| NLRC: Tanggalin o palakasin?
Noong nakaraang
linggo, sa isang popular na
programa sa radyo ay tinalakay ang isang paksa na may kaugnayan sa buhay ng lahat ng manggagawa. Ang paksa ng usapan: korupsiyon sa National Labor Relations Commission (NLRC).
Sa kalagitnaan ng programa, isang human relations manager ng isang kompanya ang tumawag. “Nagbigay naman kami sa mga kaso namin ah,” sabi niya. “Minsan nga, umabot pa sa P30,000 ang bigayan. Bakit kami natalo?” tanong ng HR Manager.
Nahirapang sumagot ang Labor Arbiter na bisita rin sa nasabing programa. Ganu’n pa man, pinalabas niyang hindi totoo na lahat ng Labor Arbiter ay tumatanggap ng suhol o lagay. Marami pa namang Arbiter na tapat at malinis, sabi niya. Maaaring ang nangyari sa HR Manager ay isang isolated incident lamang.
Posibleng tama ang kanyang paliwanag. Posible ring mali. Ngunit ang hindi niya maitatwa ay ito: hindi nagagampanan ng NLRC ang tungkulin nito na resolbahin nang mabilis ang mga labor case na napupunta rito.
Ayon sa ating Labor Code, ang bawat Labor Arbiter ay inuutusan na desisyunan ang kaso niyang hawak sa loob ng 30 araw pagkatapos itong mai-submit para gawan ng resolusyon.
Ngunit ano ang nangyayari? Inaamag muna ang records sa tanggapan ng Labor Arbiter bago ito madesisyunan. Ayon sa nakalap nating datos sa website ng NLRC, ang lahat ng Labor Arbiter ay may total caseload na 22,508 kaso noong 2006. Sa 22, 508 kaso na ito, 7,857 kaso o bale 35% lamang ang nadesisyunan. Sa madaling sabi, sa sampung kasong pending sa isang Labor Arbiter, wala pang apat na kaso ang nabigyan ng desisyon. Ang anim o mahigit pang kaso ay nanatiling nakabitin. Saan na ngayon ang sinasabing speedy labor justice? Hindi ba ito halimbawa ng kasabihang “Justice delayed is justice denied”?
Kung hindi kaaya-aya ang rekord ng mga Labor Arbiter, mas masahol ang rekord ng mga NLRC Commissioner. Ayon sa ating Labor Code, ang mga NLRC Commissioner ay mayroon lamang 20 araw pagkatanggap ng sagot sa apela para resolbahin ang isang kaso sa kanilang tanggapan. Pero ayon din mismo sa kanilang website, ang disposition rate ng NLRC ay nasa 25% lamang. Sa 10,901kaso nito noong nakaraang taon, 2, 701 lamang ang nahatulan. Mahigit 7,000 kaso pa ang nanatiling nakabinbin. Sa sampung kasong hawak nito, wala pang tatlong kaso ang kanyang natapos. Another case of “justice delayed, justice denied”, hindi ba? Ano ang dapat gawin para mabigyan ng solusyon ang problemang ito?
May nagsasabing dapat nang buwagin ang NLRC. Sa katunayan, may mga panukalang batas nang inihain tungkol dito. Sa pagtingin ng iba nating mambabatas, may credibility problem na ang NLRC, kaya dapat na itong palitan ng bagong istruktura. Sa paningin ng mga manggagawa, ayon sa kanila, ang NLRC ay isang malaking libingan. Libingan ito ng mga kaso. At ang mga Labor Arbiter at NLRC Commissioner ang mga sepulturero!
Ngunit mayroon din namang naniniwala pa sa NLRC. Ang kasalukuyang problema ng NLRC, ayon sa kanila, ay ang kakulangan ng tao. Mayroon lamang mga 171 Labor Arbiter na nakatalaga sa buong Pilipinas upang humawak sa mahigit 20,000 kaso. Labinlima naman ang bilang ng NLRC Commissioner. Bukod pa rito, kulang din daw ang suweldo. Ito ang sanhi ng kabagalan ng pag-usad ng mga kaso, ayon sa kanila. Kaya dapat dagdagan ang bilang ng NLRC Commissioner at Labor Arbiter, bukod pa sa taasan ang kanilang mga suweldo.
Alin dito ang tamang solusyon, mga mahal naming mambabasa? Ewan ko ba, ngunit isang bagay ang hindi maitatwa. Kailangan ang isang malakas at mapagbantay na hanay ng mga manggagawa upang maging matagumpay ang ano mang solusyon na kanilang maisip sa bagay na ito.
balik sa itaas | sunod |