“Suwerte ako,” sabi niya sa panahong iyon “Ahedres ang popular na isport sa Unyong Sobyet, hindi baseball.”)

Ngunit kinatatakutan pa rin siya ng Kremlin sa kanyang determinasyon at karisma ang oposisyon, kung hindi man bilang kalaban sa pagkapangulo.

Nakakakita ang grandmaster ng ilang siwang sa Kremlin, at bibigyan siya ni Putin ng kontra-atake. Naniniwala siyang karamihan ng mga Ruso ay nakakaramdam ng pang-ekonomiyang paghihirap na maaaring pumutok sa anumang oras.
“Kung aakyat ang temperatura, makikita natin ang pagbagsak ng istruktura ng kapangyarihan ng Kremlin. Kailangang kumilos na si Putin at magtalaga ng kapalit, pero isang tao ito na hindi gumawa ng mahirap na desisyon sa buhay niya,” paliwanag ni Kasparov. “Maaaring ikagalit ito ng ibang mga grupo at maglikha ng krisis ang hindi pag-organisa (ni Putin) ng transisyon sa kapangyarihan. Pagkakataon na natin ito.”

Sa ngayon, may kasamang mga bodyguard si Kasparov sa kanyang mga lakad. Ngunit ayon sa kanya, inupahan niya ang mga ito para sa mga manggugulo (hooligans), at hindi para isipin ng punliko na ilang kritiko ng Kremlin ang napaslang na, tulad ng mamamahayag na si Anna Politkovskaya, – na binaril sa Moscow noong nakaraang Oktubre.

“Kung tutugisin ka ng estado,” pagtatapos ni Kasparov, “walang makakapigil sa kanila.”

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006