Taon 6 • Blg 11 • Marso 22, 2007

Editoryal at Opinyon, Marso 15, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO ALAM NYO BA MGA MARETALINONG KANTO

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Puwede po bang magtanong?

Bakit sa tuwing may pahayag kayong mga opisyal ng pamahalaan, sa halip na makapagbigay-linaw ay mas maraming tanong na pumapasok sa isip ng mga mamamayan?

Mayroon ba talagang pag-unlad sa ekonomiya? Paano maipapaliwanag ng mga sinasabing opisyal na estadistika ang mga survey na nagpapatunay na marami pa ring nagugutom at naghihirap?

Mayroon pa bang hustisya sa lipunan? Kung gayon, bakit nangyayari pa rin ang malawakang paglabag sa karapatang pantao, lalo na ang pamamaslang at pagdukot sa mga kritikal sa pamahalaan? Sapat na bang sabihing kasalanan ito ng Communist Party of the Philippines (CPP) na pumapatay sa sarili nitong hanay para pahiyain ang pamahalaan? Paano naman ninyo maipapaliwanag ang ulat ng mga lokal at internasyonal na fact-finding mission na nagsasabing may kinalaman ang mga ahente ng pamahalaan sa mga politikal na pagpatay?

Sa tingin po ba ninyo ay may buting idudulot ang pag-aresto at pagpapakulong noong Marso 16 kay Rep. Satur Ocampo sa salang malawakang pagpatay mahigit dalawang dekada na ang nakaraan habang siya ay nakakulong? Hindi ba’t gusto n’yo lang na matalo ang mga progresibong party-list group tulad ng Bayan Muna kaya itinaon ninyong sa panahon ng eleksiyon makulong si Ocampo?

Bakit ginagawa ninyo ang lahat para maging pabor sa pamahalaan ang lahat ng lumalabas sa midya? Tulad ng pagpatay sa mga aktibista, hindi ba’t napakarami na rin ng mga pinaslang na mamamahayag sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon? Nasaan ang pangako ninyong hustisya para sa mga pinatay? Kung tutuusin, hindi ba’t pabor sa inyong mawala ang katulad nina Edgar Damalerio at Marlene Esperat na pawang kritikal at mahuhusay na mamamahayag?

Ano ba ang nagtulak kay First Gentleman Mike Arroyo na magsampa ng mahigit 40 kaso ng libelo laban sa mga mamamahayag? Kung simpleng pagyurak lang sa kanyang reputasyon bilang pribadong indibidwal ang dahilan, bakit kailangan pa niyang ilagay, halimbawa, na ang kanyang address ay Malakanyang at hindi La Vista, Lungsod Quezon? Tama bang sabihing gusto lang niyang idiing siya ay asawa ng Pangulo at bagama’t wala siyang opisyal na posisyon sa kasalukuyang administrasyon ay isa rin siyang “bigating tao” para sa mga mamamahayag at iba pang taong gustong bumangga sa kanya?

Sa inyong palagay, tama bang hayaan na lang na mabaon sa limot ang napakaraming kontrobersiya nang hindi direktang sinasagot ang paratang ng mga bumabatikos? Hindi ba’t nangyari ito sa pagbasura sa dalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na nakayang gawin dahil karamihan sa mga miyembro ng House of Representatives ay maka-administrasyon? At sa kainitan ng tinatawag na Hello, Garci scandal, hindi ba’t walang pag-amin sina Macapagal-Arroyo at dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Virgilio Garcillano kung boses nga ba nila ang nasa kumalat na audio recording? Natatandaan pa ba ninyo ang mga kontrobersiyang wala pang malinaw na resolusyon tulad ng fertilizer fund scam at overpricing ng Diosdado Macapagal Highway?

Hindi ba’t patunay ang patuloy na negative rating ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ng malawakang diskontento ng mga mamamayan sa nangyayari sa lipunan? At natatandaan pa ba ninyo ang nakaraang survey na nagpakita na mayorya ng mga mamamayan ay naniwalang may dayaan noong 2004 eleksiyon na kung saan si Macapagal-Arroyo ang nanalo (at ang proklamasyon niya ay nangyari habang literal na tulog ang mga mamamayan)? Bukod pa rito, hindi ba’t may isa pang survey ding nagsabing karamihan ng mga mamamayan ay gustong umalis si Macapagal-Arroyo sa Malakanyang?

Sa gitna ng ganitong realidad, may pag-asa pa bang maging malinis ang halalan kahit malinaw sa mga survey na matatalo ang karamihan sa mga kandidato ng administrasyon sa Senado at ang mga progresibong party-list group na inakusahan ninyong prente ng mga komunista ay mangunguna? Totoo bang ang tinututukan ng administrasyon ay hindi ang eleksiyon sa Senado kundi sa House of Representatives? Kung sabagay, hindi ba’t napakahalagang kontrolin muli ng administrasyon ang mayorya ng House of Representatives para masiguradong hindi magkakaroon ng impeachment laban sa Pangulo?

Sabihin n’yo po sana ang totoo: Gagawin n’yo po ba ang lahat para mangyari ito?

Huwag n’yo po sana akong akusahang subersibo. Nagtatanong lang po.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa dannyarao.com

nauna | balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006