Gil Lebria, inspirasyon sa mga OFW
Pinoy na binugbog,
panalo sa kaso
PW Taiwan
Nakamit din, sa wakas, ng
isang migranteng Pilipino
sa Taiwan ang hustisya. At maraming aral ang makukuha sa kanyang karanasan.
Nanalo si Gil Lebria sa kanyang hablang kriminal laban sa mga broker na sina Tsai Gou-Sheng at Tsai Gui-Rong ng Ever Sun/ATV noong Nobyembre 2006. Ang dalawa ay sinintensiyahan ng Yun Lin District Court ng tig-limang buwan sa kulungan. Puwede na ngayong magsampa ng kasong sibil si Lebria laban sa dalawa para makakuha siya ng bayad-pinsala.
Si Gil at lima pang OFW (Overseas Filipino Workers) ay binugbog ng mga tauhan ng Formosa Plastics Corporation sa Mailiao, Yun Lin County noong Agosto 2, 2005 matapos nilang ipagwagi ang kanilang welga noong Hulyo 14-15, 2005. Binugbog na nga, sapilitan pa silang pinauwi, kasama ng 10 pang OFW. Maliban sa panalo ni Lebria sa Taiwan, nanalo rin ang kaso niya at ng iba pa niyang kasamahang nabugbog, sa POEA (Philippine Overseas Employment Administration) at NLRC (National Labor Relations Commission) noong Hulyo at Agosto 2006. Nasuspinde ang Dynamic Int’l. Services. Corp. at pinagbayad ito ng P103,000 at karagdagang 12% interes kada taon dahil sa overcharging ng placement fee. Nagdesisyon din ang NLRC na dapat bayaran sina Lebria ng NT$95,040 dahil sa pagkawala ng trabaho at pati ng halaga ng cell phone na kinumpiska ng dalawang Taiwanese na nambugbog sa kanila.
Tanging si Lebria ang nakabalik sa Taiwan para magsampa ng kaso dahil sa tulong ng Migrante Sectoral Party – Taiwan Chapter, Asia Pacific Mission for Migrants at mga Taiwanese na NGO (non-government organizations). Kabilang sa mga tulong ang pagkuha ng kanyang visa, pamasahe papuntang Taiwan, tirahan at sustento habang hinahanap niya ang kanyang kaso sa loob ng anim na buwan.
Hindi napabilang sa kaso ang ibang biktima dahil sa di-pagtupad ng Department of Foreign Affairs na pabalikin sila sa Taiwan. Wala silang nakuhang anumang benepisyo ng tagumpay ni Lebria.
Naugnayan din ni Lebria ang dati niyang mga kasamahan sa kompanyang pinagtrabahuhan sa Taiwan. Dahil dito, itinuloy nila ang kanilang laban at nakapaglunsad pa sila ng apat na welga sa loob ng sampung buwan. Kabilang sa kanilang nakamit ay ang pagpapawalambisa sa allowance system at karapatang makuha nang buo at mai-remit ang kanilang suweldo; at exemption sa broker’s fee hanggang wala silang absent. Sila pa lamang ang nakapagpapanalo ng mga ito sa buong Taiwan.
Bunga ng pambubugbog, napilitan ang Council of Labor Affairs na maglagay ng complaint center sa airport. Matagal na itong hinihingi ng mga NGO sa Taiwan.
Ipinamalas ng kaso ni Lebria at ng kanyang mga kasamahan na ang mga migranteng Pilipino ay puwedeng manalo sa korte at pati na rin sa POEA at NLRC kung sila’y sama-samang kikilos para ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Hindi lamang sa mga ahensiyang ito nakipaglaban si Lebria, kundi pati na rin sa kompanyang Taiwanese. Bunga noon, ang tagumpay sa nasabing kompanya ay tinamasa ng 5,000 migranteng Pilipino at Thai.
Ngayon, si Lebria ay nagtratrabaho sa isang refinery sa Kuwait. Ipinagpapatuloy niya doon ang pag-oorganisa at pagtulong sa mga OFW.
balik sa itaas | sunod |