Taon 6 • Blg 11 • Marso 22, 2007

SURING BALITA, Marso 15, 2007
Maruming maglaro ang gobyernong Arroyo – BM Rep. Satur Ocampo
Ka Bel sa Comelec; BM, AP at Gabriela sa unahan ng magwawagi

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
SURING BALITA

Ang PTC at ang ‘nagbabagong kultura’
ng halalan sa bansa

PABUGSO-BUGSO ang ulan sa probinsiya ng Sorsogon.Bagaman umiinit minsan, walang puknat ang pagsampal ng hangin sa niyugan. Dulo na ng Pebrero, pero alanganin pa rin kung mananatili ang taglamig, o kung sasapit na ang tag-araw. Gayunman, sa lugar na ito, tulad marahil sa bawat lugar ng Pilipinas ngayon, ang tunay na lagay ng panahon ay di makikita sa lakas ng hangin, sinag ng araw o temperatura. Nakapaskil ito sa mga dingding. Nakasabit sa poste’t puno. Nakabuyang-yang sa kalsada.

Panahon na ng eleksiyon.
Samantala, sa kabundukan ng probinsiya, malayo sa makukulay na karatula’t bandera na nakaladlad sa haywey, abala rin ang rebolusyonaryong kilusan. “Paligsahan” man ng tinaguriang mga “naghaharing uri” ang eleksiyon sa lipunang Pilipino, batid ng naturang kilusan ang pangangailangang ipamalas ang “pampulitikang kapangyarihan” nito sa panahong ito. “Bulok” man ang sistema at walang makabuluhang pagbabago ang mapapala ng bayan sa halalan, desidido ang mga rebolusyonaryo na gamitin ang pagkakataong ito para lalong makapagpalawak ng hanay, makapagpasulpot ng rekurso para sa rebolusyon.

Isa si Ka Sergio sa mga itinalaga ng naturang kilusan sa mga gawaing may kaugnayan sa “burgis” na halalan. At bagaman sa gitna siya ng gubat nakadestino, kaliwa’t kanan ang appointment niya. “Ang ibang pulitiko, matagal nang nakipag-usap sa akin, noong nakaraang taon pa,” pagtatapat niya nang kapanayamin ng PINOY WEEKLY. “Pero marami pang dapat kausapin.”

Halos 390 ang kandidato sa Sorsogon tuwing halalan. Mula gobernador hanggang sa mga opisyal sa munisipalidad. Halos lahat sila, ayon kay Sergio, ay nagkukumahog na makipag-usap sa kilusan.

‘Hindi simpleng permiso’
“Dalawa ang taktika namin sa paglahok sa eleksiyon,” paliwanag ni Sergio. “Una, ang paglalantad sa kabulukan ng eleksiyon. Nagagawa ito sa pakikipag-usap sa masa. Pagpapaliwanag sa tunay na katangian ng eleksiyon bilang ‘paligsahan’ ng mga naghaharing uri. Pangalawa, ang paggamit sa eleksiyon bilang pagkakataon para makinabang ang rebolusyon.”

Sa madla sa lungsod, mas kilala ang patakarang ito ng NPA (New People’s Army) bilang permit to campaign o PTC. Para sa AFP (Armed Forces of the Philippines), isang paraan ito ng “pangingikil” diumano sa mga pulitiko at negosyante na panustos ng isang kilusang naglalayong pabagsakin ang gobyerno. Nitong nakaraang halalang 2004, ikinampanya na rin ng grupong Akbayan ang paglaban sa PTC. Inireklamo nila ang naturang gawain, laluna’t hindi sila makapangampanya sa mga lugar ng NPA dahil ayaw nilang humingi ng “permiso” at binabansagan silang persona non grata (hindi katanggap-tanggap) sa naturang mga lugar.

Ngunit kung tutuusin, ayon kay Sergio, ang PTC ay isang paraan lamang ng pagpapakita ng pampulitikang kapangyarihan ng kilusan. “Tuwing eleksiyon, ang nais lamang ng mga pulitiko ay gamitin ang boto ng organisado nating masa. Kaya nga, isang paraan ang PTC ng pagprotekta sa ating kinikilusang mga mamamayan mula sa pagsasamantala ng mga pulitiko.”

Tumampok sa publiko ang PTC bilang paraan ng “pagbubuwis” sa mga kandidato ng NPA. Pero para kay Sergio, mas higit pa rito ang PTC. Sa pakikipag-usap sa mga pulitiko, patakaran ng NPA na alamin muna ang bakgrawnd nila: Ano ang paninindigan nila sa mga isyu (mula mga usaping pambansa, tulad ng Charter Change, hanggang sa mga usaping lokal, tulad ng pagmimina sa Matnog, Sorsogon). “Binabalikan din namin ang mga nagdaang pahayag nila: Nagsabi ba sila ng masama at hindi totoo hinggil sa kilusan at rebolusyon? Pumabor ba sila sa militarisasyon? Mahalaga ito sa aming panimulang pagsusuri sa paninindigan ng mga pulitiko,” ani Sergio.

