Taon 6 • Blg 11 • Marso 22, 2007

Editoryal at Opinyon, Marso 15, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO ALAM NYO BA MGA MARETALINONG KANTO

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Pinilit na pumirma sa kontrata

Mga mambabasa, naranasan na ba ninyong matanggal sa trabaho dahil diumano hindi kayo regular? Ang hindi ba ninyo pagiging regular ay dahil sa isang kontratang inyong pinirmahan? Ang kasong “Rowell Industrial Corporation vs. Court of Appeals and Joel Taripe” (GR No. 167714) na dinesisyunan ng Korte Suprema nito lamang Marso 7, 2007 ay mapagkukunan ninyo ng aral sa bagay na ito.

Nagtatrabaho itong si Joel bilang machine operator sa isang kompanyang gumagawa ng mga lata. Tatlong buwan pa lamang siya rito ay inireklamo na niya ito sa tanggapan ng Labor Arbiter. Hindi raw kasi siya itinuturing na regular na empleyado ng kompanya at hindi binibigyan ng benepisyo sa ilalim ng CBA.

Hindi itinanggi ng kompanyan ang reklamo ni Joel. Ikinatwiran nitong hindi siya regular na empleyado kung kaya hindi nabibigyan ng benepisyo sa ilalim ng CBA. May pinirmahan umano itong si Joel na dokumento na hanggang limang buwan lamang ang kanyang serbisyo. Napilitan umanong kumuha ng dagdag na tao ang kompanya dahil Christmas Season na at dumadami ang umu-order ng lata tuwing magpapasko. Pagdating daw nang panahon at matatapos na ang kontrata ni Joel, tatanggalin din nila ito ayon sa kasunduan.

Binanggit ni Joel na may pinirmahan nga sa kanyang kasulatan ang kompanya noong siya ay nag-aaply pa, pero hindi niya ito naintindihan at hindi siya binigyan ng kopya nito. Sinabi niya na kaya niya ito pinirmahan ay dahil hindi raw siya matatanggap kung wala siyang pirma rito.

Bago nakapagdesisyon ang Labor Arbiter sa kaso ay natapos ang kontrata ni Joel sa kompanya. Agad siyang tinanggal nito sa kanyang trabaho. Dinagdagan naman ni Joel ng kasong illegal dismissal ang kanyang reklamo.

Sa desisyon ng Labor Arbiter, talo si Joel. Pinawalang-bisa nito ang kanyang reklamo dahil sinunod lamang ng kompanya ang kanilang kontrata nang siya ay alisin sa trabaho.

Nag-apela si Joel sa National Labor Relations Commission. Binaliktad naman ng NLRC ang hatol ng Labor Arbiter at ipinanalo si Joel. Hindi nakuntento ang kompanya at inakyat ang kaso sa itaas. Nakaabot ito sa Korte Suprema.

Pinanigan ng Korte Suprema si Joel.

Ang trabaho ni Joel ay bilang isang machine operator, sabi ng Korte Suprema. Walang duda na ito ay mahalaga para sa paggawa ng lata na siyang negosyo o hanap-buhay ng kompanya. Kung gan’un, batay sa Article 280 ng Labor Code, isang regular na empleyado si Joel.

Bagama’t may kontrata siyang pinirmahan, paliwanag ng Korte Suprema, walang nakalagay doon na si Joel ay kinukuha para sa isang partikular na proyekto lamang. Wala ring sinasabi na ang kanyang serbisyo ay hanggang “Christmas Season” lamang. Kung ganun, hindi siya maaaring ituring na “project employee” o “seasonal employee” taliwas sa gustong palabasin ng kompanya.

Pero paano ang kontrata na kanyang pinirmahan? Hindi ba at malinaw doon ang taning ng kanyang pagtratrabaho? Hindi ba at nakasaad doon na siya ay hanggang limang buwan lamang?

Tama ito sabi ng Korte Suprema kung ang nasabing kontrata at malaya at bukal sa loob niyang sinang-ayunan. Ang manggagawa at ang kompanya ay maaring makipagkontratahan nang naaayon sa kanilang kalooban at hindi ito pakikialalaman ng husgado basta bukal sa kanilang loob at walang batas na binabangga.

Ngunit sa kasong ito, kitang-kita na napilitan lamang pumirma sa kontrata si Joel. Ang sabi sa kanya ng kompanya, hindi siya tatanggapin kung hindi niya pipirmahan ang nasabing kontrata na tanging ang kompanya lamang ang may gawa. Sa isang hirap na sa kahahanap ng trabaho, kahit ano ay kanyang pipirmahan makapasok lamang dito. Ang taong gipit, ’ika nga, kahit sa patalim kumakapit.

Alam ng kompanya na nagigipit si Joel kung kaya nila pinapirma ng nasabing kontrata. Ang layunin ng nasabing kontrata ay para sagkaan ang kanyang karapatang maging regular sa trabaho. Ito ay hindi pinapahintulutan ng batas, ayon sa Korte Suprema.

Dahil sa walang bisa ang kontrata, isang regular na empleyado itong si Joel. Hindi siya maaaring tanggalin ng walang sapat na dahilan. Dahil rito, dapat siyang ibalik sa trabaho at bayaran ng kanyang back wages, utos ng Korte Suprema.

balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006