Ang mga nasa posisyon sa telebisyon
U.Z. Eliserio
Sa simula ng ikalawang bahagi ng
pelikulang Full Metal Jacket, ipinakita
ang isang papalapit na babae. Ang
mata ng camera, at kung gayon, ang mata ng manonood, ay unang pumokus sa mga paa ng babae, pagkatapos sa mga binti, pagkatapos sa buong katawan, sa huli isinama pati ang mukha. Saka pa lamang natin maiintindihan ang nangyayari sa pag-zoom out ng camera at pagpapakita ng buong eksena. Puta ang babae at papalapit s’ya sa dalawang sundalong Amerikano. Isa na namang karaniwang araw sa gitna ng giyerang Vietnam-Amerika. Ang mahabang paglalarawang ito’y para lamang ipaliwanag ang katotohanang hindi lang natin pinapanood ang isang pelikula. Inilalagay tayo ng pelikula sa posisyon ng titingin sa katawan ng babae, sa posisyon ng dalawang Amerikano, sa posisyon ng heterosexual na lalake. Ang manonood ay nililikha ng pinapanood.
Hindi lang pelikula kundi lipunan, ang espesipikong mga operasyon ng lipunan, ang naglalagay sa atin sa espesipikong mga posisyon. Ganito ang isang gamit, ayon sa pilosopong si Antonio Gramsci, ng hegemoniya: hindi man natin naiintindihan kung paano ang pasikut-sikot ng ekonomiya at pulitika, mayroong nasa posisyon na umintindi para sa atin. Inaagaw sa atin ang posisyong ito, at dahil nga meron nang nasa posisyong umintindi na tumatayo para sa atin, inaabandona natin ang posisyong ito.
Halimbawa ang isang manggagawa sa pagawaan ng manika. May tagakabit ng buhok, may tagasuot ng sapatos. Ang nakikita lang ng tagakabit ng buhok ay ang kanyang pagkabit ng buhok, hindi n’ya alam kung paano magkabit ng sapatos. Hindi lang iyon, hindi n’ya nakikita ang kabuuan ng sistema. Dahil s’ya ay nasa posisyon ng pagkabit ng buhok lamang, hindi n’ya nakikita na walang manika kung wala s’ya, na walang kita kung wala s’ya, na walang halagang malilikha kung wala s’ya, na wala ang sistema kung wala s’ya. O, isipin na lang ang isang nanonood ng telebisyon, ng Wowowee o Eat Bulaga. Nasa posisyon s’ya ng panonood, at sina Willie Revillame at Vic Sotto ang nasa posisyong magbigay ng pera. Ngunit ang nakakalimutan ng manonood ay walang perang maipamimigay sina Willie at Vic kung walang pagpopondo ng advertisers, ng mga kompanya. At wala ang pera mula sa mga palatastas kung walang manonood. Inilalagay tayo ng istruktura ng kapitalismo sa posisyon ng kahinaan, samantalang tayo naman talaga ang malakas. Tayo ang dapat nasa posisyon ng kontrol, ngunit inaagaw ito sa atin, araw-araw.
Maikukumpara natin ito sa pagpapaliwanag ng pilosopong si Slavoj Zizek sa canned laughter sa mga komeding palabas sa telebisyon. Ngayon, ang silbi ng komedi’y patawanin tayo, at ang manonood ang dapat matawa, pero ang gamit ng canned laughter ay ang okupahin ang posisyon ng tumatawa. Meron nang tumatawa para sa atin. Sa counter ng mga fast food restaurant sa Pilipinas, makakakita tayo ng mga lata ng Bantay Bata o Caritas. Konting barya lang, sabi ng mga lata, at malaking tulong na. Hindi mo na kailangang tumulong, meron nang tutulong para sa ‘yo. May tumatayo na sa dapat nating lugar: hindi na tayo ang nasa posisyong umintindi, hindi na tayo ang nasa posisyong tumawa, hindi na tayo ang nasa posisyong tumulong.
Punto ng mga awtor ng The Anti-Development State na sa eleksiyon sa Pilipinas, walang kandidato mula sa hanay ng maralita ang maaaring tumakbo bilang presidente. Dahil sa istruktura ng pulitika at ekonomiyang Pilipino, kinakailangan ng sandamukal na pera para tumakbo bilang meyor, representatibo, senador o presidente. Kung gayon, inilalagay tayo ng istruktura mismo sa posisyon ng pagpili sa iilang mayaman para mamuno sa atin. Dahil sa istruktura, wala tayo sa posisyong itakda ang ating kinabukasan. Ang istruktura ang lumilikha ng tao. Kung gayon, hindi na tayo binibulag ng ideolohiya sa reyalidad, ang reyalidad na mismo ang ideolohikal.
Sa ganitong paraan, maiintidihan nating ang political ads sa telebisyon ni Prospero Pichay. May batang magsasabi: “Pangarap kong kumain ng masarap at masustansiya.” May drayber na magsasalita: “Pangarap kong wala nang kotong sa lansangan.” Lalabas si Pichay at idedeklara: “Pangarap kong tuparin ang mga pangarap n’yo.” Sa istruktura ng pulitika at ekonomiyang Pilipino, hindi tayo ang nasa posisyong tumupad ng ating mga pangarap. Madali na ang konklusyon: kailangang wasakin natin ang istruktura upang maibalik ang ating mga sarili sa posisyong dapat tayo ang umookopa: pag-intindi, pagtawa, pagtulong, pagtakda ng ating tadhana.
Si U.Z. Eliserio ay guro sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas sa UP Diliman.
balik sa itaas
| sunod |