Taon 6 • Blg 11 • Marso 22, 2007

SAMU'T SARI , Marso 15, 2007
Wastong pagkain ng prutas | Noel Sales Barcelona
eLeksiyon '07 | Limarserolf
Ang Linggong ito sa Kasaysayan


home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
SAMU'T SARI
Alamin ang tama at sobrang kolesterol

Marahil, marinig lang natin ang salitang “kolesterol,” negatibo na kaagad ang ating pananaw tungkol dito dahil sa mga nababasa at napapanood natin na ito ang dahilan ng iba’t ibang sakit sa puso at iba pang karamdaman.

Ayon sa mga eksperto, hindi natin dapat katakutan ang kolesterol. Kailangan ito ng ating katawan upang maipagpatuloy ang normal nitong mga gawain. Kailangan ito sa paggawa ng bagong selyula (cells) at hormones para sa metabolismo ng katawan.

Matatagpuan ang kolesterol kasama ng taba sa ating dugo at sa lahat ng selyula ng katawan. Ayon kay Dr. Condrado Dayrit, eksperto sa mga karamdaman sa puso at dating pangulo ng Philippine Heart Association, kailangan ang kolesterol dahil nagsisilbi itong tagapagtanggol ng katawan laban sa kanser at bilang anti-oxidant at free radical scavenger. Kolesterol ang nagbibigay ng pakiramdam ng pag-ibig dahil naglalabas ito ng hormone na androgen, testosterone, estrogen at progesterone. “Ang kolesterol na mababa pa sa normal na antas ay may hindi magandang epekto sa ating sexual urge o libido,” ayon pa kay Dayrit.

Hindi lamang nanggagaling ang kolesterol sa mga produktong pagkaing galing sa hayop. Kusang gumagawa nito ang ating katawan para sa sariling proteksiyon. Ang atay ang pangunahing gumagawa at nagsasaayos ng kolesterol sa ating katawan.

Wala namang kolesterol ang mga pagkaing galing sa halaman, prutas at lamang ugat dahil wala silang kakayahang gumawa nito. Kaya walang kabuluhan ang sinasabi ng mga patalastas ng ilang produkto mula sa halaman at prutas na wala itong kolesterol dahil kahit hindi nila ito sabihin ay wala naman talagang kolesterol ang mga pagkaing ito.

Hindi natutunaw ang kolesterol sa dugo na dumadaloy sa ating katawan. Ito ay nanggagaling at dinadala sa lahat ng bahagi ng ating katawan sa iba’t ibang anyo. Ang dalawang anyo na dapat bigyang pansin ay ang tinatawag na mabuting kolesterol o high-density lipoprotein (HDL) at masamang kolesterol o low-density lipoprotein (LDL).

Tinatawag na masama ang kolesterol kapag ito ay nagdadala ng 2/3 o higit pa ng kabuuang kolesterol sa mga selyula at patuloy na nagdadala ng kolesterol sa mga selyula. Ito ang nagiging dahilan ng pagtaas ng deposito ng kolesterol sa pangunahing mga daluyan ng dugo sa puso. Dahil dito, sumisikip at nagbabara ang mga ugat. Mabuting kolesterol naman ang may kakayahan na dalhin ang sobrang mga kolesterol mula sa mga selyula papuntang atay para ito ay maproseso at mailabas sa katawan.

May kasabihan na ang lahat ng sobra ay nakasasama. Dapat nasa katamtaman o nasa moderasyon ang lahat ng kinakain. Ang antas ng kolesterol sa ating katawan ay dapat na nasa 200 mg/dL o mas mababa pa. Ang HDL o mabuting kolesterol naman na 60 mg/dL o higit pa ay mainam sa ating katawan. Kapag ang HDL ay 40 mg/dL o mas mababa pa, ito ay maaaring dulot ng sakit sa puso.

Sa isang banda, ang LDL ay masasabing mataas kapag ito ay nasa 160 mg/dL o mas mataas pa. Ang mataas na LDL ay nagreresulta sa pagbabara ng ugat. Kapag ang ugat sa puso ang nabara, magkakaroon ng atake sa puso, samantalang istrok naman kapag ugat sa utak ang nabarahan.

Kapag ang kabuuang kolesterol sa dugo ay sobrang taas, (240 mg/dL o higit pa), ito ay tinatawag na hypercholesterolemia. Delikado ito sa kalusugan. Ang mga taong may diabetes, mataas ang timbang at may mataas na presyon ay mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng hypercholesterolemia.

Mataas din ang tsansang dapuan ng hypercholesterolemia ang mga taong mataas ang konsumo ng mga pagkaing galing sa hayop tulad ng karne, manok, itlog, at gatas. Gayundin ang mga taong nagkakaedad na at hindi nag-eehersisyo.

Base sa resulta ng isinasagawang 2003 National Nutrition and Health Survey ng Food and Nutrition Research Institute ng Department of Science and Technology, tumaas ang bilang ng mga Pilipino na may hypercholesterolemia noong 2003 kumpara noong 1998, mula sa dating 4.0% ay naging 8.5%.

Kung may dahilan para tumaas ang kolesterol, mayroon din namang mga pamamaraan para ito ay maiwasan. Kumain ng balanseng pagkain. Samahan ang karne ng mga pagkaing galing sa halaman tulad ng prutas at gulay. Kumain din ng isda at kung maaari ay tanggalin ang taba ng karne. Mag-ehersisyo nang regular at panatilihing nasa normal ang timbang.

balik sa itaas

Ang Linggong ito sa Kasaysayan

21 Marso
1947 Binuo ang Jusmag o Joint US Military Advisory Group, isa sa mga aksiyong resulta ng kasunduang militar sa pagitan ng Amerika at Pilipinas. Itinalaga ang mga Amerikanong “tagapayo” sa bawat sangay ng Armed Forces of the Philippines, na walang ibang kahulugan kundi ang ganap na kontrol ng US sa buong hukbong sandatahan ng Pilipinas. Susi ang Jusmag sa pagdurog sa kilusang rebolusyonaryo sa Pilipinas simula noong dekadang 50.

23 Marso
1897 Ipinatupad ang sentensiyang kamatayan sa tinaguriang Mga Martir ng Aklan sa Kalibo. Lahat sila ay miyembro ng Katipunan. Matapos nilang salakayin ang garison ng mga Kastila noong Marso 17, sila ay tinugis ng kaaway. May nadakip at may sumuko bunga ng pangakong amnestiya. Ngunit hindi tinupad ng mga Kastila ang pangako. Labinsiyam sa kanila ang pinatay.

24 Marso
1970 Si Ka Amado V. Hernandez, dakilang manunulat at makata, progresibong lider-obrero, militanteng makabayan at bilanggong pulitikal, ay namatay sa panahon ng Sigwa ng Unang Kuwarter ng 1970. Siya ay isinilang noong Setyembre 13, 1903 sa Tondo, Maynila.

28 Marso
1903 Si Hen. Luciano San Miguel, rebolusyonaryong kadamdamin ni Hen. Macario Sakay at iba pang rebeldeng nagpatuloy ng sandatahang pakikibaka laban sa kolonyalismong US, ay nasawi sa isang reyd ng mga kaaway sa pagitan ng Marikina at Kalookan. Isa siya sa mga nagtatag ng Bagong Katipunan.

balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006