Taon 6 • Blg 10 • Marso 15, 2007

Editoryal at Opinyon, Marso 6, 2007
EDITORYALHUSGAHAN NATIN KONTEKSTO TALINONG KANTOKABATAAN

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
OPINYON
Para sa mga tumutugis kay Satur Ocampo

Sumugod kayo sa bahay ni Bayan Muna Rep. Satur Ocampo noong Sabado ng umaga sa Heroes Hill, Quezon City sa bisa ng isang arrest warrant na nakasaad ang maling address na “Commonwealth Avenue.” Maaaring maliit na bagay lang ito para sa inyo, pero ipinapakita nitong hindi naging masinop ang paghahanda ng kaso laban sa kanya.

Kung simpleng address lang ng bahay niya ay hindi makuhang tama, paano pa kaya ang seryosong akusasyon ng maramihang pagpatay na nangyari 22 taon na ang nakaraan habang si Ocampo ay nakakulong, at nasa maximum security pa mandin? At tandaang ito ay nangyayari sa panahon ng eleksiyon na kung saan ang Bayan Muna ay kabilang sa mga party-list group na tatakbo sa House of Representatives. Kabilang din ang Bayan Muna sa mga grupong inakusahan ng administrasyong Macapagal-Arroyo na prente ng mga komunista.

Batay sa mga pahayag sa midya, sinabing ginagawa n’yo lang ang inyong trabaho sa pagtugis kay Ocampo. Sa partikular, sinusunod n’yo ang hukom na nakakita ng probable cause sa kasong isinampa. Pero hindi ba’t trabaho n’yo ring protektahan at pagsilbihan ang mga mamamayan? Bagama’t nararapat lang na parusahan ang mga nagkasala, hindi ba’t higit na nararapat na suriin din ang konteksto ng pagtugis kay Ocampo?

Kakaiba ang kanyang kalagayan hindi dahil siya ay miyembro ng House of Representatives. Malinaw kasing ang korte ay ginagamit ng mga nasa kapangyarihan para ipagkait sa Bayan Muna ang epektibong pangangampanya ngayong eleksiyon. Ang negatibong publisidad ng pagkakaaresto kay Ocampo dahil sa maramihang pagpatay ay may malaking epekto sa pangkalahatang imahe ng Bayan Muna.

Kahit na siya ay mapawalang-sala sa ganitong akusasyon – at sa bagal ng gulong ng hustisya sa Pilipinas ay mangyayari ito, kung sakali man, kapag tapos na ang eleksiyon sa Mayo – nais ng mga nasa kapangyarihang itanim sa isipan ng mga mamamayan ang imahe ni Ocampo na nakaposas at dinadala sa kulungan kaysa mga nagawa niya bilang kinatawan ng Bayan Muna sa House of Representatives.

Matatandaang si Anakpawis Rep. Crispin Beltran ay inaresto noong Pebrero 25, 2006 sa panahon ng state of national emergency nang ipatupad ang Presidential Proclamation No. 1017. Sinubukan ding arestuhin si Ocampo kasama ang apat pang kinatawan ng Bayan Muna, Anakpawis at Gabriela Women’s Party sa kasong rebelyon pero epektibo nilang naipaglaban ang kanilang karapatan.

Sa gitna ng panggigipit kay Ocampo at sa mga kinatawan ng mga party-list group na ito, hindi maikakailang pangunahing target din ng pulitikal na pagpatay ang mga miyembro nila. At ang pagpatay sa kanila – pati na rin ang iba pang porma ng paglabag sa karapatang pantao tulad ng pagdukot – ay hindi lang nangyayari tuwing eleksiyon. Hindi pa kontento sa malawakang pagpatay, sinusubukan din ngayong magsampa ng kasong diskuwalipikasyon sa tinaguriang militanteng party-list groups.

Bilang bahagi ng mobilisasyon ng militar ngayong eleksiyon, nakalagay sa teksto ng slide presentation nitong may titulong “CPP-NPA-NDF Party-List Operations for 2004 Elections” ang mga panawagang “Isolate and deter their coordinators of local candidates and the party-list groups from campaigning” at “File disqualification cases against CPP party-list groups.” Hindi na kailangang ipaliwanag ang koneksiyon ng militar sa ginagawang panggigipit sa Bayan Muna at iba pang grupo. Sa katunayan, kaduda-duda na ang pagtatalaga ng mga sundalo sa mga lugar tulad ng Barangay Payatas, Quezon City (kilalang balwarte ng Bayan Muna) sa panahon ng eleksiyon.

Kung gusto n’yo pa ring gawin ang iyong “trabaho” sa pagtugis kay Ocampo, tandaan n’yo lang na magagampanan n’yo lamang ito hindi sa ngalan ng hustisya kundi sa pagyurak nito.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa dannyarao.com

nauna | balik sa itaas | sunod

home | editoryal | opinyon | balita | suring balita | balitang OFW | lathalain | kultura | showbiz | sports | samut sari | kontakin kami
© Pinoy Weekly 2005 - 2006