Sa kaso ni Ka Satur
Kamara walang maitutulong
Angel L. Tesorero
Hindi makakapagbigay ng
kustodiya ang Kamara para
sa nakakulong na si Bayan Muna Rep. Satur Ocampo dahil wala umanong sesyon ang Kongreso, ayon kay Prospero Nograles, lider ng mayorya sa Kamara.
Ayon kay Nograles, hindi maaaring makialam ang pamunuan ng Kamara sa kaso ni Ocampo kaya bahala na ang bawat kongresista na personal na umakto kung paano nila matutulungan ang militanteng kongresista. Nangako na lamang si Nograles na bibisitahin niya si Ocampo ngayong linggo.
Noong nakaraang taon, ilang linggong nanatili ang militanteng mga kongresistang tinaguriang “Batasan 5” sa Kamara upang hindi sila arestuhin sa salang rebelyon. Si Sorsogon Rep. Francis Escudero, lider ng minorya, ang naghain ng resolusyon tungkol rito na inapruhan ng mga kongresista sa isang plenaryo.
Nanawagan naman si Sen. Ralph Recto, kandidato ng Team Unity sa pagkasenador, kay Espiker Jose de Venecia na ilipat si Ocampo sa Batasan sa halip na manatiling nakakulong sa presinto ng Manila Police District.
Sinabi pa ni Recto na habang ginigipit ng gobyerno ang partidong Bayan Muna, lalo lamang lalaki ang botong makukuha nito sa darating na eleksiyon. Lumabas sa pinakahuling sarbey ng Pulse Asia na numero uno na naman ang Bayan Muna sa halalang party-list.
“Kung ako sa gobyerno, hindi ko gigipitin si Ocampo dahil kung ang nais nito’y maalis siya sa Kamara, lalo lamang nitong binibigyan ng libu-libong boto ang Bayan Muna,” ani Recto. Dismayado naman si Bayan Muna Rep. Teddy Casiño sa kawalang aksiyon nina De Venecia at mga lider ng Kamara.
“Susi si De Venecia (sa pagtulong kay Ka Satur). Ang nakakalungkot pa, hindi man lang nabibisita nina De Venecia si Ka Satur. Hindi man sila magpakita ng suporta, ang pinakamababa na nilang magagawa ay ang bisitahin ang isang kongresistang nilapastangan ang mga karapatan.”
Inaresto si Ocampo Biyernes noong nakaraang linggo habang naghahain ng petisyon para sa TRO o temporary restraining order sa Korte Suprema para sa inilabas na mandamiyento de aresto ni Judge Ephrem Abando ng Leyte Regional Trial Court Branch 18 bunsod umano ng 15 kaso ng pamamaslang na isinagawa ng NPA o New People’s Army, 22 taon na ang nakakaraan.
balik sa itaas | sunod |