Taon 6 • Blg 10 • Marso 15, 2007

Editoryal at Opinyon, Marso 6, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO TALINONG KANTOKABATAAN

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Karahasan at dagdag na paglapastangan sa mga lola

Talaga nga naman, mga mare, muli na namang nilapastangan ng gobyerno ng Japan ang ating kababaihang Pilipinong comfort women. Nabalitaan ba ninyo ang pagtanggi ni Prime Minister Shinzo Abe sa katotohanang puwersahang ginamit ng mga sundalong Hapon ang comfort women noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig? Ayon kay Abe, walang makapagpapatunay na nagkaroon ng pamimilit sa pagitan ng mga sundalong Hapon at mga kababaihang ito. Ang naturang pagtanggi ay paglapastangan sa kababaihang Pilipino, Koreano at Taiwanese at sa mga bansang kanilang pinanggalingan na kumilala na sa pagkakaroon ng comfort women.

Wala raw patunay! Ano pa ba’ng patunay ang hinihintay ng gobyernong Hapon at ni Prime Minister Shinzo Abe? Ano kung gayon ang naranasan ng mga lola mula sa Lila Pilipina-Gabriela at sa organisasyon ng comfort women sa Korea at Taiwan sa kamay ng mga sundalong Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig?

Hindi pa ba sila kumbinsado sa laki ng bilang ng mga lolang lumantad para ilahad na sila ay puwersahang dinala ng mga Hapon sa mga comfort stations kung saan sila pinagsamantalahan ng mga sundalo? Walang babaing dadaan sa butas ng karayom para ipahiya ang sarili sa pag-aming sila ay biktima ng karahasan. Isipin na lang na halos limampung taong nag-ipon ng lakas ng loob ang mga lolang naging comfort women para ilahad ang kanilang istorya ng seksuwal na pang-aabuso ng mga sundalong Hapon. Sila kasi ay lumaki sa panahong ang tingin sa babaing ginahasa ay hindi na buo’t may dungis na ang katauhan.

Sa ngayon, 120 sa mga lolang Pilipino na naging comfort women ay buhay pa at nasa edad 80. Makabubuti para kay Abe na direktang kausapin ang mga lola para siya ay malinawan. Aba’y baka ang sunod niyang ipalaganap na kuwento ay mga prostitute ang mga lolang ito!

Napansin ba ninyo mga mare na ito naman ang kadalasang depensa tuwing may kaso ng karahasan sa kababaihan? Di ba’t ang ’yan ang sabi ng apat na sundalong Amerikano ukol kay Nicole? May isa pa ngang nagsabi na kaya hindi niya inawat ang puwersahang pagtatalik sa likod ng kanilang van ay dahil iniisip niyang si Nicole ay isang professional.

Ito na rin ang pagtatanggol ni Abe sa Japan sa mga krimen na ginawa nito noong panahon ng giyera. Nagpapakita lang ito ng karuwagan ni Abe at ng gobyernong kinakatawan niya. Dahil noong 1993, ang noong tagapagsalita ng gobyernong Hapon na si Yohei Kono ay nagpahayag na ng matapat na paghingi ng tawad at pakikidalamhati sa mga comfort women habang kinikilala na ang pang-imperyang hukbo ng Japan ay may kinalaman sa seksuwal na pang-aalipin ng kababaihan. Noon namang 2001, ang dating Prime Minister ng Japan na si Junichiro Koizumi ay humingi rin ng dispensa at kinilala ang kanilang masamang karanasan. Pero heto ngayon si Abe na walang kahihiyang sinasabi na ginusto ng ating mga lola ang seksuwal na pang-aabuso sa kanila.

Kalokohan, hindi ba, mga mare? Isang paglapastangan sa kababaihang Pilipino sa kabuuan. Nasa kasaysayan natin ang katotohanang ito at dapat lang na isama rin sa kasaysayan ng bansang Hapon bilang pagkilala sa mga comfort women. Ito, pati ang isinabatas na compensation para sa kanila, ay responsibilidad ng gobyernong Hapon. Habang ang reponsibilidad naman nating kababaihang Pilipino, bilang pakikiisa sa mga lola, ay siguraduhin na ang mga tulad ni Abe ay hindi makatatakas sa kanilang pananagutan.

nauna | balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006