Taon 6 • Blg 10 • Marso 15, 2007

Editoryal at Opinyon, Marso 6, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO TALINONG KANTOKABATAAN

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Human Security Act: Lisensiya sa pamamaslang

Paano natin paniniwalaan si Gng. Gloria Macapagal- Arroyo, presidenteng de facto, kung sasabihin niya na ang bagong batas kontra-terorismo – Human Security Act ang pinagandang pangalan – ay gagamitin sa pinaghihinalaang mga nambobomba at hindi sa mga nagpoprotesta? Ang ganitong pasistang batas, sa kabaligtaran, ay tiyak na dagdag-lisensiya sa mga death squad na aprubado ng rehimeng Arroyo upang magsagawa ng pampulitikang pamamaslang, na nagdulot na ng pagkabahala sa pandaigdigang mga grupo kabilang ang European Union at United Nations Special Rapporteur on Extrajudicial Killings.

Tiyak na pababangisin ng bagong batas ang mga puwersang militar at pulis – mula sa hambog na mga heneral hanggang sa utak-pulburang mga sundalo at pulis – upang lapastanganin ang sibil, pampulitika at batayang karapatang pantao ng karaniwang mga mamamayan. Pasisidhiin nito ang kagustuhan ng mga maka-kanang barkadahan sa Cocis (Cabinet Oversight Committee on Internal Security) na pinamumunuan ni Gng. Arroyo para pabilisin ang kumpas ng bantog na “todo-giyera laban sa Kaliwa” ng kanyang rehimen.

Ang todong kampanyang burahin sa larangang pampulitika ang progresibong mga party-list na Bayan Muna, Anakpawis at Gabriela ay espesyal na proyekto ng Cocis at pakana ni National Security Adviser Norberto Gonzales. Isang matinding kampanya ng pagpapasama sa kanila sa pamamagitan ng walang humpay na red-baiting at anti-komunistang witch hunt na tulad noong dekada 50 at ipinapatupad ngayon ng kasuklam-suklam na troika nina NSA Sec. Gonzales, AFP Chief Hermogenes Esperon at Justice Sec. Raul Gonzales nang may kubling basbas ni Gng. Arroyo. Halimbawa, pilit inilulusot ng mga di-kagalang-galang na ito ang hibang na akusasyong ibinibigay ng tatlong party-list ang kanilang countryside development fund sa NPA – nang hindi nagpapakita ng ni katiting na ebidensiya.

Habang ang nakalalasong mga salita ay maaaring labanan ng makatotohanang mga salita, tiyak nang pinsala sa buhay ang dulot ng lantarang militarisasyon sa mga eryang rural at urban sa bansa na tinukoy ng rehimen bilang balwarte ng hindi-yumuyukod na oposisyunistang mga party-list na ito. Nitong huli, ang mapanghimasok na presensiya ng mga militar – na nakabihis ng kumpletong unipormeng panlaban, gumagala sa maralitang mga komunidad sa Metro Manila, naghahanap at nagbabanta sa mga tagasuporta ng Bayan Muna at iba pa, at nagsasabi sa mga residente na huwag iboto ang mga party-list na ito – ay nakapag-aalala sa mga tagapagtanggol ng karapatang sibil at sa publiko.

Ang pagsasampa ng gawa-gawang mga kaso ng karaniwang krimen tulad ng maramihang pagpatay at rebelyon sa mga standard bearer na sina Satur Ocampo, Liza Maza, Teddy Casiño at Rafael Mariano at ang kaakibat na petisyon para idiskuwalipika ang mismong mga party-list ay naglalayong ipatalo sila kundi man pigilan nang husto ang nangungunang mga kandidato sa pangangampanya at paglalaon ay pag-upo sa puwesto.

Hindi na kailangang sabihin pang ang pinakabrutal ngunit opisyal na itinatangging bahagi ng kampanyang ito ay ang walang tigil na pamamaslang, pagdukot, paniniktik at panliligalig sa mga lider, organisador at maging karaniwang miyembro at tagasuporta ng mga party-list na ito.

Ngunit ano ba talaga ang kasalanan ng mga party-list na ito? Inaatake sila dahil sa pagtindig sa pampulitikang plataporma ng tunay na reporma sa lupa at makabayang industriyalisasyon, pagtatanggol at pagtataguyod sa batayang mga karapatang pantao at demokratiko at pagpapatatag sa kapangyarihan ng mga mamamayan. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng masiglang pag-oorganisa sa grass roots, militanteng pakikibakang masa laban sa pang-aapi’t pagsasamantala at paggamit sa balota para ihalal ang tunay na mga tagapaglingkod-pinuno ng mga mamamayan. Siyempre, inilagay nila sa tiyak na panganib ang sarili nang manguna sa pagsusulong ng impeachment ni Gng. Arroyo at lumahok sa pagpapatalsik sa kanya sa pamamagitan ng isa pang malaking demonstrasyon ng hindi armadong “people power”.

Hindi ba’t ang pampulitikang mga layunin, mithiin at pagkilos ng progresibong mga party-list ay hawig na hawig sa isinusulong ng armadong rebolusyunaryong kilusan? Siyempre naman! At bakit hindi, sila ay hindi nangingiming magproklamang nasa Kaliwa ng pampulitikang hanayan.

Hindi ba ito ebidensiyang prima facie na sila ay “prenteng mga organisasyong komunista” katulad ng gustong ipapaniwala sa atin ng kasuklam-suklam na troika nina Gonzales-Esperon-Gonzalez? Hindi. Ang mga organisasyong ito ay lehitimo sa pulitika at may pagkakakilanlang legal. Sila ay kumikilos nang hayag, hindi lumalahok sa armadong pakikibaka at may demokratikong organisasyon na may lumalawak na kasapiang masa na pinipilit sindakin ng rehimeng Arroyo, gamit ang mga baril ng militar at tuso’t maruming pakikidigmang sikolohikal. Ang totoo, ang countryside funds ng mga kinatawan ng Bayan Muna ay napapailalim sa rekisitong accounting at auditing na pareho sa iba pang kasapi ng Kongreso, at higit pa rito, sa mapanuring mga mata nina G. Gonzales at Gonzalez. Kaya ang ibinabandong mga akusasyon ng huli na ang mga pondong ito ay dinadala sa NPA ay puro katarantaduhan.

Habang si Gng. Arroyo at ang kanyang tropang itinuturing na mga sinungaling, mandarambong, uhaw-sa-dugong pasista at sagad-sagaring anti-komunista ay naggigiit na ang Human Security Act – na sadyang binigyan ng mapanlinlang na pangalan – ay nakadisenyo para parusahan ang mga “terorista” tulad ng Abu Sayyaf/Jemah Islamiyah, alam natin ang totoo.
Ang demokratikong kilusan ng sambayanan ay nasa panahong mahirap at mapanganib, katulad noong batas militar ni Marcos. Ngunit ito’y tiyak na magpupunyagi, magkakamit ng higit pang lakas, at aani ng mas malawak na suporta mula sa mga mamamayang Pilipino at mga mamamayan ng daigdig sa pagsisikap nitong pangibabawan ang isa na namang namumuong pasistang diktadura.

Pinaikling salin ng orihinal na Ingles na nalathala sa Business World, 9-10 Marso 2007.

nauna | balik sa itaas

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006