“May mga pagkakataong sa panimulang pagsusuri pa lamang, batid na namin ang pagiging sagad-sagaring reaksiyunaryo at militarista ng isang pulitiko. Kapag nangyayari ito, idinedeklara agad namin siya bilang persona non-grata.”

Paliwanag pa ni Sergio, walang katotohanan ang balitang ikinakalat ng AFP na nangongolekta ang NPA ng bayad para sa permit to win, bukod sa PTC. Aniya, hinding- hindi ginagawa ng NPA na mangampanya sa kanilang “baseng masa” para sa isang kandidato. Hindi sila lalahok sa ehersisyo ng halalan sa ganoong paraan. Ang PTC ay para lamang sa pagpasok ng mga kandidato sa teritoryo ng NPA, hindi garantiya na ieendorso o ikakampanya ng mga rebelde ang mga kandidato.

‘Maayos na pakikipag-usap’
Ginagawa ang pagkausap sa pulitiko sa mismong sonang gerilya ng NPA. Mismong mga kandidato ang kumakausap sa mga emisaryong tulad ni Sergio. “Malaking bahagi ng pag-uusap ang hinggil sa mga paninindigan niya,” ani Sergio. Pagdating sa usapin ng bayad upang makapangampanya, bukas ang NPA sa negosasyon.

“May general rates tayo sa bawat posisyon, pero bukas na bukas ito sa negosasyon,” paliwanag ng rebelde. “Kung wala talagang pambayad, hindi natin pinipilit. Ang nangungunang layunin natin ay makabig sila sa pulitika.” Tutal, madali lang naman umanong malaman ng NPA kung may kakayahan nga ang sinumang pulitiko na magbayad: pampublikong kaalaman ang kabuhayan niya, mga pag-aari, mga koneksiyon.

“Minsan, kapag walang pera, tinuturuan pa naming dumiskarte. Halimbawa, kung wala siyang personal na pondo, pinapayuhan naming kumuha ng pondo sa kanyang partido. Tutal, di naman niya pera iyon. Madalas na perang kinurakot iyon,” sabi pa ni Sergio. Kalimitang payo ito ng NPA sa mga kandidatong sinusuportahan ng malalaking partidong tulad ng Lakas, Nationalist People’s Coalition, LDP, atbp.

“Sa negosasyon, pagkakataon din para hikayatin natin sila na tumindig nang progresibo at maka-mamamayan sa mga isyu,” dagdag pa ni Sergio.

Ikinuwento pa niya ang tungkol sa isang kandidato sa Sorsogon na dating opisyal ng militar. Dahil sa pagiging sagad-sagaring pasista noong aktibo siya sa militar, STK (shoot to kill) ang istatus niya sa NPA. Pero nang maging pulitiko na siya at nakiusap sa mga rebelde, iminungkahi ng NPA na humingi siya ng tawad sa publiko sa mga krimen niya noong militar pa siya. Dahil sumunod naman siya, iniatras ng NPA ang sentensiya sa kanya. Ngayon, ang retiradong opisyal-militar na naging pulitiko ay nakikipagnegosasyon para sa permisong makangampanya sa mga teritoryo ng mga dati niyang kalabang mortal.

May ilang tagubilin ang mga rebelde sa pagpasok ng mga kandidato sa teritoryo nila: Bawal manira sa kilusan; bawal mag-espiya; huwag na huwag manakot ng masa; at mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok ng armadong mga goon. Puwede lang umanong magpasok ng bodyguard para sa sariling proteksiyon, pero di para manakot ng botante. Pati ang baril ng mga bodyguard ay kailangang irehistro sa NPA.

Sa mga nabibigyan ng permiso, ani Sergio, patuloy ang pagmonitor ng NPA sa kanilang kampanya. Matapos ang halalan, tuloy pa rin ang pagsubaybay ng mga rebelde sa mga pulitiko: Tinupad ba nila ang mga ipinangako noong negosasyon? Naging mas progresibo ba sila sa mga isyu? Itinigil ba nila ang mga gawaing nakakasama sa mga mamamayan?

“Nagbabago ang istatus ng mga pulitiko sa mata ng NPA, depende sa kung paano nila tinutupad ang kanilang mga pangako. Kung sa panahon ng eleksiyon ay nakakuha sila ng permiso para mangampanya sa teritoryo ng kilusan, pero naging militarista pagkatapos, makakaapekto iyon sa pagkuha nila ng permiso sa susunod na halalan,” paliwanag pa ni Sergio.
Para kay Sergio, malaki ang naitutulong ng PTC sa pagbabago sa kultura ng pulitika sa Sorsogon magmula nang unang ipatupad ang patakaran noong 1995. “Sa karanasan namin, bumuti ang ilang pulitiko matapos makipag-usap sa NPA.

