Taon 6 • Blg 11 • Marso 22, 2007

Editoryal at Opinyon, Marso 15, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO ALAM NYO BA MGA MARETALINONG KANTO

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Paghahari ng kalapastanganan sa katarungan

Ang mahalagang kasiraan ng kalakhan ng sistema ng batas (ng Pilipinas) ay ang pamamayani ng paglapastangan sa katarungan. Ito ay dahil naman sa malaganap na suliranin ng pagiging walang laban ng mga saksi. Ang ibig sabihin ng sitwasyong ito ay, kung gusto mong lumawig ang iyong buhay, huwag kang maging saksi sa kriminal na pag-uusig sa pagpaslang… Sa isang relatibong mahirap na lipunan, na may matinding pagsandig sa komunidad at bahagya lamang na makagalaw ang mga tao, talagang walang laban ang mga saksi kapag ang mga puwersang inaakusahan ng pamamaslang ay, kadalasan, ang mismong may tungkuling pangalagaan ang kanilang seguridad, o kaugnay ng mga puwersang ito.
— UN Special Rapporteur on Extrajudicial Killings, Philip Alston

Si Siche Bustamante-Gandinao, 56 na taong gulang na magsasaka, kasapi ng Bayan Muna at Misamis Oriental Farmers Association, ay manugang ng pinaslang na si Dalmacio “Tatay Daki” Gandinao (tagapangulo ng Bayan Muna sa Misamis Oriental). Siya ay saksing humarap kay Philip Alston, UN Special Rapporteur on Extrajudicial Killings noong Pebrero. Binaril at pinatay siya noong Marso 12 habang naglalakad pauwi matapos mag-ani kasama ang kanyang asawa at mga anak. Limampung metro lamang ang layo ng pinangyarihan ng insidente sa isang detatsment ng militar. Tumalilis diumano ang salarin sa direksiyon nito.

Agad sinisi ni Lt. Col. Bartolome Bacarro, tagapagsalita ng AFP (Armed Forces of the Philippines), ang NPA (New People’s Army): Sinabi niyang si Gng. Gandinao ay nakikipagtulungan sa militar, kaya pinatay ng NPA. Hindi siya nagpalawig o naglahad ng anumang patunay.

Inugali na ng AFP na isisi ang anuman at lahat ng extrajudicial na pamamaslang sa gerilyang hukbong pinapamunuan ng mga komunista. Ang AFP ay hindi lamang “nasa kalagayan ng pagtanggi”, gaya ng pinansin ni G. Alston. Sa anumang pagkakasangkot ng militar o pulisya, may nakahanda nang salarin ang mga heneral ni Gng. Arroyo. Kaya ang kanilang tugon ay simbilis na lang ng isang press release.

Paano nasabi ng tagapagsalita ng AFP na si Gng. Gandinao ay nakikipagtulungan sa militar, gayong ilang linggo lamang ang nakararaan, ang biyenan niya ay pinatay ng hinihinalang mga kasapi ng mga death squad na inutusan ng militar? Tumestigo ang biktima sa kabila ng malaking panganib sa buhay niya sa pagdinig na closed-door na ginawa ni G. Alston sa Cagayan de Oro. Ibinigay ni Gng. Gandinao ang pangalan ng mga lalaking naniniktik sa bahay ni Tatay Daki ilang araw bago ito pinaslang. Sinabi rin niyang binalaan siya ng kanyang biyenan na siya ay nasa “order of battle” ng AFP, kasama ang kapatid na si Divina Bustamante-Tina, na ang ibig sabihin ay nasa “hit list” na silang dalawa ng militar.

Silang halang ang bituka upang manira sa patay nang babae nang hindi kumukurap ang sila ring may kakayahang pumatay nang hindi kumukurap. Ang walang pusong pambabale-wala sa dangal at dignidad ng isang biktima ng pampulitikang pagpaslang – nang lantarang nagsasantabi sa mga datos at bumabaligtad sa katotohanan – ay akmang paglalarawan sa AFP. Na ang Punong Komander nito ay pumapayag na ulit-ulitin ng militar ang kasuklam-suklam na inimbentong kuwentong ito na taliwas sa malinaw na resulta ng kanyang lupon sa pagsisiyasat – ang Komisyong Melo – ay akmang paglalarawan sa administrasyong Arroyo. Pinatatampok ng pagpatay sa isa na namang saksi sa extrajudicial na pamamaslang ang pagiging walang kalaban-laban ng magigiting ngunit tila hangal na mga indibidwal. (Naaalala ko si Marcelino “Ka Marcing” Beltran, presidente ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Tarlac, na nakaligtas at saksi sa masaker sa Hacienda Luisita noong Nobyembre 2004, na pinatay sa kanya mismong tahanan.)

Ayon kay G. Alston, “Ang Witness Protection Program ay kahanga-hanga sa papel. Sa praktika, gayunman, ito ay batbat ng kahinaan at tila epektibo lamang sa iilang kaso. Ang resulta, tulad ng sinabi ng isang eksperto, ay walo sa 10 kaso, o 80%, ang hindi umuusad mula sa inisyal na imbestigasyon tungo sa aktuwal na yugto ng pag-uusig.”

Kaya ang huling anunsiyo ng Korte Suprema na magtatayo ito ng espesyal na mga korte para litisin ang extrajudicial na pamamaslang sa mga aktibista at mamamahayag – na pinuri nang malakas ng Malakanyang – ay tila wala gaanong bisa na mawakasan ang paghahari sa bansa ng kalapastanganan sa katarungan.

Ang militar, pulisya, kagawaran ng katarungan, Komisyong Melo at si Gng. Arroyo mismo ay dumadaing ukol sa diumano’y “kakulangan ng mga saksi” bilang pangunahing rason, kundi man tanging rason, kung bakit hindi sumusulong ang mga imbestigasyon. Nagbubulag-bulagan sila sa kawalan ng tiwala sa gobyerno ng mga pamilya ng mga biktima — na naghihinalang ang mga mamamatay-tao ay mga lalaking unipormado, na ang utak ay mga taong nasa kapangyarihan, at ang napakalinaw na balangkas ay maaaninag sa Oplan Bantay Laya, ang tiwaling programang kontra-insurhensiya ng gobyerno.

Pinagtatakpan nila ang napatunayan nang panganib sa sinumang mangahas na tumestigo, laluna’t laban sa mga ahente ng estado – huwag nang banggitin pa ang kakapusan, kundi man kawalan, ng mga rekurso ng gobyerno para suportahan ang mga saksi at kanilang pamilya. Tahimik sila tungkol sa katotohanang sa bansang ito, walang naparusahan sa mga nang-abuso sa mga karapatang pantao, sa kabila ng pagbagsak ng diktadurang Marcos at ng sinasabing pagbalik ng demokratikong mga proseso at pamamayani ng batas.

Higit sa lahat, hindi nila kinikilala na ang pinakamatataas na papuri at mabilis na mga promosyong ibinigay sa mga tulad ni Hen. Jovito Palparan, kasabay ng tigas-ulong pagtangging maglunsad ng imbestigasyon, ay ang tunay na sukatan ng sinasabing kagustuhan ng rehimeng Arroyo na mapatigil ang pamamaslang.

Kayang itigil ni Gng. Arroyo ang pamamaslang ngayon din, kung gugustuhin niya.

Pinaigsing salin ng orihinal na Ingles na nalathala sa Business World, 16-17 Marso 2007

nauna | balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006