| Ang pagbaba ng tantos ng walang trabaho, pag-unlad nga ba? Mga mare, dapat daw
tayong magdiwang at
magsaya dahil bumaba ang tantos ng kawalan ng trabaho sa buong bansa mula 8.1% noong Enero 2006 tungong 7.8% ngayong taong ito. Sa buong taon ng 2006, ang nabigyan daw ng gobyerno ng trabaho ay isa’t kalahating milyong Pilipino. Doble ito sa 750,000 dagdag sa mga nagkatrabaho noong 2005.
Kaso, kahit na dumoble ang dami ng nagkaroon ng trabaho noong 2006 kumpara noong 2005, hindi pa rin nabawasan ang dami ng Pilipinong naghahanap ng trabaho. Dumami pa nga ang bilang ng mga ito.
Tumaas nga ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa. Kung ang walang trabaho noong Enero 2006 ay 2.837Milyon, ito ay naging 2.850Milyon na pagpasok ng Enero 2007. Ito ay dahil mas marami ng 13,000 ang mga Pilipinong bagong pasok sa puwersang paggawa ng bansa kesa nadagdag na trabaho sa buong taon.
Lumaki rin ng 442,000 ang bilang ng mga may trabahong naghahanap pa ng mapagkakakitaan dahil sa hindi sapat ang kanilang kita sa pangangailangan ng kanilang pamilya (ang mga underemployed).
Sa katunayan, mga mare, pagpasok ng 2007, mahigit sampung milyong Pilipino na ang naghahanap ng trabaho. Samantalang noong Enero 2006, mga 9.6Milyon lamang ang bilang ng naghahanap ng trabaho.
Aba’y wala naman pala tayong dapat ikatuwa’t ipagdiwang. Wala naman palang kahulugan, mga mare, ang ipinagmamalaki ni GMA na pagbaba ng tantos ng kawalan ng trabaho sa bansa. Muli, ating napatunayang binibilog lamang pala niya ang ating ulo sa sinasabi niyang pag-unlad sa buhay ng ordinaryong mga Pilipino!
nauna | balik
sa itaas | sunod |