Naniyutralisa ang ilang sagad-sagaring kontra-rebolusyon. Marami rin ang nahatak sa mas progresibong mga paninindigan... Ngunit sa kabuuan, hindi natin iniaasa sa eleksiyon ang pagbabago ng lipunan. Ang importante ay patuloy tayong nagpapalawak. Kahit sa mga miyembro ng naghaharing uri, nagsisikap tayong manghikayat.”

‘Walang aamin’
Hinihikayat ng AFP (Armed Forces of the Philippines) ang mga kandidato na huwag magbayad ng PTC sa NPA. Noong Enero, bago magsimula ang kampanya sa pambansang halalan, sinabi ni AFP Chief of Staff Hermogenes Esperon, mistulang pagsuporta sa pagpapabagsak ng gobyerno ang PTC, kung kaya binabalaan niya ang mga pulitiko na mananagot sila sa batas kung patuloy na magbabayad sa mga rebelde.

“Hindi tayo tapat nagbabayad ng buwis sa isang armadong grupo na nais mangikil ng pera sa taumbayan, sa mga kandidato. Nananawagan ako sa mga kandidato na huwag magbayad ng campaign fees sa NPA,” pahayag ni Esperon.

Noong nakaraang buwan, ibinunyag ni Capt. Lowen Gil Marquez, kumander ng Civil Relations Unit ng AFP sa Kabikulan, na nakakuha diumano sila ng mga dokumento ng CPP na naglalaman ng lista ng mga pulitiko na nagbayad diumano ng PTC. Nakuha diumano ang mga dokumento sa mga engkuwentro sa NPA sa Camarines Sur at Sorsogon.

Ayon kay Marquez, nilalaman rin diumano ng isang dokumento, na pinamagatang “Election 2007, CPP-NPA-NDF Perspective” ang mga sinusuportahang kandidato at grupong party-list ng NDFP (National Democratic Front of the Philippines) at ng konsultant nito na si Prop. Jose Maria Sison.

Tumanggi si Marquez na ibunyag ang pangalan ng mga pulitikong nagbabayad sa PTC. Gayunman, sinabi niyang nakasaad din diumano sa dokumento na tinatayang P7.73-Milyon ang kikitain ng NDFP sa bawat probinsiya sa Bikol dahil sa PTC. Sinabi pa ni Marquez na aabot sa P92.8-Milyon ang target na mokokolekta ng NPA sa Bikol ngayong halalan.

Maaring maikumbert ang naturang halaga sa humigit-kumulang 57 milyong ripleng M-16, ayon pa kay Marqez.

Naiintindihan ni Sergio ang hindi pag-amin sa publiko ng mga kandidato ukol sa pagsailalim nila sa PTC. Ilegal sa batas ng gobyerno ang armadong rebolusyon ng NPA, at anumang suportang ibinibigay nila sa NPA ay ilegal din. “Ayaw rin nating mapag-initan sila ng militar,” sabi ni Sergio.

Sa panayam ng PINOY WEEKLY sa dating alkalde ng Lungsod Sorsogon na si Fernando Duran, inamin niya na kailangan ng mga kandidato na magpasailalim sa PTC kung talagang nais nilang manalo sa halalan. “(Ngunit) sa tingin ko, walang kandidato ang aamin. Maaaring aminin nilang hinihingan sila, pero ‘yung amining nagbibigay sila sa NPA, mahirap siguro. Maiimbestigahan ka ng militar o gobyerno sa pagsuporta sa pagpapabagsak sa gobyerno,” ani Duran.

Sinabi ni Duran, na naging punongbayan mula 1988 hanggang 1998, na hindi niya naabutan ang patakarang ito ng NPA nang aktibo pa siya sa pulitika. Gayunman, “Hindi mo masisisi ang mga kandidato kung magpapasailalim sila diyan (sa PTC)... Kung wala kang akses sa mga lugar (ng NPA), siguradong dehado ka.”

Kung sakaling tatakbo siya at paiilalim sa PTC, ani Duran, maaaring humingi siya ng konsiderasyon sa NPA. Tanggap niyang may mataas na panuntunan ang NPA sa pagkilatis sa mga pulitiko. “Kung tatakbo man ako, tingin ko, di nila ako tatanggihan base sa dating performance ko... Patunay nito ang track record ko. Hindi ko sinamantala ang posisyon ko,” aniya.

“Senyales ito ng pagbabago ng panahon,” pagtatapos ni Duran.

Sa patuloy na paglakas ng impluwensiya ng NPA sa Sorsogon, mistulang esensiyal na bahagi na ng pagwawagi sa halalan ang pagpayag ng NPA na makapangampanya ang mga kandidato sa kanilang mga teritoryo.

Masasabi ngang nababago ng PTC ang kultura ng halalan sa bansa sa pamamagitan ng pag-uudyok sa mga pulitiko na gumawa ng mga paninindigang itinuturing ng NPA na makabubuti sa mga mamamayan.

Kaya habang umiinit ang panahon ng eleksiyon, lalong naging abalang-abala si Ka Sergio sa probinsiya ng Sorsogon.

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006