Taon 6 • Blg 11 • Marso 22, 2007

Editoryal at Opinyon, Marso 15, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO ALAM NYO BA MGA MARETALINONG KANTO

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
EDITORYAL

Kapalpakan at Kainutilan

NANG nalathala kamakailan ang sarbey ng PERC (Political and Economic Risk Consultancy) na nakabase sa Hong Kong at lumitaw na sa 13 bansa sa Asya, nangunguna ngayon ang Pilipinas sa katiwalian o korupsiyon, agad na nanggalaiti si Presidente Gloria Macapagal-Arroyo, gayundin ang kanyang mga tambolero tulad nina Sekretaryo Eduardo Ermita, Ricardo Saludo at Ignacio Bunye.

Natural, dahil may pabrika naman sila ng mga dahilan, tinangka nila itong pasinungalingan. Batay diumano sa lumang mga datos ang sarbey at, dahil malaya daw sa pagbabalita ang “media” sa Pilipinas, di tulad sa Vietnam at Tsina, kaya nakikita at ipinalalagay ng mga negosyanteng tinanong sa sarbey na talamak ang katiwalian dito. Ibig pa nilang ipahiwatig na baka malala pa ang katiwalian sa Vietnam at Tsina pero naitatago dahil hindi malayang naibabalita.

Higit na masama, binigyang-diin pa ng kasalukuyang rehimen na “ginagawa” nito ang lahat para masupil at malunasan ang “kultura ng katiwalian” lalo na nga sa burukrasya. Sinabi pa ni Bunye na “tingnan ang mga rekord” ng Ombudsman at PCGG (Presidential Anti-Graft Commission) para makita ang pagsisikap ng gobyernong labanan ang katiwalian nang, sa gayon, “maibalik ang pagtitiwala ng sambayanan sa katatagang pampulitika’t pang-ekonomiya” ng bansa.

Makikita nga sa mga rekord na iyon na mga kakaning-itik ang naparurusahan lamang. Pinakamalaking isda na marahil ang apat na alkalde at isang hukom sa talaan ng mga naparusahan. Paano na ang mga kasangkot sa maanomalyang kontrata ng Mega Pacific sa Komisyon sa Eleksiyon o Comelec na, kahit sinabi ng Korte Suprema na ilegal iyon, ibinasura naman ng Ombudsman nang malaon ang kaso?

Sa kabilang banda, paano na ang iba pang personalidad sa likod ng maalingasaw na mga transaksiyon tulad ng Piatco, Macapagal Blvd., Venable LLP, Northrail, P786-M pondo sa pataba (fertilizer scam), P419-M pondo ng CARP (Comprehensive Agrarian Reform Program) na, batay sa ulat ng Komisyon ng Awdit o COA, ay nilustay lamang sa marangyang pagkain, damit, mamahaling mga telepono, hindi kailangang mga paglalakbay at iba pang kapritso ng mga opisyal ng DAR (Dept. of Agriculture) at DENR (Dept. of Environment & Natural Resources)?

Paano na ang mga opisyal ng DPWH (Dept. of Public Works & Highways) na may kinalaman sa P120-M na ibinili ng ikinabit na pandekorasyong mga poste’t ilaw sa mga siyudad ng Cebu, Mandaue at Lapu-lapu nang idaos kamakailan ang pulong ng ASEAN o organisasyon ng mga bansa sa Timogsilangang Asya na, batay sa mga ulat, mga 2,000 porsiyento diumano ang idinagdag sa tunay na presyo? Paano na ang anim na kaso ng katiwalian ng hepe ng NPO (National Printing Office) na nililimliman ng Ombudsman dahil kapatid ni Gob. Ben Evardone ng Silangang Samar, direktor sa publisidad ng Team Unity ni La Gloria?

Higit sa lahat, paano na ang maimpluwensiya’t makapangyarihang mga salamangkero sa pondo ng bayan, mulang Malakanyang hanggang Kongreso at iba pang pangunahing mga sangay ng gobyerno? Ibilang na rin sa mga nabanggit – na isa rin namang katiwalian – paano na ang mga kasangkot sa hindi makalimut-limutang “Hello, Garci?” Maparurusahan marahil sila sa usad-pagong na mga hukuman. sabi nga, “pagputi ng uwak at pag-itim ng tagak.”

Sabagay, hindi lamang sa mga kaso ng katiwalian kilalang-kilala na ang umiiral na rehimen sa mga palusot at paglulubid ng buhangin. Nariyan ang dispalinghadong mga palusot nina Sekretaryo Raul Gonzalez ng Katarungan at Norberto Gonzales, tagapayo ni La Gloria sa pambansang seguridad, gayundin ang mga opisyal ng militar tulad nina Hen. Hermogenes Esperon, hepe ng estado mayor ng AFP, Hen. Benjamin Dolorfino, hepe ng AFP sa Kamaynilaan, at iba pang mga kauri nila, tungkol sa kaugnayan ng mga puwersa ng gobyerno – lalo na ni retiradong Hen. Jovito Palparan — sa hindi malutas-lutas na mga pagpatay na pampulitika. Pilit pa nga nilang pinasisinungalingan ang resulta ng mga ulat ng Komisyong Melo at ni Philip Alston ng UN (United Nations) sa bagay na ito at, higit sa lahat, kinukuwestiyon pa nila ang pagdinig ng Senado ng Estados Unidos sa naturang malagim na mga kaso’t tandisang pagsalaula sa mga karapatang pantao.

Sa kabila ng mga nabanggit, lumilitaw na ipinagkikibit-balikat lamang ni La Gloria ang lahat-lahat ng mga kritisismo’t naghuhumindig na mga katotohanan o reyalidad sa ilalim ng kanyang mapanikil at militaristang liderato. Idinuduyan sa ilusyon ang sambayanan, ipinangalandakan pa niya kamakailan na “walang makapapantay sa Pilipinas sa disiplina sa pananalapi” at “sa buong mundo, nakakaagapay tayo sa lahat ng aspeto ng katatagang pampulitika’t pang-ekonomiya, itinataguyod ang kapakanan ng sambayanan, pinalalawak ang demokratikong espasyo at nilalabanan nang husto ang anumang banta ng terorismo.”

Matatandaan, nangarap pa si La Gloria noon, at nangangarap pa rin – tulad ng maraming pulitikong puro pangarap para sa bayan, lalo na sa panahon ng eleksiyon, ngunit milagrong may matupad – na dadalhin niya ang Pilipinas sa mundo ng mauunlad na bansa o First World pagdating ng 2020. Pero, sabi nga, hindi masama ang mangarap, at masarap mangarap kung malaki ang posibilidad na matutupad. Ang hirap, batay sa umiiral na reyalidad ng lipunan sa ilalim ng naghaharing rehimen, ayaw aminin at kilalanin ng mga makapangyarihan ang sagradong mga katotohanan, gayundin ang mismong mga kapalpakan at kainutilan, para lubusang mapalaya ang bansa sa kabusabusan at kawalang-katarungan.

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006